Rom 10:17 So faith comes by hearing, and hearing by the word of Christ.
Listen to the Topic:
Ang mga Sakdal sa Gawaing Paglilingkod sa Dios
(Lokal ng Bahrain – July 22, 2012)
22 Sunday Jul 2012
Posted in Audio Blogs, Sermons
Rom 10:17 So faith comes by hearing, and hearing by the word of Christ.
Listen to the Topic:
24 Sunday Jun 2012
Posted in Audio Blogs, Sermons
Tags
Rom 10:17 So faith comes by hearing, and hearing by the word of Christ.
Listen to the Topic:
22 Friday Jun 2012
Posted in Filipino Topics
Tags
Sa iba’t ibang panig ng mundo, palibhasa may iba’t ibang kultura, ang halik ay may iba-ibang kahulugan. Sa mga bansa sa Gitnang Silangan, Europa at Amerika at maging ilang bansa sa Asya, ang paghalik ay karaniwang anyo ng pagbati sa isang mahal sa buhay o malapit na kamag-anak o kaibigan.
Sa mga awiting naririnig ay mababakas natin ang paglalarawan ng marami ukol dito. Kaya’t hindi nakapagtatakang maraming mga kabataan ang pinapangarap na maranasan ito. Subalit hindi humahangga ang halik sa mga awitin at isipin ng mga kabataan, ang halik ay pagpapakita ng nararamdaman at katunayan ng pag-ibig ayon sa paliwanag ng marami ngunit kung pag-aaralan natin, may iba’t ibang kahulugan ang halik ayon sa Biblia.
Mayroong halik na nagpapakita ng pagkilala sa nakatatanda at ang ganito ay ginagawa bilang pagpapakita ng paggalang. (1 Samuel 10:1) Nang magkagayo’y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis, at ibinuhos sa ulo niya, at hinagkan niya siya, at sinabi, Hindi ba ang Panginoon ang nagpahid sa iyo ng langis upang maging prinsipe ka sa kaniyang mana? (Genesis 27: 26) At sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama, Lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin, anak ko.
Hanggang sa panahong ito, ang ganitong halik ay ginagawa natin sa ating mga magulang at mga nakatatanda bilang pagpapakita ng paggalang o respeto.
Mayroong din namang halik na nagpapakita ng matapat na pakikipagkaibigan. Ang halik na ito ay nasumpungan sa magkaibigang si David at Jonathan. Saksi ang Dios sa napakalalim na pagtitingin ng dalawang ito na higit pa sa tunay na magkapatid ang naging pagtingin sa isa’t isa. (1 Samuel 20: 41 -42) At pagkayaon ng bataan, si David ay tumindig sa dakong tungo sa Timugan, at sumubsob sa lupa, at yumukod na makaitlo: at sila’y naghalikan, at umiyak kapuwa, hanggang si David ay humigit. At sinabi ni Jonathan kay David, Yumaon kang payapa, yamang tayo’y kapuwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, Ang Panginoon ay lalagay sa gitna natin, at sa gitna ng aking binhi at ng iyong binhi, magpakailan man..
At gaya ng paliwanag ng iba, ang halik ay katibayan ng pagsinta o pag-ibig. (Awit ng mga Awit 1:2) Hagkan niya ako ng mga halik ng kaniyang bibig: sapagka’t ang iyong pagsinta ay maigi kay sa alak. Ang ganitong uri ng halik ay karaniwang nasusumpungan sa mga mag-asawa at sa dalawang pusong nagtataglay ng pag-ibig sa isa’t isa. Subalit ang halik ng pag-ibig ay karaniwang napagkakamalang katulad ng halik ng pagnanasa. Maituturing na halik ng pagnanasa kung walang pag-ibig na taglay.
Mayroon din namang halik na inuukol sa pagsamba sa mga diosdiosan. (Oseas 13: 2) At ngayo’y nangagkasala sila ng higit at higit, at nagsigawa sila ng mga larawang binubo sa kanilang pilak, mga diosdiosan na ayon sa kanilang unawa, lahat ng yaon ay gawa ng manggagawa: sinasabi nila tungkol sa mga yaon; Magsihalik sa mga guya ang mga tao na nangaghahain.
Ang pinakamakulay na halik na mababasa sa Biblia ay ang halik ng pagkakanulo na ginawa ni Judas Iscariote sa ating Panginoong Hesus. Ang halik na ito ay ginawa niyang palatandaan ng pagkakakilanlan ng mga kawal kung sino ang kanilang dadakpin. (Mateo 26: 49-50) At pagdaka’y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya’y hinagkan. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya’y kanilang dinakip.
Ang ganitong uri ng halik ay maituturing na halik ng pandaraya at halik ng isang kaaway. (Kaw. 27: 6) Tapat ang mga sugat ng kaibigan: nguni’t ang mga halik ng kaaway ay malabis.
Subalit anong uri ng halik ang hindi karaniwan subalit nagtataglay ng malaking kahalagahan sa mga lingkod ng Dios?
Ang tinutukoy na halik na hindi karaniwan subalit mahalaga para sa mga lingkod ay walang iba kundi ang banal na halik na binanggit ni Apostol Pablo sa Roma 16: 16. Ang banal na halik ay ginagawa sa iglesia ng Dios. (Roma 16: 16) Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo. Ang pagbating ito ay ginagawa ng mga kapatid na tinawag sa iglesia. (1 Tes. 5: 26) Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
Ano nga ba ang kahulugan ng banal na halik?
Ito ba ay literal na halik na kagaya ng mga halik na ating mababasa sa Biblia?
Sa maraming pagkakataon, alam nating kadalasan ay nagsasalita ang Biblia ng mga salitang hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan nating mga tao. Kadalasan ang mga salita ng Dios ay pagtuturong ayon sa Espiritu na itinutulad ang mga bagay na ayon sa Espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu. Ibig sabihin, ang ilang mga bagay sa Biblia ay huwag nating ipalagay na materyal ang kahulugan. (1 Cor. 2: 13) “Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.”
Bukod dito, alam nating ang salita ng Dios ay gaya ng tabak na may dalawang talim sa magkabila. Ibig sabihin, maaaring ito ay may kahulugan sa material na aspeto at may mas malalim na kahulugan din naman ito sa espirtuwal na aspeto. (Hebreo 4: 12) Sapagka’t ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.
Ang banal na halik na tinutukoy ni Pablo ay hindi literal na halik kundi pagsasalubong ng katuwiran at kapayapaan. (Awit 85: 10) Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan. Sa buhay na ito, mahirap makita na ang kaawaan at katotohanan ay magkasama, maging ang katuwiran at ang kapayapaan. Laganap sa paligid ang kasamaan at kaguluhan bunga ng pagtalikod ng mga tao sa Dios at hindi pagsunod sa Kaniyang mga palatuntunan.
Paano masasabing ang kaawaan at katotohanan ay kapuwa nagkasalubong? Paano masasabing ang katuwiran at kapayapaan ay naghalikan?
Nangyari lamang ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. (Juan 1: 17) Sapagka’t ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo. Si Hesus ang naging ehemplo ng pagpapakita ng Dios ng Kaniyang banal na katuwiran at walang hanggang pag-ibig. Taglay ng Dios kapuwa ang katotohanan at kaawaan at ibig din Niyang taglayin natin kapuwa ang mga ito. At tataglayin lamang natin ang mga ito kung magkakaroon tayo ng kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. (Roma 5: 1) Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
Ang kaawaan, katuwiran at kapayapaan ay nagsalubong at naghalikan nang si Hesus ay mapako sa krus upang tubusin ang kasalanan ng mga taong tumanggap sa mga katuwiran ng Dios upang sila ay magkaroon ng lubos na kapayapaan sa Dios.
Kaya naman, ang kahulugan ng pagbabatian ng banal na halik ay mahalaga sa mga lingkod ng Dios sapagkat ang layunin nito ay magkaroon tayo ng lubos na kapayapaan sa isa’t isa at higit sa lahat sa ating Panginoong Dios. Mayroong mga mahalagang element na kailangang taglayin ang bawat isa upang matamo ang kapayapaan sa iba at sa Dios.
Ngunit paano natin tataglayin ang kapayapaan at ang katuwiran?
Mahalagang maunawaan natin na ang katuwirang tinutukoy dito ay ang banal na kalooban ng Dios. Kapag ginanap natin ang Kaniyang mga kalooban, natural lamang na magkaroon tayo ng kapayapaan sa Kaniya sapagkat ito naman talaga ang hinahanap Niyang magawa natin.
Ang problema dito, nagkakaroon tayo ng katuwiran sa ating mga sarili. Maraming mga tao ang sa halip na gawin ang kalooban ng Dios ay ginagawa ang sarili nilang katuwiran. Ayaw ng Dios ng ganito at dito nagsisimula na mawala ang kapayapaan sa pagitan nating mga tao at ng Dios. Ito’y tuwirang hindi pagpapasakop sa Dios at kaylanman ay hindi magtatamo ng kapayapaan mula sa Dios. (Isa. 64: 6) Sapagka’t kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin. (Roma 10: 3) Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.
Hindi tayo dapat masumpungan na nagkakaroon ng katuwiran sa ating mga sarili. Ang paglilingkod sa Dios ay lubos na pagtalima o lubos na pagpapasakop sa Kaniyang mga kalooban at kautusan. Kung gagawin natin ito ay magkakaroon tayo ng kapayapaan sa Kaniya. (Filipos 3: 9) At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:
Nagbigay ng halimbawa si Hesus sa pagkakaroon ng katuwiran sa sarili ng mga Eskriba at Fariseo. Na bagaman nalalaman nila ang kautusan ng Dios ay hindi naman nila ginaganap. Kailangang higitan natin ang katuwiran ng mga ito sapagkat ang katuwiran ng Dios na humihigit sa kanilang katuwiran ang kailangang mataglay natin. (Mateo 5: 20) Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
Kaya naman, sinabi ng Biblia na mapalad ang mga taong nagiingat ng kahatulan at gumagawa ng katuwiran ng Dios, sapagkat tunay na mayroon silang kapayapaan sa Dios. (Awit 106: 3) Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.
At ang mga ito ay matatagpuan sa iglesia ng Panginoon na binili Niya ng Kaniyang dugo na itinulad naman sa bahay. (1 Timoteo 3: 15) Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan. (Awit 122: 8-9) Dahil sa aking mga kapatid at aking mga kasama, aking sasabihin ngayon, kapayapaan ang sumaiyong loob. Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios. Hahanapin ko ang iyong buti.
Bukod sa pagtataglay ng kapayapaan sa Dios at sa mga kapuwa kapatid, ano ang pa ang ibayong biyaya na dulot ng katuwirang ito?
Maraming pakinabang na dulot ang paglakad sa katuwiran ng Dios. Nakadisenyo ang Kaniyang mga katuwiran sa ikabubuti ng ating buhay, ito man ay sa materyal o lalong higit sa espirituwal na bahagi ng ating buhay. Ang katuwiran ng Dios ang magbibigay sa atin ng kaalaman o karunungan na harapin ang anumang bagay sa ating buhay. Ang dating mga bagay na kinatatakutan nating harapin ay hinaharap na natin ngayon ng buong tapang sapagkat alam nating ang Dios ay hindi tayo pababayaan sa anumang kaparaanan. (Isaias 54: 14) Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka’t yao’y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka’t hindi lalapit sa iyo.
Ang katuwiran ng Dios ang magtutuwid ng ating mga landas upang magawa nating layuan ang anumang anyo ng kasamaan. Dumating man ang mga tukso, ang katuwiran din ng Dios ang magbibigay sa atin ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga ito. (1 Juan 3: 7) Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanino man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid.
Sinumang susunod sa katuwiran ay makakasumpong ng buhay, katuwiran at karangalan. Ito ang pangako ng Dios sa mga taong hindi hihiwalay sa Kaniyang mga palatuntunan. Maliligaw ang tao at lalayo sa Dios kung gagawin nito ang sarili nitong kagustuhan. Ngunit kung ang tao ay susunod lamang sa kalooban ng Dios, ito ang maghahatid sa Kaniya patungo sa ipinapangakong buhay na walang hanggan. (Kawikaan 21:21) Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
At higit sa lahat, matututo tayong lalong magtiwala hindi sa ating sariling kakayahan kundi sa Dios na magkakaloob sa atin ng kapayapaan, katahimikan at biyayang walang hanggan. (Isa. 32: 17) At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.
06 Sunday May 2012
Posted in Audio Blogs, Sermons
Tags
Faith, Hope, Love, Pag-asa, Pag-ibig, Pananampalataya, Thanksgiving
Rom 10:17 So faith comes by hearing, and hearing by the word of Christ.
Listen to the Topic:
Ang Dapat Tiyakin ng mga Lingkod sa Kanilang Pangingibang Bayan
(Lokal ng Bahrain – April 13, 2012)
Part 1: Pagsamba-Pasalamat-May 4, 2012 – part 1
Click Play Button:
Part 2: Pagsamba-Pasalamat-May 4, 2012 – part 2
Click Play Button:
24 Saturday Dec 2011
Posted in Filipino Topics
Madalas nating madinig na “lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.” Subalit alam naman nating “mas madaling makapagbibigay kung mayroong ibibigay.” Hindi tayo makapagkakaloob kung wala tayong maibibigay.
May mga taong gustong makapagbigay at makatulong sa kapuwa o mga mahal sa buhay, subalit salat sila sa kapalaran para gawin ang pagtulong. Mayroon namang iba na mayroong ngang maitutulong subalit hindi bukas ang kanilang mga palad sa pagtulong.
Ano nga ba ang paliwanag ng Biblia tungkol sa pagbibigay ng tulong? Ano ang magandang kapalarang naghihintay sa sinumang may bukas palad upang tugunin ang pangangailangan ng kapuwa?
Ayon kay Pablo, (Gawa 20:34-35) Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan. Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.
Sinasabi ng ilan na walang matatagpuan sa apat na Ebanghelyo na sinabi ito ni Hesus. Sa katunayan, wala po talagang mababasa na sinabi ito ni Hesus, maliban sa naging pahayag ni Apostol Pablo na si Hesus ang nagsabi nito. Isa ito sa mga bihirang pagkakataon na sinabi ni Hesus na hindi naitala ng apat na Ebanghelista.
Subalit nangangahulugan ba na kung ito man ay hindi naitala sa Ebanghelyo ay hindi na ito mapagkakatiwalaang nagmula sa Panginoong Hesus?
Sinabi ni Apostol Juan, Joh 21:25 At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin. Ibig lamang sabihin nito, bagaman tinatawag itong exaggeration upang maipabatid ang isang punto, na si Hesus ay maraming ginawa na hindi na naisulat pa. At kung madami siyang mga gawa na hindi na naisulat pa, maaaring sabihin na marami din siyang sinalita na hindi na naisulat pa.
Nangangahulugan ba na kung ito ay nagmula kay Apostol Pablo ay hindi na ito sinalita ni Hesus?
Sa katotohanan, si Apostol Pablo ay hindi naitala kailanman sa apat na Ebanghelyo bilang direktang saksi sa kahit anumang gawa o sinalita ni Hesus nang ito ay nabubuhay pa at hanggang sa ito ay muling nabuhay. Subalit may mga dahilan upang paniwalaan natin na ito nga ay sinabi ni Hesus at itinala lamang ni Apostol Pablo.
Kung pag-aaralan, masasabing mayroong nalalaman si Pablo tungkol sa naging ministeryo ni Hesus. Sa aklat ng Galacia 1:18 hanggang Galacia 2:10, ay matutunghayan natin ang sulat ni Pablo na nagpapahayag tungkol sa pagkikita nila ng halos dalawang pagkakataon ng mga sinasabing alagad ni Hesus, na dito ay ipinakikita din na ang kaniyang itinuturo ay tugma sa sinasabi ng Ebanghelyo.
Ang Kabutihang Taglay ng Nagbibigay
Sa isang nagbibigay, hindi maikakaila ang damdamin ng kagalakan palibhasa’y nalalaman niyang siya ay nakakatulong sa kapuwa. Para bagang mayroong malalim na kasiyahang nadarama ang puso. Kakaiba ang kakuntentuhan ng kalooban kapag nakapagbigay ang sinuman.
Sa panig naman ng nabibigyan o natutulungan, kakaibang kaligayahan din ang nadarama sapagkat sa panahon ng pangangailangan niya ay nalalaman niyang mayroong nakahandang magbukas ng palad upang tumulong.
Sadyang ang nagbibigay ay magagawa lamang ng isang tunay na matuwid. (Kawikaan 21:26) May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni’t ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.
Isa sa palatandaan ng pagpapakita ng pananampalataya ang pagbibigay o pagtulong sa nangangailangan. Walang kabuluhan ang pananampalataya ng sinuman kung nakikita niya ang kaniyang kapuwa na kailangan ng tulong at hindi niya ito tinulungan. (Sant. 2 : 14 – 17) Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan? Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo’y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma’y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili.
Ang pagbibigay, sa panahon ng ka-Kristyanuhan ay kusang loob, pasiya ng puso at hindi dapat sapilitan. Ang magbibigay ang magkukusa kung ano, gaano kalaki o kaliit (depende sa pangangailangan) ang kaniyang maaaring itulong. (2 Cor 9:7) Magbigay ang bawa’t isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.
Mabubuting Halimbawa
Maraming mga pagkakataon na ang mga lingkod ng Dios ay nagpakita ng kanilang pagiging bukas palad sa pagtulong, sa mga nangangailangan, at mga kapatiran alang-alang sa pananampalataya.
Isa sa mga naitala ng Biblia ang pagkakaloob na ginawa ng babaeng bao. Higit pa sa kaniyang kaya ay nagkaloob siya. (Mar. 12 : 42 – 43) At lumapit ang isang babaing bao, at siya’y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga’y halos isang beles. At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman: Sapagka’t silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis; datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay.
Maaaring maliit lamang sa paningin ng iba ang ibinigay ng babae (dalawang lepta), subalit sa paningin ng Dios, ang buong kaniyang ikabubuhay ang kaniyang ibinigay sa kabila ng kaniyang kasalatan. Sa isang nagbibigay, naipapakita ang malaking sakripisyo na kahit na kapos din sa pangangailangan ay nakukuha pang magbigay o tumulong. Dito nasusukat ng Dios ang kalooban ng sinumang nagbubukas palad.
Bukod dito, ang isa pang nagpakita ng kagandahang loob ay ang mga taga-Macedonia. Sa kabila ng kanilang karukhaan ay tumulong sila sa pangangailangan ng iglesia. Ipinakita nila ang malaking pagtitiwala sa Dios at sa mga nangangasiwa ng iglesia. (2 Cor. 8 : 1 – 5) Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagka’t ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.
Bagaman sagana ang karukhaan nila sa buhay, ang mga lingkod ng Dios ay nagtitiwala sa kapangyarihan at kagandahang loob na nagmumula sa Dios. Para sa kanila, ang pagkabalisa ay hindi dapat masumpungan sa kanila sapagkat talastas ng Dios ang kanilang mga pangangailangan sa buhay. Ito ang nagtutulak sa kanila upang ang kaunting bagay na maaari nilang iambag, na dapat sana ay magamit na nila sa kanilang mga kailangan sa buhay ay kanila pang iniaambag sa iglesia. (Mat. 6 : 31 – 33) Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
At maaari pa nga na pasaganahin ng Dios ang Kaniyang mga biyaya lalo pa nga sa mga taong may kakayahang tumulong at nagkukusang tumulong bunga ng kanilang pananampalataya. (2 Cor. 9 : 8) At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa’t mabuting gawa:
At kung magbigay man ng kusa ang isang lingkod, ito ay isang bagay na tunay na aariin ng Dios na karapatdapat sa Kaniyang paningin. Hindi Niya kaylanman lilimutin ang kagandahang loob ng Kaniyang mga lingkod. (Heb. 6 : 10) Sapagka’t ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo’y nagsisipaglingkod kayo.
Hindi sapilitan ang pagbibigay o pagtulong. Bunga ito ng kagandahang loob na nagmumula sa puso ng isang tao o ng isang lingkod ng Dios.
Hindi natin dapat iurong ang ating mga palad kung mayroon mang nangangailangan at nasa atin naman ang kakayahang tumulong sa kanila. Maaaring dumating din ang araw na tayo man ay mangailangan din naman ng tulong. (Kawikaan 3: 27) Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.
07 Wednesday Dec 2011
Posted in Filipino Topics
Ang Dios ay mabuti.
At ibig Niya na ang Kaniyang kabutihan ay taglayin din naman natin.
Naalala po ba natin ang kasaysayan ng Mabuting Samaritano?
Luk 10:30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao’y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya’y sumamsam at sa kaniya’y humampas, at nagsialis na siya’y iniwang halos patay na. Luk 10:31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi. Luk 10:32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. Luk 10:33 Datapuwa’t ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya’y makita niya, ay nagdalang habag, Luk 10:34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya’y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya’y inalagaan. Luk 10:35 At nang kinabukasa’y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.
Sinusubok ng Dios ang bawat tao, at sa Kaniyang pagsubok ay napapatunayan kung sino ang tunay na nagpapakita ng kabutihan. Gaya nang kasaysayang ito.
Tatlong tao ang nagdaan sa pagsubok ng Dios. Isang pagsubok upang malaman ang laman ng kanilang puso, kung taglay nila ang kabutihang loob at pagmamahal sa kapuwa.
Nagkataon na ang pagsubok na ito ay sa pamamagitan ng isang taong agaw-buhay, duguan, walang malay at nasa gitna ng daan.
Ayon sa kuwento, dalawa sa kanila ang bumagsak sa pagsubok. Bagay na masasabi nating naging kakaiba sa istorya, dahil ang dalawang yaon ay Saserdote at Levita. Kung pag-aaralan natin, higit ang kakayahan at katangian nilang gumawa ng mabuti sapagkat kapuwa nakaka-alam ng kautusan. Subalit hindi ito ang nangyari. Ang nagpakita ng kakaibang kabutihan ay ang isang Samaritano.
Ipinakita ng Samaritano ang kabutihan na maaaring gawin natin sa ating kapuwa – na hindi tumitingin sa kung ano pa man.
Bakit hindi nagawang tumulong ng Levita at ng Saserdote?
Maraming mga tao ang hindi nakaka-alam na ang mga Levita at Saserdote ay hindi tumulong sapagkat natatakot sila na madumihan sila. Nang panahong yaon, umiiral ang kalagayang ang mga tao ay nahahati sa dalawang kalagayan, ang malinis at ang marumi. May mga bagay na madumi at may mga bagay na malinis. May mga taong madumi at mayroong malinis.
Ayon sa Biblia, napakaraming utos na mababasa na ang sinumang humipo ng patay na katawan ay ibinibilang na “marumi” at sinumang humipo ay ibinibilang na “marumi.”
Num 19:13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka’t ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya’y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.
Num 19:18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:
At ito marahil ang dahilan kung bakit hindi pinansin ng Levita at ng Saserdote ang taong nakahandusay sa daan, sapagkat nangangamba silang madudumihan sila at hindi nila maisasagawa ang kanilang mga paglilingkod sa Dios.
Iba ang naging takbo ng isipan ng Samaritano. Ayon sa kasaysayan, sa daigdig ng mga malilinis at madudumi, ang mga Samaritano ay ibinibilang na marurumi. Ipinanganak silang madumi at mababa ang kalagayan sa paningin ng mga sinaunang Hudyo.
Dito ay mauunawaan nating kung sino pa ang madumi ay siyang nagpakita ng kabutihan at kagandahang loob sa kapuwa. Tinulungan ng maduming tao ang isa pang maduming tao.
Sino ang makagagawa ng Kabutihan sa kapuwa?
Ang sagot ay malinaw – sinumang nag-aakalang sila ay malinis, matuwid at sakdal ay nahihigitan pa ng mga gaya ng mabuting Samaritano. Madumi man siya sa paningin ng kaniyang kapuwa, subalit ang mga taong gaya niya, na may mababang kalooban ang higit na makagagawa ng mabuti.
Sila ang mga taong hindi tinitingnan kung ano ang mga bagay na kanilang nagawa na sa mga araw na nagdaan sa kanilang buhay. Sila ang mga taong hindi tinitingnan kung may kapalit ba ang kabutihang magagawa nila sa kanilang kapuwa.
Sila ang mga tunay na alagad ng Dios – sapagkat ginaganap nila ang pangunahing utos na ibigin ang Dios sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapuwa. Mat 22:37 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Mat 22:38 Ito ang dakila at pangunang utos. Mat 22:39 At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
Sila ang mga taong mayroong respeto sa kanilang kapuwa. Sila ang mga tunay na Kristiyano na marunong magpakababa at walang nararamdamang anumang pagmamataas sa kanilang mga sarili.
Tanging ang mayroon lamang pag-ibig sa kapuwa ang may kakayahang makagawa nito.
1Jn 4:20 Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita?
1Jn 4:21 At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.