(Mat 7:13-14) Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.
Naniniwala ba kayo na maraming daan para maligtas ang tao?
Bagaman maraming mga relihiyon ang mayroong mga pormal na pagsasagawa ng pagtanggap sa kanilang mga miyembro o mananampalataya, nagkakaiba-iba naman ang kaparaanan ng mga ito.
Bawat isa ay mayroong sariling landas, daan o kaparaanang sinusunod. Maging ang pagsasagawa ng rituwal ng Bautismo ay magkakaiba din ang paraan. Ang iba’t pawisik lamang, ang iba naman ay pabuhos lamang. Ang iba naman ay paglulubog sa tubig.
Ang iba ay nagbibinyag ng sanggol, ngunit ang iba naman ay hindi ito pinahihintulutan. Ngunit, marami din namang relihiyon o grupo ng pananampalataya na nagsasabing hindi na kailangan ang Bautismo.
Ang iba ay ginagamit din ang Biblia, bilang kanilang pinagkukunan ng awtoridad, subalit marami sa mga ito ang taliwas sa ipinapahayag ng Biblia. Sa lahat ng mga ito, ano ba ang tunay na isinasaad ng Biblia? At kailangan pa ba ang sumunod o tumalima sa sinasabi ng Biblia? Makatuwiran ba ito sa inyo o sa Dios?
Sa dami ng mga relihiyon at karanasan sa pagrerelihiyon, maraming mga tao ang nadala na sa pagtanggap ng relihiyon sa kanilang buhay. Hindi ito nakapagtataka sapagkat maraming mga relihiyon ang nagsamantala lamang sa pagiging relihiyoso ng kanilang mga kapuwa.
Alam ba natin kung ano talaga ang kapahayagan ng Biblia?
Sinabi ni Hesus, (Juan 6:44) Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking ibabangon sa huling araw.
Maliwanag dito, na ang paglapit sa Dios ay isang proseso na ang magpapasimula ay sa pamamagitan ng Kalooban ng Dios. Nasa atin ang pagtanggap sa alok ng Dios kung tatanggapin natin ito o hindi. Kung tinatanggap natin ang alok ng Dios, magdadaan tayo sa proseso na dapat nating sundin, mga daan na maliwanag na ipinahayag sa Biblia.
Sinabi ni Apostol Pedro, (Act 2:38) At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
At bawat nagsisi, at tumanggap ng Bautismo ay tinanggap ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan at tinanggap ang kaloob ng Espiritu Santo. Ito ang mga hakbang na maliwanag na ipinapahayag ng Biblia upang tayo ay makalakad sa kalooban ng Dios, sa panibagong buhay na inaasahan Niya sa atin.
Ang Bautismo ay kumakatawan sa isang gampanin na maituturing na pinakamahalagang sangkap ng paglapit sa Dios. Ibinabadya nito, bagaman isang uri ng seremonya o rituwal sa katawagan, ang malaking pagbabago na kailangang maganap sa isang tao sa kaniyang puso at isipan.
Kinakatawan din nito ang pagtalikod sa mga nagdaang paraan ng buhay na tayo ay lumakad sa kasalanan at sa paggawa ng mga bagay na labag sa kalooban ng Dios, at ng buhay na patungo sa paglapit sa ating Panginoong Hesus, sa pamamagitan ng paglakad sa Kaniyang mga salita.
Hangad ng Dios na lakaran natin ang daan na ito.
Sinabi ni Apostol Pedro, (2Pe 3:9) Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.
Ang pagtanggap sa alok ng Dios ay nangangahulugang ibinibilang Niya tayong Kaniyang mga anak. (Juan 1:12-13) Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.
Ang Bautismo ay hindi lamang hakbang ng pag-anib sa isang relihiyon. Ito ay isang gawaing pinag-iisipang mabuti at ang sinumang sasailalim nito ay kailangang magpasiya nang ayon sa kaniyang sariling kapasyahan. Mahalaga ang masusing pag-aaral o pagtaya kung magagampanan ang tungkuling tatanggapin bago ito isagawa (Lukas 14:27 -33)
Ang Bautismo ay naglalarawan sa maselang gampanin na nagpapahayag ng ganap na pakikiisa sa kalooban ng Dios – at siyang isang malaking hakbang patungo sa makipot na daan, patungo sa buhay na walang hanggan.