Isa sa mga tanong sa Biblia ang tungkol sa naging pahayag ni Apostol Pablo, Act 20:35 Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.
Sinasabi ng ilan na walang matatagpuan sa apat na Ebanghelyo na sinabi ito ni Hesus.
Sa katunayan, wala po talagang mababasa na sinabi ito ni Hesus, maliban sa naging pahayag ni Apostol Pablo na si Hesus ang nagsabi nito. Isa ito sa mga bihirang pagkakataon na sinabi ni Hesus na hindi naitala ng apat na Ebanghelista.
Subalit nangangahulugan ba na kung ito man ay hindi naitala sa Ebanghelyo ay hindi na ito mapagkakatiwalaang nagmula sa Panginoong Hesus?
Sinabi ni Apostol Juan, Joh 21:25 At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin. Ibig lamang sabihin nito, bagaman tinatawag itong exaggeration upang maipabatid ang isang punto, na si Hesus ay maraming ginawa na hindi na naisulat pa. At kung madami siyang mga gawa na hindi na naisulat pa, maaaring sabihin na marami din siyang sinalita na hindi na naisulat pa.
Nangangahulugan ba na kung ito ay nagmula kay Apostol Pablo ay hindi na ito sinalita ni Hesus?
Sa katotohanan, si Apostol Pablo ay hindi naitala kailanman sa apat na Ebanghelyo bilang direktang saksi sa kahit anumang gawa o sinalita ni Hesus nang ito ay nabubuhay pa at hanggang sa ito ay muling nabuhay. Subalit may mga dahilan upang paniwalaan natin na ito nga ay sinabi ni Hesus at itinala lamang ni Apostol Pablo.
Kung pag-aaralan, masasabing mayroong nalalaman si Pablo tungkol sa naging ministeryo ni Hesus. Sa aklat ng Galacia 1:18 hanggang Galacia 2:10, ay matutunghayan natin ang sulat ni Pablo na nagpapahayag tungkol sa pagkikita nila ng halos dalawang pagkakataon ng mga sinasabing alagad ni Hesus, na dito ay ipinakikita din na ang kaniyang itinuturo ay tugma sa sinasabi ng Ebanghelyo.
Gal 1:18 Nang makaraan nga ang tatlong taon ay umahon ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas, at natira akong kasama niyang labing-limang araw.
Gal 1:19 Nguni’t wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban na kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
Gal 1:20 Tungkol nga sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, narito, sa harapan ng Dios, hindi ako nagsisinungaling.
Kaya nga, sinasabing tatlong taon, matapos ang kaniyang pagkakatawag sa daan ng Damasco, pumaroon si Pablo kay Apostol Pedro upang manuluyan. Labing-apat na taon ang lumipas, nagbalik siya sa mga alagad (Apostol), at nag-usap ng mga bagay na may kinalaman sa kanilang ministeryo. Ang pagkikita nila ng mga Apostol ay sapat na pagkakataon upang malaman ni Pablo ang lahat ng mga bagay na kailangan niyang malaman ukol sa ministeryo at sa ating Panginoong Hesus.
Ang kaalaman ni Apostol Pablo kay Hesus ay masasabing ganap o kumpleto sapagkat sa maraming pagkakataon ay kaniyang pinatunayan ito.
Tingnan natin sa tala sa ibaba kung paano ang mga naging pahayag ni Pablo ukol kay Hesus. Pansinin natin na bagaman inaasahan ni Pablo na ang kaniyang mga tagabasa ay nalalaman ang kaniyang buhay at kay Hesus, hindi layunin ni Pablo na turuan sila ng kasaysayan kundi ng mga bagay na may kinalaman sa pangangaral, suliranin sa iglesia at pagbibigay ng pag-asa sa mga Kristiyano.
- Si Hesus ay ipinanganak na Hudyo – Gal 3:16 Ngayon kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Cristo.
- Si Hesus ay nabuhay sa ilalim ng kautusan ng mga Hudyo - Gal 4:4 Datapuwa’t nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan
- Si Hesus ay mula sa binhi ni David – Rom 1:3 Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman
- Si Hesus ay mayroong mga kapatid – 1Co 9:5 Wala baga kaming matuwid na magsipagsama ng isang asawa na sumasampalataya, gaya ng iba’t ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?
- Isa sa kaniyang mga kapatid ay si Santiago – 1Co 15:7 Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol;
- Mayroon siyang labindalawang Apostol - 1Co 15:5 At siya’y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa;
- Si Hesus bagaman mayaman ay nagpakadukha - 2Co 8:9 Sapagka’t nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo, na, bagaman siya’y mayaman, gayon ma’y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo.
- Nagkatawang-tao lamang si Hesus - Php 2:5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman: Php 2:6 Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, Php 2:7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: Php 2:8 At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.
- Nagpakababa si Hesus, na siya niyang tinutularan – 2Co 10:1 Ako ngang si Pablo ay namamanhik sa inyo alangalang sa kaamuang-loob at kapakumbabaan ni Cristo, ako na sa harapan ninyo ay mapagpakumbaba sa gitna ninyo, nguni’t ako’y lubhang malakas ang loob kung wala sa harapan ninyo:
- Ipinako si Hesus sa krus - Rom 6:6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan;
- Ang pagkabuhay ni Hesus – Rom 4:25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.
- At iba pang katuruan ukol kay Hesus, na nagpapatunay na siya ay tunay na sumusunod sa mga katuruan ng ating Panginoong Hesus. Ilan sa mga halimbawa ay ang mga sumusunod:
- Tungkol sa paghihiwalay – 1Co 7:10 Datapuwa’t sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni’t hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa. 1Co 7:11 (Datapuwa’t kung siya’y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya’y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa.
- Ang pag-ibig sa kapuwa na gaya ng pag-ibig sa sarili - Rom 13:9 Sapagka’t ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga’y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili.
- Ang pagbubuwis - Rom 13:6 Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka’t sila’y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito. Rom 13:7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila’y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.
- Kinuha ang mga aral kay Hesus – 1Co 7:10 Datapuwa’t sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni’t hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa. 1Co 9:14 Gayon din naman ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio.
- Ang tinanggap niya sa Panginoon - 1Co 11:23 Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; 1Co 11:24 At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 1Co 11:25 At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin.
Tandaan din naman natin na si Pablo mismo ang nagpahayag na siya ay naging saksi sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus sa daan ng Damasco. Sa daan na ito tinawag si Pablo na dating Saulo, at doo’y tinanggap ang mga bilin sa Kaniya ni Hesus kung ano ang kaniyang magiging tungkulin at kung ano ang kaniyang mga sasabihin.
Higit sa lahat, bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na ang aklat ng mga Gawa ng mga Apostol ay kinasihan ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatibay sa mga katuruan ni Apostol pablo. Kung sinasabi man ni Pablo na may ipinahayag si Hesus, maaaring sampalatayanan na ito ay katotohanan, sapagkat ito ay isa sa mga Apostol ng Panginoon na kinasihan ng Banal na Espiritu.
Hindi po nangangahulugan na kung hindi man naitala sa apat na Ebanghelyo o saan mang aklat sa Biblia ang ipinahayag ni Hesus ay tinatanggap na natin ang mga diumano ay sinabi din ni Hesus sa ibang mga aklat na hindi napasama sa Biblia.
Ang Ebanghelyo ni Tomas, sinasabing isa sa mga Gnostic writing noong ikalawang siglo, ay nagtataglay ng maraming mga pahayag ni Hesus na marami din naman dito ay nakasulat sa apat na Ebanghelyo.
Maraming mga scholars ang hindi tinanggap ang mga ebanghelyong ito, bagaman ayon dito ay salita din naman ni Hesus sa kadahilanang ang mga kasulatan na ito (Gospel of Thomas) ay kinukuwestiyon pagdating sa kaniyang authenticity. Naniniwala silang hindi tunay ang mga ito at hindi maaaring iagapay sa pagiging tunay ng apat na Ebanghelyo.
At sapagkat ang aklat ng mga Gawa ng mga Apostol ay nakasama sa mga aklat ng Biblia, na napatunayang tunay at hindi matatawaran, matuwid lamang na paniwalaan na sinabi nga ni Hesus ang pahayag ni Pablo na “Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap”