John 3:1-12
Joh 3:1 May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio: Joh 3:2 Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya’y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka’t walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios. Joh 3:3 Sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios. Joh 3:4 Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya’y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? Joh 3:5 Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios. Joh 3:6 Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga. Joh 3:7 Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo’y ipanganak na muli. Joh 3:8 Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni’t hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa’t ipinanganak ng Espiritu. Joh 3:9 Sumagot si Nicodemo at sa kaniya’y sinabi, Paanong pangyayari ng mga bagay na ito? Joh 3:10 Sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo nauunawa ang mga bagay na ito? Joh 3:11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo. Joh 3:12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit?
Ang doktrina ng pagkapanganak na muli (born again) ay matatagpuan dito. Ang aklat ng Mateo, Marcos at Lucas, hindi man nila direktang itinuro ito at pinangalanan, ay nagtataglay ng impormasyon tungkol sa doktrinang ito. Hanggang sa dumating ang mga sulat ni Apostol Pablo, Pedro at lalong lalo na si Apostol Juan, na lalong nagbigay liwanag tungkol sa doktrinang ito, na kailangan ang isang tao ay ipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng Langit.
Kaya mahalaga na maintindihan natin kung gaano kahalaga ang naging pagpapaliwanag na ito ni Apostol Juan upang ganap nating maunawaan ang konsepto ng pagkapanganak na muli sa pamamagitan ng simbolo na ginamit.
Sa mga talatang nasa itaas, ang unang simbolong ipinakilala ay si HESUS bilang SALITA, at ang Kaniyang pagkakatawang-tao dito sa lupa. Nagpatuloy ang simbolo sa pagsasaad ukol sa liwanag, kadiliman, kordero ng Dios, at ang tungkol sa Templo hanggang sa kapitulo tatlo ng aklat ng Juan.
Samantala, ang sinundan ng mga talata sa itaas ay ang pagtalakay ni Hesus tungkol sa Templo, (Juan 2:18-22). Napakahalaga ng katuruan na ito sapagkat ang naging kasunod nga ay ang tungkol sa doktrina ukol sa pagkapanganak na muli.
Ang mga Hudyo na nakikinig kay Hesus ay agad na itinakwil ang Kaniyang turo base sa Kaniyang naging pahayag sapagkat napaka-imposible sa pisikal na kalagayan na muling ipanganak ang isang tao.
Ito din ang naging katugunan ni Nicodemo kung kaya nagawa niyang tanungin ang katuruan ni Hesus.
Kasunod nito, mababasa sa Juan 4: 7 -15 ang pakikipag-usap ni Hesus sa babae na inakalang literal o pisikal na tubig ang tinutukoy ni Hesus. At gayundin ang isinasaad sa Juan 4:31-38, na nabigong maunawaan ng mga Apostol ang espirituwal na kahalagahan ng pagkain na tinutukoy ni Kristo.
Sa aklat ng Juan 6: 32- 63, ang mga nakapakinig sa Kaniyang pagtuturo ukol sa mana o tinapay na bumabang galing sa langit ay sa ganito ding pagkakahawig na pagsasalaysay. Sa katunayan, ang Kaniyang pahayag na “Joh 6:51 Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan” ay naging dahilan para katisuran Siya ng maraming mga tao at nagpasimulang tumalikod sa kaniya. Ang iba dito ay Kaniyang mga alagad.
Ang kabiguan na maintindihan at maunawaan ang espirtuwal na kahulugan nito ay hindi lamang humahangga dito, kundi hanggang sa kabuoan ng aklat na isinulat ni Apostol Juan. Kaya maraming mga tao ang hindi din naunawaan ang tunay na kahulugan ng pagtuturo ni Hesus tungkol sa pagkapanganak na muli. At gaya ni Nicodemo, maaari din tayong magkamali kung hindi sisiyasatin ang tunay na kahulugan nito.
Maliwanag ang katuruan ni Hesus, upang makapasok ang tao sa kaharian ng Langit, kailangang ang tao ay muling ipanganak, hindi na sa pamamagitan ng laman o pisikal kundi espirituwal o sa pamamagitan ng bautismo. (see Baptism in the church of God). Dito nagpapasimula na ang isang tao ay maging Kristiyano o tagasunod ni Hesus.
Para makilala ang Tunay na Born Again, ang palatandaan nito ay espirituwal na ipinanganak ng salita ng Dios, sumampalataya sa mga salita at nagdaan sa Bautismo, kalakip nito higit sa lahat na ang tao ay lalakad sa panibagong buhay na sumusunod sa kalooban ng Dios bilang mga Kristiyano.