Mat 8:2 At narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya’y sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako. Mat 8:3 At iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya’y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka’y nalinis ang kaniyang ketong.
Isipin natin ang sakit na ketong. Isang sakit na nakakahawa at nakapandidiri. Malamang nang ang taong may ketong na ito ay papunta kay Hesus, nahahawi niya ang mga tao sa paligid sa pagkakita sa kaniyang kalagayan. Hindi man nabanggit sa talata, ang mga tao ay malamang nandiri sa kaniya.
Subalit hindi si Hesus.
Sapagkat, iniunat Niya ang Kaniyang kamay at hinipo ang taong may ketong at ito ay kaniyang pinagaling, palatandaan ng Kaniyang kapangyarihan at kagustuhang mapagaling ang may karamdaman na nanampalataya sa Kaniya.
Sa Exodo 15: 25-26 ay mababasa natin,
Exo 15:25 At siya’y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya; Exo 15:26 At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.
Ipinapakilala dito ang katangian ng Dios bilang Yahweh Ropheka, the Eternal who heals, ang Dios na nagpapagaling. At alam natin na hindi lamang pisikal na katawan ang pinapagaling ng Dios, kundi ang moral at espirituwal na bahagi ng ating mga pagkatao ang lalong mahalaga na kayang pagalingin ng Dios.
Karaniwan, ang karumihan o kasalanan ay madaling makahawa sa tao.
Kapag ang isang tao ay may sakit, lalo na sa panahong ito, gagawin niya ang lahat alang-alang sa kaniyang ikagagaling. Nandiyang may kumukunsulta sa kung anu-anong pamahiin, paniniwalang labag sa kalooban ng Dios, at pagtawag sa mga hindi tunay na dios na sa paningin ng marami ay tunay na Dios. Inaakala nila na may kakayahan ang mga mga hindi tunay na dios na magpagaling sa kanilang mga karamdaman, bagaman ang mga ito ay mga gawa lamang ng mga kamay ng mga tao.
Sinabi na ng Biblia, ang Dios ang nagpapagaling.
Hindi makapagpapagaling ang mga hindi tunay na dios na kanilang pinaniniwalaan. Isa lamang ito sa mga pandaraya ng diablo. Pinalalabas ngdiablo na ang mga hindi tunay na dios ang nagpapagaling sa mga tao upang mailigaw ang kanilang mga paniniwala at ito ang hindi nare-realize ng marami. Hindi ba ang sabi sa pasyon, “ang mga milagro ay tinutulungan ng demonyo.”
Kaya magtataka pa ba tayo kung napakaraming mga tao ang nadadaya sa panahong ito?
Walang himala sa Dios. Makapangyarihan Siya at ang lahat ng Kaniyang mga gawa ay maituturing na hindi milagro kundi mga gawang makapangyarihan. Ang kakayahan ng Dios na pumawi ng karamdaman ay isa lamang sa katuruan ng Biblia na karaniwan ay lubos na pinagsasaligan ng mga tao sa kanilang buhay.
Mayroong karamdaman ang katawan na dapat ay higit na pagtuonan nating mga tao, at ito ang karamdaman ng ating mga kaluluwa, na kapag hindi gumaling ay may kakayahang maghatid sa atin sa tiyak na kapahamakan.
Ang kasalanan ay gaya ng karamdaman. Nakakahawa ito gaya ng ketong. Kung ang ketong ay pinandidirihan ng maraming mga tao, ang kasalanan sa paningin ng Dios ay karumaldumal.
Kaya naman, sa Biblia, may batas sa Israel noong araw kung paano sila maglilinis sa paningin ng Dios sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain ukol sa kanilang mga karumihan at mga kasalanang nagagawa.
Sa panahon ni Hesus, hinikayat ang mga Kristiyano na magsilapit sa Kaniya upang manampalataya at malinis, gumaling sa karamdaman ng kaluluwa. Ang kaluluwa ay mayroong malaking halaga sa Dios kung kaya’t kailangang ito ay pagalingin sa lahat ng uri ng karumihan.
Taglay ni Hesus ang kapangyarihan upang lubusang malinis tayo sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pagkakabuhos ng Kaniyang dugo, sinagip Niya ang Kaniyang banal na iglesia (Gawa 20:28), upang kung sinuman ang maanib dito ay magkakaroon ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan (Gawa 2: 38, 47).
Kung tayo ang tatanungin, ano ang mahalaga para sa atin, ang gumaling ang karamdamang pisikal ngunit nanatili tayo sa karumihan ng pagkakasala? o ang gumaling ang ating mga kaluluwa dahil sa pagtalima?
Kung ibig ng Dios, maaaring malinis Niya tayo….