Paano ba malalaman na ang pananampalataya ng isang kapatid o miyembro ay umuunlad?
Sukatan ba ang bilang ng taon ng kaniyang ipinaglingkod sa Dios?
Sukatan ba ang dami ng pagkakatipon na kaniyang dinaluhan?
Sukatan din ba ang dami ng memoryadong talata?
Sukatan din ba ang dami ng ambag o kontribusyon?
ANG SUKATAN
Ang paglilingkod sa Dios, gaya ng ating naunawa ay hindi dapat pakitang-tao lamang, kundi marapat na ito ay ginagawa nang mula sa pusong sumasampalataya. Eph 6:6 Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;
Col 3:22 Mga alipin, magsitalima kayo sa lahat ng mga bagay sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon: hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon:
Ito ang sukatan ng paglilingkod na nagiging karapatdapat sa Dios. Hindi tayo magiging karapatdapat kung hindi mula sa pusong may pananampalataya o nagbibigay lugod lamang tayo sa mga kapuwa natin tao.
At ang tunay na naglilingkod sa Dios ay dapat na umuunlad o sumusulong. Kapag ang paglilingkod na ginagawa natin ay paurong, sa halip na pasulong ay hindi magiging karapatdapat sa Dios. Jer 7:24 Nguni’t hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.
Sa talatang ito ay natunghayan natin ang katigasan ng ulo ng Israel na bayan ng Dios, na sila ay nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at kalooban, na sa halip na yumaong naglilingkod sa Dios ay naging pataliwas ang direksiyon na kanilang tinahak.
Hindi dapat maging ganito ang direksyon ng paglilingkod sa Dios. Dapat habang lumilipas ang mga araw at panahon, ang pananampalataya ng isang naglilingkod ay umaasenso o sumusulong. Ang relasyon sa Dios ay dapat lumalago. Kung dati ay kaunti lamang ang pagtitiwala sa Kaniya, ngayon ay dapat kakitaan na ito ng malaking kaibahan kaysa dati. At dapat ito ay lumalago patungo sa lalong kapurihan ng Dios.
Alalahanin nating binigyan tayong sapat na lakas para magawa natin ang kalooban ng Dios. 1Ti 1:12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;
HINDI MADALI
Alam nating hindi madali ang paglilingkod sa Dios.
Maaaring salungahin natin ang maraming mga pagsubok at maging ang mga tuksong naglipana sa sanlibutang ito. At marami ang hindi nakatagal, hindi nakatiis at nagawang tumalikod sa paglilingkod. Subalit hindi ba’t pinagpauna na ng Panginoong Hesus na sa sanlibutang ito ay mayroon lamang tayong kapighatian? Joh 16:33 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.
Kaya naman nangangailangan ng ibayong pagtitiis ang sinumang ibig na magtagumpay.
Kung walang pagtitiis, hindi makatatagal ang sinuman. Mat 24:13 Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
Sa Hirap Magpapalakas, Sa Tagal Magtutumibay
Ang paglilingkod sa Dios ay hamon sa isang taong sumasampalataya. Alam nating ang ipagkakaloob na gantimpala ang tinitignan nating inspirasyon upang tiisin natin ang lahat. At alam natin na ang nararanasan nating mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi marapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin pagdating ng panahon.
Rom 8:18 Sapagka’t napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
Kaya anumang bagay ay hindi maaaring maghiwalay sa atin sa paglilingkod at sa pag-ibig ng Dios.
Ang hirap na ating nararanasan ang lalong nagbibigay sa atin ng kalakasan.
At habang nagtatagal tayo sa paglilingkod, ay lalong tumitibay ang ating mga pag-asa, pagtitiwala at pananampalataya sa Kaniya.
Samantalang hinihintay natin ang muling pagbabalik ng ating Panginoon, ipinagpapatuloy natin ang ating pagsisikap, ang ating paglilingkod ay walang kapaguran, sapagkat alam nating ibayong kabanalan ang dapat nating magawa. Hindi tayo lumilingon sa mga bagay na ating nagawa na, sapagkat kung minsan nagiging dahilan ng katamaran ang paglingon sa mga ito. Iniisip natin na hindi pa sapat ang lahat ng ating mga ipinaglilingkod.
Kapag ito ang naisaisip natin, hindi tayo makukumpiyansa na sakto na o sapat na ang paglilingkod natin.
Higit pang paglilingkod at kabanalan ang dapat nating asamin at gawin.
Isa 40:31 Nguni’t silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad, at hindi manganghihina.
Ang palatandaan ng lingkod na umunlad ang pananampalataya ay ito, na hindi siya kailanman nagsasawa, hindi kaylanman napapagod at nanghihina, kundi habang tumatagal ay lalong tumitibay at habang nakakaranas ng kahirapan ay nakakakuha ng ibayong lakas upang makapagpatuloy.