Magsihingi, Magsihanap at Magsituktok

Kapag humihiling tayo sa Dios, nasa kalagayang “humihingi” tayo. At kapag nasa kalagayang humihingi, marapat lamang na pairalin ang buong pagpapakababa sa harap ng Dios na hinihilingan.

Mayroon tayong dapat na maunawaan sa katangian ng Dios pagdating sa pagtugon Niya sa ating mga kahilingan. Hindi lahat ng dalangin ay Kaniyang dinidinig. Hindi lahat ng tumatawag sa Kaniya ay Kaniyang kinikilala at pinakikinggan.

Subalit kung ang hinihiling sa Dios ay mabubuting bagay, ibinibigay ito ng Dios.

Mat 7:11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

Masama man ang isang magulang, kapag humiling ang kanilang mga anak ay ibinibigay nila ito. Tinutugunan nila ang kailangan ng kanilang mga anak. Gaano pa kaya ang Dios na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa Kaniya.

Ang kaibigang nangangailangan ng tulong, kapag binabagabag ang ating kalooban ay napipilitan tayong tumulong. Ito ang naging pahayag ng Panginoong Hesus sa Lukas 11: 5-8, sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya’y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; Sapagka’t dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya; At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo? Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya’y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya’y kaibigan niya, gayon ma’y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya’y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya.

Dahil sa pagbagabag ng kaibigan, kung minsan ay napipilitan tayong tumulong. Ngunit hindi ganito ang Dios, hindi kailangang bagabagin natin Siya sa ating paghiling para lang makuha natin ang ating kahilingan sa Kaniya. Alam ng Dios ang mga kailangan natin. Alam Niya ang makakasama at makakabuti para sa atin. At ang hinihiling natin sa Kaniya kung ito ay umaayon sa Kaniyang kagustuhan ay tiyak na Kaniyang ibibigay.

Mayroong mga sangkap ang paghiling na kailangang maunawaan natin upang ating matiyak na makakamit natin ang ating kahilingan sa Dios.

Luk 11:9 At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan;magsihanap kayo, at kayo’y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.

Ang paghingi  ay pagsasabi ng isang bagay na kailangan. Ang paghanap ay upang masumpungan ang isang bagay na kailangan. Samantalang ang pagtuktok ay simbolo ng pagpasok sa isang pintuan upang masumpungan ang pangangailangan.

Ang tatlong sangkap na ito ay tinitiyak ng Panginoong Hesus na masusumpungan o makakamit ang kahilingan lalo pa nga kung ayon sa kalooban ng Dios. Luk 11:10 Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

Ngunit dapat nating maunawa na mayroong dapat ugaliin ang isang humihiling sa Dios. Kapag tayo’y humihiling, dapat mayroong kalakip na pananampalataya ang ating paghiling, na hindi dapat pag-alinlanganan ang kahilingan, ni ang Dios na hinihilingan ay hindi dapat pagdudahan. Kailangang sampalatayanan ang panalangin na hindi pa man tinatanggap ang kahilingan ay isiping tinanggap na ito mula sa Dios.

Jas 1:6-7  Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Sapagka’t huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon;

Mayroon talagang humihiling sa Dios subalit mali ang pag-uugali sa paghiling. At mayroon din namang humihiling na ang layunin ng kahilingan ay hindi ayon sa kalooban ng Dios. May humihingi upang gamitin sa kasamaan ang hinihiling.

Jas 4:3 Kayo’y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka’t nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.

Huwag nating isipin na ibibigay ng Dios ang ating kahilingan kung walang pananampalataya ang ating kahilingan. Huwag din nating asahan na ibibigay Niya ito kung gagamitin naman natin sa masama. Ang Dios ay mabuti, handa Niyang ibigay ang ating mga kailangan, lalo pa nga kung sa ikakabuti natin ang ating mga hiling.

Jas 1:17 Ang bawa’t mabuting kaloob at ang bawa’t sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba. 

Na pawang sa ikabubuti lamang natin, kung kaya ito ipinagkakaloob ng Dios. Kung ito ay makasasama sa atin, kaylanman ay hindi Niya ito ibibigay. Rom 8:28At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawasa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.

Kaya upang matiyak na ipagkakaloob ng Dios ang kahilingan, dapat ay matiyak muna natin na ito ay AYON SA KANIYANG KALOOBAN. Kung hindi ayon sa Kaniyang kagustuhan, mabuti pang huwag na nating hilingin. 1Jn 3:22 At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin.

Ang paghanap ay bahagi ng paghiling sa Dios. Hindi sapat na maiparating natin ang ating mga kahilingan sa Dios. Kailangan nating gumawa. Ito ang pagsasabuhay ng tunay na pananampalataya at pagtitiwala sa kapangyarihan ng Dios. Bagaman taglay ng Dios ang kapangyarihang ibigay ang kahit anumang bagay, hindi Niya pa din ito ibibigay kung hindi makabubuti para sa atin. Kaya kapag mayroon tayong hiling sa Dios, kalakip nito ang paghanap sa kaparaanan kung paano ito masusumpungan. At sa paghahanap, kailangang kalakip ang paggawa. 2Th 3:10 Sapagka’t noon pa mang kami ay kasama ninyo, ay aming iniutos ito sa inyo, Kung ang sinoman ay ayaw gumawa, ay huwag din namang kumain.

Samantala, ang pagtuktok ay pagpapakita ng katiyagaan sa bagay na hinihiling. Ang panalangin sa Dios ay nilalakipan ng tiyaga. Ibig ng Dios na matutunan nating may takdang panahon para ipagkaloob sa atin ang anumang mabuting bagay na ating hinihiling sa Kaniya. “In God’s Time” wika nga. Lamang kailangan natin ang matiyagang paghiling, matiyagang paggawa upang masumpungan ang kahilingan. Eph 6:18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal.

Kung lubos nating nakikilala ang Dios, mauunawaan natin na hindi basta-basta ang paghiling sa Kaniya. Ang paglago ng pananampalataya at pagkakilala sa Kaniya ay palatandaan na ang isang humihiling ay ganap ding nauunawaan ang mga kaparaanan ng paghiling. At ang mayroong pananampalataya ay tiyak na makasusumpong. 2Pe 3:18  Datapuwa’t magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. 

2 thoughts on “Magsihingi, Magsihanap at Magsituktok”

  1. May karapatang hungi kung tama ang relasyon niya sa Dios, at may pananampalataya na hindi pabago-bago ng isip, pananampalataya na may kalakip na gawa…Purihin ang Dios Amen!

  2. eddie n. mendoza jr. said:

    PAGPALAIN PO KAYO NG DIYOS,,,NA BLESS PO AKO SA MGA TURO NYO DITO SALAMAT SA PANGINOONG DIYOS NA ANG SITE NA ITO NAGAGAMIT SA KANYANG KAPURIHAN….TO GOD BE THE GLORY…WE LOVE YOU JESUS!!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers