Marami ang naniniwala na pare-pareho lamang ang paglilingkod na ginagawa nating mga tao. At ayon sa kanila ang lahat ng mga ito ay tinatanggap at mahalaga sa paningin ng Dios. Ito po ba ay may katotohanan? Lahat kaya ng paglilingkod ay tinatanggap ng Dios?
Sa katotohanan, hindi man basahin ang Biblia, masyadong ilohikal na sabihing lahat ng uri ng paglilingkod ay tinatanggap ng Dios. Sa paningin nating mga tao, ang inaakala nating tama o matuwid ay maaaring hindi matuwid sa paningin ng Dios. Maraming gawa ang ginagawa ang mga tao na sadyang hindi ayon sa kalooban ng Dios, at kung hindi ito ayon sa kalooban ng Dios, nangangahulugan na ito ay hindi kailan man tinatanggap ng Dios.
Sabi ng Biblia, may daan na tila matuwid sa ating mga tao ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatatayan (Kawikaan 16:25). Hindi lahat ng inaakala nating tama o matuwid ay maghahatid sa atin sa ikapagigindapat sa Dios. Ang tila matuwid sa atin ay maaaring ikapahamak pa natin.
Maging ang Panginoong Hesus ay nangaral na ang makapapasok lamang sa kaharian ng langit ay yaong gumagawa ng kalooban ng Dios, at hindi lahat ng tumatawag sa pangalan ng Dios ay karapatdapat sa Kaniya. Ibig sabihin, hindi lahat ay tinatanggap ng Dios. Mayroong paglilingkod na sadyang hindi tinatanggap, lalo na kung ito ay hindi ayon sa kalooban Niya.
Mat 7:21 Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.
Pansinin natin na hindi lahat ay papasok sa langit. Kung lahat ng paglilingkod ay tinatanggap ng Dios, papasok ang lahat sa kaharian ng langit. Ngunit hindi ganito ang sinasabi ni Hesus. Ang papasok lamang sa langit o kaharian ng Dios ay yaong gumaganap ng Kaniyang kalooban.
Mat 7:22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?
Mat 7:23 At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.
Pansinin po natin na kahit gumagawa ng himala o ng mga makapangyarihang bagay at kahit pa ginagamit ang pangalan ng Panginoon ay ibinibilang pa din na katampalasanan ng Dios kung ito ay hindi ayon sa Kaniyang kalooban.
Maraming mga kasaysayan sa Biblia ang nagpakita ng halimbawa na sadyang may mga paglilingkod na hindi tinanggap ng Dios.
Hindi tinanggap ang paglilingkod ni Cain ngunit ang kay Abel ay nilingap ng Dios. (Genesis 4: 4- 7)
Gen 4:4 At nagdala rin naman si Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan at ng mga taba ng mga yaon. At nilingap ng Panginoon si Abel at ang kaniyang handog:
Gen 4:5 Datapuwa’t hindi nilingap si Cain at ang kaniyang handog. At naginit na mainam si Cain, at namanglaw ang kaniyang mukha.
Gen 4:6 At sinabi ng Panginoon kay Cain, Bakit ka naginit? at bakit namanglaw ang iyong mukha?
Gen 4:7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? at kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan: at sa iyo’y pahihinuhod ang kaniyang nasa, at ikaw ang papanginoonin niya.
Si Uzza ay namatay dahil hinawakan ang kaban ng Tipan
2Sa 6:1 At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.
2Sa 6:2 At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga’y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.
2Sa 6:3 At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.
2Sa 6:4 At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban.
2Sa 6:5 At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.
2Sa 6:6 At nang sila’y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka’t ang mga baka ay nangatisod.
2Sa 6:7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo’y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.
Pansinin natin na naging daan ng kamatayan ang pagsuway sa kalooban ng Dios na huwag hawakan o hipuin ang kaban ng Tipan. Mayroong batas na nakatalaga sa pagbubuhat ng kaban ng tipan.
Num 4:15 At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma’t isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: datapuwa’t huwag silang hihipo sa santuario, baka sila’y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.
Kung nais ng sinuman na maglingkod sa Dios, makabubuting alamin muna ang Kaniyang kalooban, sapagkat ang kalooban ng Dios ang gaganapin upang lubos na maging karapatdapat. Maaalalang ito ang unang hakbang na dapat nating gawin, ang alamin ang kalooban ng Dios sa pamamagitan ng pakikinig at pagsasaliksik ng Kaniyang mga Banal na Salita.