Hindi kaila na marami ang naglilingkod sa Dios sa kasalukuyan.
Ang iba ay sa sarili nilang kaparaanan, base marahil sa iginiginhawa nila at hindi ayon sa kung ano talaga ang Kalooban ng Dios. Ang iba naman ay naglilingkod lamang sa Dios kapag sumasapit ang kanilang kaarawan. Pupunta lamang sa simbahan o kapilya kapag kailangan ang Dios at may mabigat na kahilingan sa Kaniya.
Sa maraming pagkakataon, nakikita natin ang pagdagsa ng mga naglilingkod sa Dios kapag sumasapit ang mabibigat na karamdaman, sakuna, trahedya o disgrasya. Subalit karaniwan, kapag nasa kasaganaan ang buhay, lumilimot ang marami. Naaalala din naman ang Dios, subalit hindi ang pag-alalang hinahanap Niya sa atin.
Ang iba naman ay maglilingkod lamang sa Dios kapag nakasilip ng pagkakataon. Marami ang ganito, na abala sa maraming mga bagay gaya ng trabaho, pakikipagrelasyon sa mga tao at iba pa. Naaalala lamang ang Dios kapag malungkot sila at nakakaranas ng matinding pagsubok sa kanilang buhay.
Subalit ang iba naman ay hindi naman sadyang lumilimot sa Dios.
Katunayan, marami din naman ang nakaka-alala sa Dios. Iyon nga lang, sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi. Laging bukambibig ang pangalan ng Dios, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa tunay na Kalooban ng Dios. Gaya ito ng pahayag ng Panginoong Hesus,
Mat 15:8- 9 Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao. Ang pahayag na ito ay sinipi ng Panginoon sa pahayag ni Propeta Isaias patungkol sa bayang Israel, Isa 29:13 At sinabi ng Panginoon,Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni’t inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:
Hindi ganito ang pagkilalang hinahanap ng Dios sa atin.
Ang hinahanap Niya ay tunay na pagkilala sa Kaniya. Ngunit paano nga ba magagawa ang tunay na pagkilala sa Dios?
SInabi ng Biblia, ang tunay na kumikilala sa Dios ay nagbubulay sa mga kautusan ng Dios araw at gabi. Psa 1:2 Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi. Ibig sabihin nito, hindi pala sapat na maging bukambibig lamang ang pangalan ng Dios o ang Dios sa ating buhay, kundi ang hangad o kagustuhan ng Dios ay makita tayo na ang nagiging kagalakan natin sa ating buhay ay hindi ang mga bagay na materyal o mga bagay sa sanlibutang ito, kundi ang mga kautusan niya.
Makakatulong ang pagbubulay sa mga kautusan ng Dios upang maipakita natin na talagang kinikilala natin Siya.
Ang pagbubulay (meditation) sa mga salita ng Dios ay ginagawa sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon o oras. Hindi tayo makapagbubulay kung hindi natin ito pag-uukulan ng panahon at oras. Hindi ito simpleng pagbabasa o pagsasaliksik lamang ng mga salita ng Dios, kundi paguukulan din natin ng panahon para pag-isipan kung ano ang nilalaman ng ating binasa o sinaliksik. Nangangahulugan ito ng pagiisip kung paano natin isasakabuhayan ang mga salita ng Dios, at kung paano tayo mababago nang ayon sa kalooban ng Dios.
Ang pagbubulay sa mga salita ng Dios ay pangunahing hakbang bago natin ganapin ang mga ito sa ating buhay. Kung hangad nating sumunod sa kalooban ng Dios, makabubuting alamin muna natin ito at pagbulayan. (Eph 5:17) Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Gaya nang pahayag ni Job, ang mga salita ng Dios ay inari niyang malaking yaman sa kaniyang buhay, higit pa sa kaniyang kailangang pagkain. Ilan kaya sa atin ang priyoridad ang mga salita ng Dios? Job 23:12 Ako’y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.