Natutunan na natin na hindi tayo dapat padaig sa sanlibutan na ito, na hindi dapat mahawa ng kasamaan ng sanlibutan kundi tayo ay dapat na maging ilaw ng sanlibutan na nagbibigay ng liwanag at pag-asa sa mga taong nadidiliman ang isip at pamumuhay.
Rom 12:2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.
Sa halip na mahawa, naisip na po natin na hikayatin ang ating mga mahal sa buhay na lumapit at makipag-ugnay sa Dios? Nais ba nating ilapit ang ating mga mahal sa buhay sa Dios?
Maraming mga tao ang nanalangin na ang kanilang mga mahal sa buhay ay makasama sa kanilang paglilingkod sa Dios. Hangad din nila na makita ng kanilang mga mahal sa buhay ang liwanag ng pananampalataya na kanilang tinaglay.
Ano ang mabisang paraan para madala natin ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan papalapit sa Dios? Ano ang paraan para mahawahan natin ang ating mga kapuwa ng ating pananampalataya?
Hindi kailangang maging Apostol o Propeta para mailapit ang ating kapuwa sa Dios.
Hindi kailangang maging Pari o Obispo para gawin ito.
Ang wika ni Hesus,
Mat 28:19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
Mat 28:20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
Utos lamang ba ito sa mga Apostol?
Ang tungkulin nating lahat ay hindi para magpayaman at magkamal ng salapi.Hindi din tayo narito para magpakasaya at magpakalayaw. Hindi masamang magkaroon ng salapi at kayamanan. Hindi din masama ang magpakasaya. Ngunit hindi ang mga ito ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nilikha ng Dios. Hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit tayo pinagkalooban ng pananampalataya.
Bawat isa ay may tungkulin na ipamahagi ang pananampalatayang ito.
2Pe 1:5 Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;
Huwag nating isipin na tungkulin lamang ng mga pastor, pari at mga ministro na maging disipulo o tagapangaral ng mga salita ng Dios at tagapamahagi ng pananamapalataya. Bawat isa ay tungkulin na ipangaral ang salita ng Dios, at sa pakikinig ng salita ng Dios ay bumabangon ang pananampalataya (Roma 10:17)
Maaaring sabihin ng sinuman, ‘Ako’y karaniwang miyembro lamang ng iglesia.” Ito ay isang malaking pagkakamali. Walang “karaniwang miyembro,” bawat isa ay pinagkalooban ng espiritu at kaloob nito nang ayon sa kagustuhan ng Dios. At bawat isa ay mahalaga, bawat isa ay importante – kaya hindi tamang sabihin na ang salitang ordinaryong miyembro, sapagkat sa paningin ng Dios ang bawat isa ay mahalaga.
1Co 12:4 Ngayo’y may iba’t ibang mga kaloob, datapuwa’t iisang Espiritu.
1Co 12:5 At may iba’t ibang mga pangangasiwa, datapuwa’t iisang Panginoon.
1Co 12:6 At may iba’t ibang paggawa, datapuwa’t iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
1Co 12:7 Datapuwa’t sa bawa’t isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
1Co 12:23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
1Co 12:24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa’t hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
1Co 12:25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa’t isa.
1Co 12:26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
1Co 12:27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya.
1Co 12:28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.
May ilang paraan na itinuro ang Biblia para maging kasangkapan tayo sa ating mga kapuwa sa pamamahagi ng pananampalataya.Maaari nating tularan ang iniwang halimbawa ng Panginoong Hesus.
Nang magkatawang-tao si Hesus, ipinakita Niya ang pagiging huwaran sa pakikipag-kaibigan.
Mar 2:15 At nangyari, na siya’y nakaupo sa pagkain sa kaniyang bahay, at maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad: sapagka’t sila’y marami, at sila’y nagsisunod sa kaniya.
Mar 2:16 At nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo, na siya’y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, ay nagsipagsabi sa kaniyang mga alagad, Ano ito na siya’y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?
Mar 2:17 At nang ito’y marinig ni Jesus, ay sinabi niya sa kanila, Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit: hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
Maraming mga miyembro ng kanilang relihiyon na nagsasabing sila ay mga Kristiyano subalit hindi ginagawa ang bagay na ginawa ni Hesus, ang magawang makipagkaibigan sa mga makasalanan.
Hindi ang ibig sabihin nito ay gawin din natin ang ginagawa nila. Isang kamangmangan na gawin ang mga bagay na alam nating labag sa kalooban ng Dios. Sa pamamagitan ng katuwiran at ng salita ng katotohanan, magagawa nating ibahagi sa kanila ang salita ng Dios.
Bago tayo MAGTUWID o MAGPAYO, mas magkakaroon ng tinig at kapangyarihan ang mga salita natin kung nagawa muna nating magkaroon ng ugnayan o relasyon sa kanila, at ito ay sa pamamagitan ng pakikipag-kaibigan.
Ang nangyayari sa kasalukuyan, habang tumatagal sa paglilingkod ang isang tao, lalo siyang lumalayo sa kaniyang kapuwa tao. Sa anong dahilan? Madaming maaaring katuwiran ang isang miyembro kung bakit ayaw niyang makipag-kaibigan sa hindi sumasampalataya.
Ang mga ganito ay sarado ang isip.
Maaaring kaya ayaw nilang makipag-kaibigan ay dahil sa ayaw ng kanilang mga pastor. May mga nangangaral na layuan ang mga taong gumagawa ng kasamaan.
Hindi ganito ang ipinakita ni Hesus. Nakisalo pa nga si Hesus sa mga makasalanang tao. Si Hesus ay naging kaibigan ng mga makasalanan. (Lukas 7: 34)
At gaya ni Hesus, ang kailangan natin ay ang ganap na PAGTANGGAP sa ating mga kapuwa. Makasalanan man ang ilan sa ating mga kaibigan at mga mahal sa buhay, hindi natin sila dapat na hatulan, kundi gaya ng Dios ay bigyang pagkakataon na magbago.
At malalaman nating lumalago na ang ating pananampalataya at pakikipag-relasyon sa Dios kung nagawa na nating tanggapin ang kasalanan ng ating kapuwa, kung hindi na tayo humahatol sa ating kapuwa at naging kaibigan na natin sila sa kabila ng kanilang mga kasalanan, kagaya ni Hesus.
Tandaang kumakasangkapan ang Dios ng mga taong may mga kapintasan para tumawag ng mga taong may kapintasan din. Ito ay upang mamalas o makita ang tunay at wagas na pag-ibig ng Dios.