Subukin ang Sarili

2 Corinthians 13:5, Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo’y itinakuwil na.

Sa pamamagitan ng Apostol na si Pablo, inatasan tayo ng Dios na subukin at kilalanin natin ang ating mga sarili.

Paano nga ba natin malalaman ang lakas at tatag ng ating mga pananampalataya- ang pagtitiwala natin sa mga salita ng Dios? Isa sa mga paraan upang malaman natin ito ay sa pamamagitan ng pag-alam natin sa mga bagay na kinatatakutan o ipinag-aalala natin sa buhay na ito.

Malaki ang nagagawa ng pag-aalala o ng pagkabalisa sa buhay natin. Kung hindi natin nakikilala ang sarili natin at medyo mahina ang pananampalataya, ang pagkabalisa ay karaniwang nagiging dahilan upang tayo ay manghina o matisod. Inilalayo nito ang ating kalooban sa pagtitiwala sa Dios at nagiging dahilan para ang ilan ay tumalikod at isiping pinabayaan na sila ng Dios.

Ang pagkabalisa ay bumabangon kapag mayroong mahigpit na suliranin o pagsubok na dumadating sa buhay.

Sinasabi sa Filipos 4:6,  Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.Pansinin natin na pautos ang salitang ito ni Apostol Pablo, na huwag tayong mangabalisa o huwag tayong mag-alala sa maraming mga bagay sa buhay na ito.

Ang pagkabalisa o pag-aalala sa buhay na ito ay para na ding pagtatanong sa kabutihan at pagmamalasakit ng Dios. Ibig sabihin, para tayong hindi naniniwala sa pagmamamalasakit ng Dios kung mamamayani sa atin ang pagkabalisa. Pagpapakita ito ng kawalan o kakulangan ng pananampalataya sa Kaniya at pagdududa sa lawak ng Kaniyang kabutihan at pag-ibig sa ating lahat. Kung magkukulang tayo ng tiwala sa Kaniya, paano Niya tayo pagtitiwalaan?

Sa halip na matakot at mabalisa, maaari nating piliin ang magtiwala sa Kaniya at sa Kaniyang pag-ibig. Kung magtitiwala tayo ay tatakas ang takot at kabalisahan sa atin. 1Jn 4:18  Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.

At kung tunay ang taglay nating pag-ibig sa Kaniya, wala tayong anumang bagay na maaaring katakutan. Pinalalayas ng may pag-ibig ang takot at kabalisahan. Si David bagaman lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, at kahit maraming mga panganib ang nakaamba sa kaniyang buhay ay hindi kinasumpungan ng takot o pag-aalala man lamang, ito ay dahil sa kaniyang pag-ibig sa Dios at sa laki ng kaniyang pananampalataya sa kaniya. Psa 23:4  Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka’t ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.

Isa sa naging problema ni Haring David sa bansang Israel ay ang kawalan nila ng pananampalataya at takot sa Dios. Malaking kasalanan ito sa paningin ng Dios, na sila ay magkulang sa pagtitiwala sa Kaniya. Psa 78:22  Sapagka’t sila’y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas.

Hindi baga’t ito din ang nasumpungan sa kanila sa panahon ni Moises? Exo 17:7  At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba’y nasa gitna natin o wala?Kahit gaano karaming kabutihan, pagmamalasakit, pag-iingat at pag-ibig ang iukol ng Dios, tinukso pa din nila ang Dios, nagkulang pa din sila ng pagtitiwala.

Ang pahayag sa Apocalipsis 21:8,  Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan. Ang kakulangan ng pananampalataya ay isang maselang bagay sa paningin ng Dios. Mabigat ang parusang ikalawang kamatayan na nakaamba kapuwa sa mga nagkulang sa pananampalataya at sa iba pang mga kasalanan na katulad nito.

Sa halip na mabalisa, sikapin nating pagningasin ang pananampalatayang ipinagkaloob sa atin. Ito ay sa kadahilanang maraming mga bagay ang magtatangkang patayin ang ningas nito at pagdilimin ang ating pagkakataon na makabahagi sa kaharian ng Dios. Pangunahin dito ang kalaban ng Dios, angdiablo. Walang gagawin ito kundi hilahin tayo sa pagkakasala at pagkulangin ang ating mga pagtitiwala.

Marami pang mga pagsubok ang dadating sa ating buhay, at kapag hindi natin nakilala nang husto ang ating mga sarili kung gaano kalaki ang pananampalatayang kailangan natin ay mahihikayat tayo sa pag-aalinlangan sa Dios.

Tandaan nating ang pananampalataya ay buhay, Hab 2:4  Narito, ang kaniyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kaniya; nguni’t ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya. Ang lingkod ng Dios ay mabubuhay sa pananampalataya, hindi siya kailanman uurong kundi ipapakita nito ang kaniyang pagtitiwala sa Dios sa pamamagitan ng lubos na pagtalima sa mga kalooban ng Dios.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers