(From the Sermon of the same title dated January 31 and February 3, 2013)
Tama o mali, matuwid o hindi matuwid, mabuti o masama, nararapat man o hindi nararapat, ito ang mga bagay na maaari at malaya nating magagawa bilang mga taong binigyan ng kalayaang gawin ang anumang ibigin natin (free will).
Ang Dios ang nagbigay sa atin ng kalayaang gawin ang anumang bagay na ibig nating gawin. Subalit, bagaman binigyan Niya tayo ng laya, iminumungkahi Niya na piliin natin ang ayon sa Kaniyang kalooban, samakatuwid ay ang piliin na gawin ang mga bagay na mabuti, tama, matuwid at nararapat sa Kaniyang paningin. (Deutetronomio 30:19-20) Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi; Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka’t siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw.
Mahalaga na mapag-aralan natin ang mga bagay na nararapat at ‘di nararapat lalo na sa paglilingkod sa Dios sapagkat sa pamamagitan nito lubos nating mauunawaan at matututunan kung ano ang tunay na mga kalooban ng Dios sa atin na Kaniyang mga lingkod.
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay hindi upang alisin sa atin ang kalayaang gawin ang anumang ibig nating gawin, kundi yaong makapaglingkod tayo nang walang kahadlangan sa pamamagitan ng pag-alam sa mga bagay na nararapat. (1 Corinto 7:35) At ito’y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo’y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.
At bilang mga lingkod, inaasahan ng Dios na ang bawat isa sa atin ay gagawin kung ano ang tunay na karapatdapat sa Kaniya. Ang Biblia, na siyang kinapapalooban ng mga salita ng Dios ay ibinigay sa atin upang ating maunawaan kung ano ang mga bagay na sadyang kailangan nating gawin.
Tandaan nating hindi lahat ng inaakala at iniisip nating mga tao na tama ay matuwid at naaayon sa kalooban ng Dios. Sabi nga ni Leo Tolstoy, “Wrong does not cease to be wrong because the majority share in it.” Kahawig nito, sinabi ni Saint Augustine of Hippo, “Right is right even if no one is doing it; wrong is wrong even if everyone is doing it.” Hindi nangangahulugang tama ang isang bagay kung ginagawa ng higit na nakararaming mga tao. Makikilalang ito ay tama at matuwid kung ito ay naaayon sa mga aral ng Panginoong Dios.
Hindi lahat ng bagay ay matuwid at nararapat sa kalooban ng Dios. (1 Corinto 6:12) Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ay nararapat. (1 Corinto 10:23) Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.
Kadalasan, ang inaakala natin na matuwid at tama ay maghahatid pala sa atin sa kapahamakan. Napakarami nang napahamak nang dahil sa maling akala. Ang maling akala na ito ay mga hinuha ng mga tao, na sa pagaakalang tama ang kanilang ginagawa o pinaniniwalaan, hindi nila namamalayang ang mga ito pala ay maghahatid sa kanila sa tiyak na pagkapahamak. (Kawikaan 21:2) Bawa’t lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: (Kawikaan 14:12) May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
Ano ang ilan sa mga bagay na nararapat nating gawin bilang mga lingkod ng Dios?
Anumang anyo ng kasamaan ay hindi dapat masumpungan sa atin. Nang tayo’y tinawag sa loob ng iglesia ng Dios, inihanda natin ang ating mga sarili na yakapin ang mga katuwiran at kalooban ng Panginoon. Kalakip nito ay ang pagtalikod sa lahat ng uri ng anyo ng kasamaan at walang kabuluhan. (1 Timoteo 4:7-9) Datapuwa’t itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan: Sapagka’t sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni’t ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating. Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.
Kung naitakuwil na natin ang mga bagay na masama, hudyat ito na tayo ay makalalakad sa buhay na hinahangad ng Dios na malakaran natin, samakatuwid ay ang panibagong buhay(Roma 6:4), buhay na nararapat sa Kaniyang paningin. (Colosas 1:10) Upang kayo’y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa’t gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios. (Mikas 6:8) Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.
Bukod dito, ano ang ilan sa halimbawa ng mga bagay na nararapat nating isagawa bilang mga lingkod ng Dios?
Sa pamamagitan ni Hesus, ipinakita Niya sa atin ang ilang mga bagay na sadyang kailangan nating isagawa bilang pagsunod sa tunay na mga kalooban ng Ama. Sinabi Niya, “Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.” (Juan 13:14-17)
Ang isinagawang ito ng Panginoong Hesus ay hindi lamang itinuturo ng pagkakaroon ng bahagi sa Kaniya(Juan 13:8), kundi ito ay nagtuturo din naman ng pagpapakababa at pagiging alipin ng bawat isa, na ang layunin ay ipakita ang paglilingkod na dapat nating isagawa hindi lamang sa Dios kundi sa bawat isa.
Bukod sa katuwirang ito, ano ang lalong malalim na dahilan kung bakit ang bawat isa ay nararapat na maghugasan ng paa?
Ang pahayag ng Biblia, “Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya’y nagalaga sa mga anak, kung siya’y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya’y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya’y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa’t mabuting gawa.” (1 Timoteo 5:10)
Literal man o may mas malalim na kahulugan ang paghuhugasan ng paa, ang layunin nito ay turuan tayong manatili sa mababang kalagayan ng pagiging alipin, na anumang anyo ng pagmamataas o pagmamapuri ay hindi dapat na masumpungan sa atin.
Ang paghuhugas ng paa, sa kultura ng mga sinaunang tauhan sa Biblia (1 Samuel 25:40-42), ay gawain lamang ng mga alipin sa kanilang kinikilalang panginoon. At ito ang ipinakita sa ating halimbawa ng Panginoong Hesus, na Siya, bagaman Dios ay nagawang magkatawang-tao upang magpakita sa atin ng napakadakilang halimbawa. (Filipos 2:6-8) Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.
Hindi tayo kailanman dapat humigit sa ating Panginoon. Siya ay nagpakababa at nagawang maghugas ng paa ng Kaniyang mga alagad, kung kaya’t dapat din namang tularan ang halimbawang ito na Kaniyang iniwan. At sa aral na iniwan ng Panginoong Hesus, ang nagiging higit na dakila sa paningin ng Dios ay yaong nagiging lingkod ng marami. (Mateo 23:11) Datapuwa’t ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.
Kabaligtaran nito, ano naman ang hindi nararapat gawin ng mga lingkod?
Sinabi ni Hesus, “At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.” (Mateo 23:12) Samakatuwid, ayaw ng Dios na masumpungan sa atin ang anumang anyo ng pagmamataas.
Magugunitang ang nasumpungang kataasan kay Lucifer ang naging daan upang hindi na niya masumpungan ang kaniyang sarili ng dako sa langit. (Isaias 14:12-15) Ano’t nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! … At sinabi mo sa iyong sarili, Ako’y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako’y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan: Ako’y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako’y magiging gaya ng Kataastaasan. Gayon ma’y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.
Sa halimbawa ng Panginoong Hesus, ang pagmamapuri ng ilang mga Fariseo ay isang bagay na karapatdapat sa Kaniyang pagtuligsa; ngunit ang pagpapakaba ng maniningil ng buwis ay marapat sa Kaniyang paningin. (Lukas 18:10-14) May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa’y Fariseo, at ang isa’y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan. Datapuwa’t ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan. Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka’t ang bawa’t nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.
Simple ang pahayag ng Biblia, ang nagmamataas sa kanilang sarili kaylanman ay hindi makapagbibigay ng kaluguran sa Dios at hindi tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Kung tayo ay magpapakababa, kakamtin natin ang kahabagan at kapatawaran ng Dios. (2 Cronica 7:14) Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
Bukod dito, ano pa ang ilan sa mga bagay na nararapat at hindi nararapat gawin ng mga lingkod ng Dios? … sa susunod




