Walang makapagsasabi ng mga bagay na magaganap sa araw ng bukas o sa hinaharap.
Ang hinaharap ay pilit na inaalam ng maraming mga tao subalit hanggang sa kasalukuyan ay bigo sila sa pagtuklas ng mga bagay na mangyayari. Ang karaniwang nakikita natin at ginagawa nila ay manghula o mag-speculate ng posibleng maganap base sa mga data o bagay na kanilang kinakalap na makakatulong sa pag-alam ng posibleng mangyari. Tinatawag itong pag-alam sa probability ng posibleng mangyari.
Ang iba naman ay sadyang nanghuhula lamang na pinaniniwalaan naman ng marami na walang kaalaman sa katuwiran ng ating Panginoong Dios. Mas pinaniniwalaan pa nga ng iba ang hula kaysa sa sinasabi ng Biblia. Ang iba naman ay pilit na pinagsasama ang hula at ang sinasabi ng Biblia.
May mga bagay sa hinaharap na pwedeng malaman ang posibleng kahinatnan base sa siyentipikong pag-aaral. Subalit karaniwan lamang sa mga ito ay mga approximation o pagtaya lamang. Walang katiyakan o kasiguruhan sapagkat posibleng mangyari ngunit posible din namang hindi ito mangyari.
Hindi kayang tutulan ng tao ang sinasabi ng Biblia, na walang nakaka-alam ng mangyayari sa araw ng bukas.
Jas 4:14 Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi. Ang buhay ng tao, ayon sa Biblia ay walang katiyakan. Sa isang sandali ay lilitaw at kapagdaka ay mapapawi. Ang pasimula ng buhay ay tiyak ngunit ang hangganan nito, ang Dios lamang ang nakakaalam. Walang sinumang nakakaalam ng kaniyang kamatayan.
Kaya nga, dahil dito, hindi tayo nakatitiyak kung bukas, o sa isang bukas o sa isang linggo o sa hinaharap ay buhay pa tayo. Kaya naman, lahat ng bagay, lalo na ang ating buhay ay dapat nating isaalang-alang sa kahabagan ng Dios. Kung Kaniyang kalooban ay mabubuhay pa tayo, ngunit sa Kaniya din ang kalooban kung tayo ay mamamatay na. Jas 4:15 Sapagka’t ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.
Lahat ng bagay ay dapat isalalay sa Dios
Ibig sabihin, lahat ng bagay sa ating buhay na may kinalaman sa araw ng bukas o sa hinaharap ay dapat nating itagubilin sa Dios. Ang wika ni Apostol Santiago ang dapat nating sabihin ay “Kung loloobin ng Panginoon.”
Maraming mga tao ang nananangan lamang sa sarili nilang kakayahan. May mga tao pa nga na kung magsalita o mag-isip at maging sa pagpapa-plano ay hindi isinasama ang kalooban ng Dios.
Ang Kalooban ng Dios
Mayroon tayong dapat maintindihan sa kalooban ng Dios. Dalawang uri ang kalooban ng Dios na mababasa natin sa Biblia. Ang unang kalooban ng Dios ay yaong kalooban Niya na hindi kayang sagkain ng sinuman. At dahil makapangyarihan ang Dios anumang Kaniyang naisin ay hindi maaaring hindi ito magkaroon ng katuparan.
Ito ang binabanggit sa aklat ng Isaias - 14:27 Sapagka’t pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong? Maraming mga bagay sa sanlibutang ito na nang ipanukala ng Dios ay walang sinuman ang maaaring makapigil. Halimbawa ay nang likhain Niya ang lahat ng mga bagay. Kasama sa panukala ng Dios na walang makakapigil ay ang hangganan o ang katakdaan ng buhay nating mga tao.
Ang ikalawang uri ng kalooban ng Dios ay yaong pagdating sa Kaniyang kagustuhan sa ating mga tao. Hangad ng Dios na ang lahat ng mga tao ay maligtas - 1Ti 2:3-4 Ito’y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. Subalit bagaman hangad ng Dios o kalooban Niya na maligtas tayong mga tao, hindi ito katulad ng unang uri ng Kaniyang kalooban na walang makakapigil. Sapagkat binigyan Niya ng kalayaan ang mga tao, ang kaligtasan na Kaniyang kalooban sa atin ay matatamo pa din natin depende sa Kaniyang kahabagan – at ang kahabagan Niya ay matatamo natin kung gaganapin natin ang Kaniyang mga kalooban o kautusan.
Anu’t ano man, ang mga lingkod ng Dios ay laging isasalay ang lahat sa Panginoon. Mas maiging magtiwala sa Dios kaysa pagtiwalaan natin ang ating mga sarili o ang sinasabi ng ating mga kapuwa tao.
Psa 9:10 At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka’t ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.
Psa 40:4 Mapalad ang tao na ginagawang kaniyang tiwala ang Panginoon, at hindi iginagalang ang palalo, ni ang mga naliligaw man sa pagsunod sa mga kabulaanan.
Psa 118:8 Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao.
Ngunit dapat din nating maunawaan na hindi sapat na maging bukam-bibig lamang ang “kung loloobin ng Dios.” Dapat ay tunay na nagtitiwala at nananampalataya ang sinuman na may mga bagay sa buhay natin na sadyang ang Dios lamang ang makapagbibigay katuparan.