Isa sa mga ugaling minana natin sa ating mga ninuno ay ang pagpapabukas ng mga bagay na maaari namang gawin ngayon. Sa english tinatatawag itongprocrastination, na ang ibig sabihin ay to delay, to put on hold or postpone. Ang ganitong ugali o karakter ay masasabi nating negatibo sa maraming aspeto sapagkat kahit sa anumang larangan ang pagpapabukas ng mga bagay na pwede namang gawin ngayon ay pag-aaksaya ng panahon.
Sa negosyo, ang pagpapabukas ay may malaking epekto. Maaaring masira ang produkto o takbo ng negosyo kung hindi ito tatakbo sa tamang panahon o oras. Maraming mga negosyo ang bumagsak o nalugi bunga ng pagka-delay sa delivery ng materials o ng mga finished products. Sa ugaling ito sumikat ang isang makulay na karakter sa katauhan ni Juan Tamad.
Si Juan Tamad, sa halip na sungkitin ang bunga ng prutas sa kaniyang harapan ay hihiga na lamang sa ilalim ng puno upang hintaying bumagsak ang bunga sa kaniyang bibig. Marami ang ganitong klase ng mga tao sa mundo. At maging sa parte ng pagrerelihiyon o paglilingkod sa Dios, dinala ng marami ang ganitong negatibong kaisipan. Marami ang sa halip na maglingkod sa Dios ay nagpapabukas pa sapagkat mas mahalaga sa kanila ang kanilang mga paghahanapbuhay.
Ang pagpapabukas ay hindi ugali ng isang Kristiyano
Bakit hindi marunong magpabukas-bukas ang mga Kristiyanong naturuan ng mga aral ng ating Panginoon? Ang sagot sapagkat nalalaman ng mga naturuan ng aral na ang panahon ay malapit na. At ang isang matalinong naghihintay sa Panginoong Dios ay hindi nag-aaksaya ng panahon. Bawat pagkakataon ay sinasamantala. Roma 13:11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo’y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka’t ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo’y magsisampalataya nang una.
Kung iniisip nating malapit na ang pagliligtas ng ating Panginoong Dios, hindi tayo dapat kakitaan sa pagwawalang-bahala. Sapagkat alam natin kung gaano ka-importante ang panahon, hindi natin ito pinapayagan na lumipas nang ganun na lang, at wala tayong nalilikhang kabanalan. Sabi nga ng Biblia,Kawikaan 3:27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.
Ngayon ang Panahon
Kung mayroon man tayong dapat isipin sa ngayon ay walang iba kundi samantalahin ang bawat araw at sandali na gugulin natin sa paggawa ng mabuti sa kapuwa, sa pagtupad ng mga kautusan ng Dios at maging bahagi ng pagbibigay karangalan sa Kaniya sa pamamagitan ng pangangaral ng Kaniyang mga salita.
Hindi dapat tanggapin ang mga biyaya ng Dios nang walang kabuluhan. Kung binigyan tayo ng talento, anuman ito, gamitin natin sa Kaniyang kapurihan. 2Co 6:1-2 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan. (Sapagka’t sinasabi niya, Sa panahong ukol kita’y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita’y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan): At gagawin natin ito, hindi bukas, o sa isang linggo o sa isang buwan o taon sapagkat sino sa atin ang nakakakaalam ng mangyayari sa araw ng bukas.
Nabubuhay tayo nang dahil sa awa ng Dios. Hindi natin alam kung kalooban pa Niya na mabuhay tayo nang matagal o darating na sa atin ang hangganan. At dahil nga sa ganito ang kalagayan natin sa harap ng Dios, marapat lamang na lagi nating gawin ang Kaniyang kalooban.
Sa panig ng mga nagsasaliksik pa lamang ng mga aral ng Panginoon, huwag tayong magpabukas, ngunit maging matalino tayo sa pagsasaliksik. Hindi lahat ng mga nangangaral ay aral ng Panginoong Dios ang kanilang dala-dala. Subalit kung kinakatok na ng Dios ang ating mga puso, kung magkagayon ay buksan natin ang ating mga puso sa Kaniya. Huwag nating pagmatigasin ang ating mga kalooban. Hebreo 4: 7 Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.
Tandaaan nating hindi natin hawak ang ating buhay, maikli lamang ito. Jas 4:14-15 Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi. Sapagka’t ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.
Kung ipagpapabukas natin ang ating kapalaran, lalo na ang kapalaran ng ating mga kaluluwa – ano kaya ang naghihintay sa atin?
Kaya habang may panahon pa, ang ibig sabihin ay habang malakas pa tayo at nasa atin ang lahat ng pagkakataon, gawin natin ang mga bagay na ikasisiya ng Dios. Huwag nating hintayin na mahuli ang lahat para sa atin. Ang sabi nga ng Biblia, ang pagparito ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi. Kaya kung matalino tayo, dapat lagi tayong nakahanda. Lalo na kung ating namamalas na malapit na ang araw at nagaganap na ang mga palatandaan ng Kaniyang pagbabalik. Lalo tayong dapat na magsikap.
Huwag tayong Masumbatan ng Dios sa araw na yaon
Darating ang araw na isusumbat sa atin ng Dios ang lahat ng kalayaan at pagkakataon na ibinigay Niya sa atin. Huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ito. Hindi liko ang Dios para limutin ang mga mabubuti nating mga gawa, subalit hindi din liko ang Dios para kalimutan ang mga pagpapabayang ginawa ng mga tao.
Sa katotohanan, ang sabi ng Biblia, may nakalaang kaparusahan sa mga magwawalang bahala sa Kaniyang mga panawagan.
Pro 1:24 Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
Pro 1:25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
Pro 1:26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
Pro 1:27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
Pro 1:28 Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:
Pro 1:29 Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
Pro 1:30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway: