Sa Puso ng Tao Tumitingin ang Dios

Maliwanag ang pahayag ng Biblia, iba ang pagtingin ng Dios sa pagtingin nating mga tao. “sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” (2 Sam. 16:7)

Kapag tayo ang tumingin sa ating kapuwa, ang karaniwang tinitingnan natin ay ang panlabas na anyo. Sinusukat natin ang panlabas na anyo at doon karaniwang humuhusga tayo. Hindi ganito ang pagtingin ng Dios. Palibhasa makapangyarihan sa lahat, nalalaman ng Dios ang laman ng ating mga puso at doon Niya tinitingnan ang laman ng ating mga kalooban.

Nalalaman ng Dios ang laman ng ating pag-iisip at maging ang laman ng ating puso. Jer 17:10 Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa’t tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

Ang salitang puso o heart, ayon sa Strongs Hebrew and Greek Dictionaries ay katumbas ng salitang lêb na mula naman sa salitang lebab (interior organ), na ang kahulugan ay tumutukoy sa nararamdaman, naiisip at karunungan. Kaya hindi lamang tumutukoy ang puso sa pisikal na sangkap ng tao kundi ito ay tumutukoy din naman sa ating mga kaisipan, damdamin at kaalaman.

Ang Panginoon ay kilala sa katawagang “Knower of the Heart” (Acts 1:24). Sa Kaniya lamang nakaukol ang katawagan at katangiang ito at walang sinumang magtaglay nito maliban sa Kaniya. 

At dahil nalalaman Niya ang laman ng ating mga puso at kalooban, wala tayong maitatago sa ating dakilang Dios. Heb 4:13 At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni’t ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.

Simple ang lohika nito, ang nakakaalam ng puso at kalooban natin ay tayo mismo sa ating mga sarili, kaya paano Niya hahatulan ang mga gawa, kaisipan at pananalita nating mga tao kung hindi bukas ang mga ito para sa Kaniya?

Bukod dito, ano ang lalong malalim na dahilan kung bakit sa puso natin tumitingin ang Dios? 

Ang anyo ng tao ay maaaring dayain. Ibig sabihin, puwedeng mag-anyong mabuti, mag-anyong banal at mag-anyong masunurin ang isang tao upang ipakita na isa siyang mabuting tao.

Sabi nga ni Apostol Pablo, mayroong lumuluwalhati lamang sa anyo, na ang ibig sabihin ay naglilingkod lamang sa paningin ng kapuwa tao. Ipinakikita ng panlabas na anyo ang kabanalan subalit sa katotohanan, hindi ito ang tunay na laman ng kaniyang puso. (2 Cor. 5: 12 (b))

Si Pablo din ang nagsasabi na may anyo ang kabanalan (2 Tim. 3:5) at ang anyo nito ay maganda sa paningin ng Dios at sa ating mga tao. May anyo din ang pagkakilala at katotohanang taglay (Roma 2: 20). Maaaring ito ang ipakita ng isang tao subalit sa tunay na kalooban nito ay iba pala ang nilalaman.

Ang tawag dito ng Banal na Aklat ay pagbabalatkayo o pagpapakita ng ibang anyo kaysa sa tunay na anyo. Ang pinagmulan nito ay walang iba kundi ang diablo. Nang kaniyang dayain si Adan at Eva ay nagpakunwari itong nagmamalasakit sa kanila. At ito ang karaniwang ginagamit ng mga hindi tunay na tagapangaral o mga bulaang apostol o propeta upang dayain ang tao. Mat 7:15-16  Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila.

Ang pagbabalatkayo o pagpapakitang tao ay isa sa mga tinuligsa ng Panginoong Hesus sa mga Eskriba at Fariseo na naglilingkod sa Templo subalit pagpapakitang tao lamang ang kanilang ginagawa.

Mat 23:27-28  Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

Subalit kung ang anyo ay maaaring baguhin, maaaring dayain, hindi ganito ang puso nating mga tao. Sinasalamin ng puso ang tunay nating pagkatao. Sa ibang pahayag ng Banal na Kasulatan, ang puso ay ang pagkataong loob. Kung ano ang puso, kung ano ang anyo nito, kung ano ang ipinakikita nito, ito ang tunay na anyo ng ating mga pagkatao. Pro 27:19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, gayon ang puso ng tao sa tao.

Kaya naman, hindi batayan sa paghatol ang panlabas na anyo ng isang tao. Ang katarungan dito sa sanlibutan ay mayroong simbolo ng babaeng nakatakip o piring ang mukha, sa layuning huwag humusga o humatol sa panlabas na anyo ng tao kundi sa pamamagitan lamang ng pagdinig.

Sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.” (Juan 7: 24)

Ano ngayon ang ibig ituro nito sa atin? 

Ang pahayag ni Apostol Santiago, ”at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.” (James 4:8)

Ang pagdadalisay o paglilinis sa harap ng Dios ay ginagawa sa pamamagitan ng paghihiwalay natin sa ating mga sarili sa kasamaan ng sanlibutang ito. Ito ang tunay na kahulugan ng paglilinis.

Ang mga bagay na karaniwang inihahandog sa Dios, ay pinapagingbanal sa pamamagitan ng pagbubukod dito upang maging natatanging handog para sa Dios. At sa paningin ng Dios ang mga ito ay banal o malinis.

Kaya ang taong nagbabanal ay dinadalisay ang puso sa paraang inihihiwalay niya ang kaniyang sarili sa mga kasamaan ng sanlibutang ito. Sa pamamagitan nito, inihihiwalay naman ng Dios ang mga kasalanang nagagawa nating mga tao mula sa atin upang ganap na maging banal tayo sa Kaniyang paningin.

Ganito ang paliwanag ni Apostol Pedro sa paglilinis ng pagkatao o ng puso,

1Pe 1:22-23 Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa’t isa: Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.

Nagkakasakit din ang Puso

Ang literal o pisikal nating puso kapag hindi naingatan ay maaaring magkaroon ng karamdaman o sakit. Isa sa pinaka-abalang sangkap ng ating katawan ang pisikal na puso. Isa ito sa pinaka-importanteng internal organ na mayroong trabahong mag-bomba ng dugong mayaman sa oxygen sa lahat ng living cell ng ating katawan. At upang patuloy niya itong magawa, kailangang patuloy siyang tumibok sa kabuoan ng buhay nating mga tao. At dahil sa importanteng papel na ito, ang pagtigil ng pagtibok ng puso ang sinasabing nagiging sanhi ng kamatayan. Ang puso ng tao ay nagbo-bomba ng halos 80,000 to 100,000 sa loob ng isang araw at halos 2,000 gallons ng dugo. Kaya kapag ang tao ay nabubuhay ng edad 70 hanggang 90 taong gulang, ang puso ay tinatayang tumitibok ng 2 hanggang 3 bilyong beses, at halos 50 hanggang 65 milyong gallons ng dugo ang bino-bomba nito.

Ang hindi maayos na pag-aalaga o pagbabantay sa puso ang karaniwang nagiging sanhi ng sakit sa puso ng maraming mga tao sa mundo. Kaya naman, maraming mga sangay ng lipunan ang nag-oorganisa ng mga awareness programs tungkol sa pag-iingat ng puso sapagkat napakadelikado na hindi maingatan ang puso. Sinasabing ang sakit sa puso ay isang traydor na sakit. Makakatulong ang wastong pagkain, palagiang ehersisyo, pag-iwas sa mga bisyo gaya ng sigarilyo at pag-inom ng alak upang maingatan ang puso.

Ganito din ang pagkataong loob natin (puso).

Abala din ang pagkataong loob sa maraming bagay.  Ecc 2:23 Sapagka’t lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan. 

Ang pagkataong loob na siyang ating puso ang responsable sa maraming bagay na ating ginagawa. Gaya nang depinisyon nito, anumang nararamdaman, naiisip at tinataglay na karunungan ay sa puso masusumpungan. Kaya naman, anumang kabalisahang nadarama ng tao, ang puso ang responsable dito.

Pro 12:25  Ang kabigatan sa puso ng tao ay nagpapahukot; Ang kabigatan ng puso na tinutukoy dito ay ang pagkakaroon ng maraming mabibigat na dalahin sa buhay, at ito ang nagpapabagsak sa katawan ng tao o nagpapahukot.

Karaniwan, hindi lamang kabalisahan ang nagiging kaabalahan ng ating mga puso. Kadalasan ang mga kasalanan at mga kasamaang taglay natin ang nagiging daan upang mabalisa nang husto ang ating pagkataong loob. “Ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili; pagka siya’y lumabas, isinasaysay niya.” (Awit 41:6)

Kaya ang puso na siyang pagkataong loob ay nagkakasakit din naman. Sapagkat ito ay hindi napapahinga sa pag-aalala, sa pagkabalisa sa maraming mga bagay, lalong-lalo na sa mga nagagawang kasalanan.

Ano ang mangyayari sa mga taong mayroong mga sakit sa puso?  

Sa pisikal na kalagayan, ang kawalan ng pag-iingat sa puso ay nauuwi sa lalong mabigat na karamdaman, at kadalasan nauuwi ito sa kamatayan.

Ganito din ang kasasapitan ng pusong natatago sa ating mga pagkatao.

Ecc 9:3 Ito’y isang kasamaan sa lahat na nalikha sa ilalim ng araw, na may isang pangyayari sa lahat: oo, gayon din, ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos ng kasamaan, at kaululan ang nasa kanilang puso habang sila’y nangabubuhay, at pagkatapos niyaon ay napatutungo sa pagkamatay.

Ano ngayon ang payo sa atin upang makaiwas sa kapahamakang ito? 

Pro 4:23  Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka’t dinadaluyan ng buhay,Ito ang buhay natin, ito ang pagkataong mahalaga sa paningin ng Dios. Kung hindi natin ito iingatan, hindi tayo magiging karapatdapat sa Dios. Ang anyo natin ay lilipas, ang kagandahan ng mukha at katawan ay mapapawi pagdating ng takdang panahon, ngunit ang puso, na siyang pinakamahalaga sa paningin ng Dios ay siyang ating buhay.

At sa halip na masumpungan tayo sa pagkabalisa sa maraming mga bagay, pasayahin natin ang ating mga puso. Ang mga lingkod ng Dios ay kasiyahan ng puso ang mga salita ng Dios. Kanilang pinagbubulay-bulay ito sa araw-araw ng kanilang buhay. Pro 17:22 Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni’t ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.

At gaya nang ating pahayag, ang puso ang salamin ng ating pagkatao, kung ano ang taglay ng puso, nasasalamin dito kung ano ang liwanag na taglay maging ng ating mga mukha. Ang may mapanglaw na puso ay nahahayag sa mukha.

Pro 15:13-15  Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni’t sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa. Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan. Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni’t siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.

Kaya kung ibig natin ng malusog na puso, talikuran at alisin natin ang lahat ng uri ng kasamaang taglay natin. Ecc 11:10  Kaya’t ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan: 

Magkaroon tayo ng tiwasay na puso sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa Dios. Gaya nang pahayag ng Panginoong Hesus, maglingkod tayo ng buong puso,

Mat 22:37 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Sa pamamagitan nito, mapapanatili nating masigla ang ating pagkatao, makatutulong ito upang lalo nating mapaganda ang ating pakikipag-ugnayan sa Dios samantalang tayo ay naglilingkod sa Kaniya.

Pakatandaan, 1Ti 1:5 Nguni’t ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw:


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers