Tit 3:8 Tapat ang pasabi, at tungkol sa mga bagay na ito ay ninanasa kong patotohanan mong may pagkakatiwala, upang ang mga nagsisipanampalataya sa Dios ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at mapapakinabangan ng mga tao:
Sa panahon nating ito na laganap ang kasamaan sa ating paligid, mapapansin na kakaunti na lamang ang kinakikitaan ng gawang kabutihan. Halos lahat ay tanggap na ang kasamaang naglipana sa paligid. At dahil nga sa tanggap na nila ang mga ito, normal na kalagayan na lamang para sa kanila ang makarinig ng mga masasamang balita.
Dati rati ay nagugulat tayo at natatakot sa mga karumaldumal na krimen sa paligid. Pero ngayon, dahil araw-araw ay mayroong mga ganitong pangyayari, ay hindi na tayo naninibago. Lumalabas na karaniwan na lamang ang mga bagay na dati ay hindi karaniwang nagaganap.
Ang pagsagana ng kasamaan sa paligid ay mayroong malaking epekto sa maraming mga tao. Para itong sakit na nakakahawa na dumadapo sa kaisipan ng maraming mga tao.
Ano ang naging bunga o epekto?
Ang naging epekto nito ay masama. Marami sa ngayon ang sa halip na alalahanin ang Dios, na Siyang lumikha sa ating lahat ay ganap na tinalikuran Siya. Sa halip na Siya ay sambahin, ang kanilang sinamba at pinaglingkuran ay ang mga gawa ng kamay ng mga tao.
Rom 1:21 Sapagka’t kahit kilala nila ang Dios, siya’y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.
Rom 1:22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,
Rom 1:23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
Isa pa sa naging epekto ng kasamaan sa paligid ay ang pagiging tamad ng tao sa paggawa ng mabuti. Ang pangunahing dahilan ng pagkakalikha sa atin ay ang paglakad sa mabuti, ang paggawa ng mabuti. Eph 2:10 Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.
Anong mabuti ang ibig ng Dios na lakaran o gawin natin?
May kanikaniyang mabuti ang bawat tao. Mayroong mabuti para kay Juan pero hindi para kay Pedro. Mayroon namang mabuti kay Maria pero hindi mabuti para kay Juan at Pedro. 1Co 6:12 Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ay nararapat. Maaaring matuwid sa isa ang isang bagay ngunit hindi naman para sa maraming tao. At hindi lahat ng matuwid ay nararapat. 1Co 10:23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.
Kaya dapat alamin natin kung ano ang matuwid o mabuti na pinagagawa sa atin at pinalalakaran.
Isa lamang ang matuwid at mabuti na pinagagawa sa atin. Ito ay walang iba kundi ang kautusan ng Dios. Rom 7:12 Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti. Bilang katunayan, mababasa sa Biblia na ang pangunahing katungkulan natin ay matakot sa Dios at sundin ang Kaniyang mga utos. Ang mga utos ng Dios ang mabuti na pinagagawa sa atin at pinalalakaran. Ecc 12:13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.
Dahil dito, kahit gaano kasama ang sanlibutan, ang mga lingkod ng Dios ay mayroong ibang kaisipan. Hindi tayo dapat umayon sa takbo ng isipan ng sanlibutang ito. Ang mga lingkod ng Dios ay nag-iiba ng espiritu ng pag-iisip at ang tanging hinahangad ay maganap yaong kalooban ng Dios, samakatuwid ay ang panatilihin ang paggawa ng mabubuting gawa, at ito ay sa pamamagitan ng paglakad sa mga kautusan ng DIOS.
Rom 12:2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.
Ang mga lingkod ng Dios ay nalulungkot kapag nakakakita ng kasamaan. Hindi siya nagagalak sa kalikuan ng sanlibutan, gaya ni Lot na lingkod ng Dios na nahahapis sa bawat araw na nakikita ang kasamaan sa Sodoma.
Kahit masama ang sanlibutan, mayroong mga lingkod ng Dios na magpapakita ng liwanag.
At kahit ang liwanag na ito ay hindi tinatanggap ng marami, patuloy natin itong ipakita sa lahat upang mabigyan natin ng ibayong kapurihan ang Dios na tumawag sa bawat isa sa atin.