Hindi po tayo nananakot.
Ang sa atin lang ay ihayag natin kung ano ang nakasulat sa Biblia. Libong taon na po ang lumipas nang napasulat ang mga talatang ito tungkol sa mangyayari sa hinaharap.
At kasalukuyan na pong nangyayari ang mga ito. Mga lindol, pagtindig ng mga bansa laban sa ibang bansa, paglala ng kahirapan, pagkakaroon ng mga sakit, mga bagay na hindi karaniwang nangyayari sa kasalukuyan.
Ang iba ay nangyari na.
Ang iba ay mangyayari pa lamang.
At ayon sa Biblia, ang mga ito ay PASIMULA PA LAMANG NG KAHIRAPAN.
Mat 24:3 At samantalang siya’y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan? Mat 24:4 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Mat 24:5 Sapagka’t marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami. Mat 24:6 At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Mat 24:7 Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako. Mat 24:8 Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.
Ang mga kaganapan na nangyayari sa ngayon ay mga paunang pangyayari pa lamang. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan ng lahat o ng sanlibutan. Umpisa pa lamang ang mga ito ng lalong mabibigat na pangyayari na kailangang maganap.
Subalit, alam ba ninyo na hindi pa ito ang dapat nating paghandaan?
Mayroon pang tinutukoy ang Biblia na lalo nating dapat abangan at paghandaang mabuti. Ito ay walang iba kundi yaong tinutukoy ng ating Panginoong Hesus na MALAKING KAPIGHATIAN, na hindi pa nangyayari buhat pa nang lalangin ang sanlibutang ito.
Mat 24:21 Sapagka’t kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo’y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.
Hindi pa malinaw kung ano ang inaasahang mangyari tungkol sa malaking kapighatiang ito. Ang malinaw, ang mga nangyayari sa kasalukuyan na mga paglindol, digmaan, sakit at kamatayan ay sapat na para makita nating mayroon pa palang mas malala o matindi kaysa sa mga bagay na ito.
Ang layunin kung bakit inihayag ito ng Bibli ay upang mapaghandaan natin. Bagay na nakaligtaang gawin ngayon ng maraming mga tao.
Masyadong abala ang mga tao na alamin kung ano ang tunay na kalooban ng DIOS. Ang nangyayari tuloy ay hindi nila nauunawaan ang layunin ng DIOS kung bakit sumasapit ang mga pangyayaring ating nararanasan sa kasalukuyan.
Masyado din abala ang mga tao sa ngayon sa mga bagay na materyal at nakalimutan na yata ang lalong importanteng bahagi ng ating pagkatao- ang espirituwal, na may malaking kaugnayan sa pananampalataya at paglilingkod sa DIOS.
Sa mga lingkod ng Dios, ang mga ganitong pangyayari ay kanilang inaasahang magaganap. Hindi sila natatakot, hindi din sila nawawalan ng pag-asa, manapa, ang mga pangyayaring ito ay lalong nagpapatibay ng kanilang pananampalataya sapagkat ang kanilang sinasampalatayanang mga salita ng DIOS ay tunay na nagaganap.
Huwag sana nating kalimutan na mayroong DIOS na nagpapasapit ng mga bagay na ito. Huwag din nating kalimutan na ang DIOS na ito ang may kapangyarihang magligtas sa bawat isa sa atin.
Lakipan natin ng panalangin ang bawat araw na ibinibigay ng DIOS sa ating lahat. AMEN.