Kalayaan at demokrasya!
Ito ang karaniwang sigaw ng maraming mga tao, hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa halos lahat ng panig na ng mundo sa kasalukuyan. Marami na ang namumulat sa katotohanan at nais nilang umalis sa kalagayang inaalipin sila hindi lamang ng ibang bansa, kundi maging ng kanilang mga lider na matagal nang namumuno sa kanila.
Isa lamang ang kanilang sigaw, PAGBABAGO!
Ito ang inasahan sa Panginoong Hesus nang SIYA ay magkatawang-tao. Inakala ng mga Hudyo na si Hesus ay kagaya ni Haring David na magiging tagalupig at mag-aalis sa kanila mula sa pananakop ng Emperyo ng Roma. Malaking kabiguan ang natamo ng maraming mga Hudyo sapagkat hindi nila inakala na iba ang plataporma ng ating Panginoong Hesus.
Sa halip na sandata ng pakikipagdigma ang gamitin, pagpapakumbaba ang itinuro ni Hesus. Sa halip na lumaban sa Emperyo ng Roma sa marahas na paraan ay nagbata. 1Pe 2:21 Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:
Matatandaang hindi kaylanman naging layunin ni Hesus ang lumaban sa pamunuan ng Roma. Katunayan ay isa sa mga katuruan Niya ang magbuwis kay Cesar. Si Cesar ay kumakatawan sa pamahalaan ng Roma. Mat 22:21 Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo’y sinabi niya sa kanila, Kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.
Mababakas natin na ang katuruan ni Hesus at ng Biblia na pawang tinutuligsa ang paglaban sa pamunuan ng pamahalaan o namumuno. Sa halip na lumaban at mag-aklas, pinayuhan ang mga Kristiyano na matutong magpasakop sa mga namiminuno. Itinuturo ng Biblia ang pagpapasakop at paggalang sa mga Hari. 1Pe 2:13 Kayo’y pasakop sa bawa’t palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;
Nalalaman ng Dios na ang mga hari o pinuno ay hindi tanyag sa paggawa ng mabuti, kundi ng masama, Rom 13:3 Sapagka’t ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:
Huwag na tayong umasa na matino ang mga lider na mahahalal. Maging ang mga naging hari noon sa Israel ay kinasumpungan ng kasamaan. Tinalikuran ng ilan sa kanila ang tunay na Dios at sumamba sa ibang Dios. Ang mga lider sa panahon na ito naman ay kilala hindi lamang sa mga napapakong pangako, kundi maging sa pag-iipon ng kanilang mga retirement benefits. Kaya ngayon pa lamang ay nagpapayaman na ang karamihan sa kanila.
At kahit masama ang paraan ay kanilang ginagawa ang lahat palibhasa nasa kapangyarihan.
Alam ng Dios ang lahat ng mga kasamaang ito. Subalit ibinatas pa din na kailangang magpasakop sa mga namiminuno.
Sa anong dahilan?
Sapagkat kung ang lahat ay mag-aaklas, hindi mapapayapa ang mga bansa. Patuloy na magkakagulo kung walang pagpapasakop na mangyayari.
At bukod pa dito, alam naman natin na ang kalooban ng Dios ay matuto tayong magpatawad. Sapagkat kung hindi tayo matutong magpatawad, kahit na masama ang ating nararanasan mula sa mga mapang-aping kapuwa o mga pinuno, ay hindi tayo makakasumpong ng kapatawaran mula sa Dios. Mat 6:15 Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.
Kaya kung nakikita natin ang maraming kasamaan, ang mga inhustisyang pangyayari sa paligid, ipinayo ng Biblia na manahimik na lamang tayo dahil mayroong DIOS na magbibigay ganti para sa atin.
Ecc 5:8 Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka’t ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila.
Heb 11:6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.