Lumakad na may Karunungan

Col 4:5 Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.

Hindi ang karunugang mula sa sanlibutang ito ang tinutukoy ni Apostol Pablo. Ang karunungang tinutukoy ay yaong nagmula sa Dios na dapat taglayin nating mga tao. Ito ang karunungang mula sa itaas, mula sa langit, nagmula sa mga salita ng Dios.

Jas 3:17 Nguni’t ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una’y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.

Ang paglakad na may karunungan ay nangangahulugang mamuhay ng matuwid at tapat sa paningin ng Dios, na lumalakad sa mga katuruan ng mga salita ng Dios. Ang isang tunay na Kristiyano ay lumalakad nang ayon sa mga katuruan ni Hesus at ginaganap ito ng buong puso sa kanilang buhay. Sa pamamagitan nito ay pupurihin ng ibang tao ang Dios.

Sa panahon ng mga Apostol, ang mga unang Kristiyano ay napapalibutan ng mga pagano at mga paganong paniniwala. Kaya naman kinakailangan nilang lumakad nang may karunungan upang mapatunayan nila sa harap ng Dios na sila ay iba sa mga taong nakapalibot sa kanila.

Sinabi din ni Apostol Pablo na kailangan nilang mag-iba ng pag-iisip at huwag maki-ayon sa sanlibutan sapagkat iba ang karunungan nilang taglay kaysa sa mga taong nakapalibot sa kanila. Ang mga taong may paganong paniniwala ay sinasamba ang mga bagay na ginawa lamang ng tao at ang kanilang pinaniniwalaan ay pawang ginawa lamang ng mga tao.

Rom 12:2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.

Samakatuwid kailangan ng mga tunay na lingkod na lumakad na may karunungan upang maalaman na katotohanan ang kanilang dala-dalang aral.

Bakit ganito ang kailangang maging lakad ng mga Kristiyano?

Pag-aralan natin ang mga sumusunod:

1. Maraming mga tao ang tumitingin sa relihiyon hindi sa aral na dala-dala kundi sa pag-uugali ng mga kaanib nito at maging sa mga tagapangaral nito.

2. Tinitingnan nila ang buhay na nilalakaran ng mga miyembro ng relihiyon at hindi yaong kung ano ang doktrina o palatuntunan na sinusunod nila.

3. Tinitingnan din nila kung nananatili ang mga miyembro sa aral na kanilang pinaniniwalaan o pansamantala lamang ang paglakad nila sa mga aral na kanilang sinusunod.

4. Nakatingin din ang mga tao sa mga kapintasan na nagagawa ng bawat miyembro ng relihiyon at hindi sa kung anong nagagawang kabutihan sa kapuwa at sa paningin ng Dios.

Kaya naman, napakahalaga na lumakad tayo na may karunungan, hindi lamang para mapatunayan natin sa harap ng ating mga kapuwa na katotohanan ang dala nating aral kundi higit sa lahat sapagkat ito ang kalooban ng Dios na gawin ng bawat isa sa atin.

Tandaan nating, kailangan nating alamin ang kalooban ng Dios, na huwag tayong maging mangmang sa Kaniyang paningin. (Efeso 5:17) Gayundin naman, hangad ng Dios na maunawaan natin ang katotohanan, sapagkat hangad Niya ang ating kaligtasan (1Ti 2:4 Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.)

Hindi katuwiran na wala tayong sapat na kaalaman tungkol sa mga bagay ng Dios. Tungkulin nating saliksikin ang Kaniyang kalooban at mga katuwiran. At ang mga lingkod ng Dios ay hindi nagkulang sa mga kaoob na kaalaman at karunungan.

1Co 1:4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus;

1Co 1:5 Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman;

1Co 1:6 Gaya ng pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo:

1Co 1:7 Ano pa’t kayo’y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo;

Walang dahilan para hindi lumakad ang isang Kristiyano sa katotohanan at sa karunungang mula sa Dios. At gaya ng pahayag ni Apostol Santiago, ang tunay na marunong at matalino ay yaong ipinakikita sa kaniyang pamumuhay ang paglakad sa mga aral ng Dios nang buong kaamuan at karunungan.

Jas 3:13 Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers