Kilalanin ang Sarili

1Co 11:31  Datapuwa’t kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan.

1Co 11:32  Datapuwa’t kung tayo’y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.

Sa pahayag na ito ni Apostol Pablo, tinuturuan tayo at sinasanay na pag-aralang disiplinahin ang ating mga sarili. Ito ay upang maiwasan na mahatulan ng ating Panginoong Dios at upang ito ay magawa, kailangan nating kilalanin ang ating mga sarili, maalaman ang ating mga pagkukulang at maalaman ang kalagayan ng ating mga pananampalataya.

Tandaan natin, na kung hindi man natin magawang disiplinahin ang ating mga sarili, ay hindi naman ibig sabihin nito na hindi na ito gagawin ng Dios sa atin. Para mas maintindihan natin, ano bang mas gusto natin, ang disiplinahin natin ang ating mga sarili o ang Dios ang didisiplina sa atin?

Huwag nating akalain na hindi gagawin ito ng Dios.

Php 1:6  Na ako’y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo: Ipinapakilala dito na lulubusin ng Dios ang Kaniyang layunin sa atin. Kaya kung tayo man ay magkulang, asahan natin ang pagdisiplinang gagawin ng Dios sa atin.

Ano ang dahilan ng pagdisiplina ng Dios?

Ayaw ng Dios na mapahamak tayo at tuluyang magkulang o magkasala sa Kaniyang paningin. Kaya ang pagsaway o pamalo ng Dios ay dapat nating asahan upang hindi tayo tuluyang mapahamak.

Hindi nababago ang layunin sa atin ng Dios – na tayong mga tao ay magtamo ng KALIGTASAN.

Ang kailangan lang nating malaman at maintindihan ay kung gaano kalaki ang hangarin natin na maituwid ang ating mga sarili at kung gaano kalaki ang pipiliin nating paghihirap at sakripisyo upang makamit natin ang hangarin ng Dios para sa atin. Magpapakababa ba tayo sa hangaring ito o mapapahiya tayo pagdating ng araw?

Paano natin kikilalanin ang ating mga sarili?

Paano natin malalaman ang ating mga pagkukulang sa Dios?

Ano ang kalagayan ng ating mga pananampalataya?

Paano natin malalaman ang daan na dapat nating lakaran?

Sinasabi sa Kawikaan 3:6,  Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas. Nangangahulugan ito na kailangan nating pakinggan ang salita ng Dios sa lahat ng bagay na ating ginagawa, saan man tayo pupunta, sapagkat Siya lamang ang tanging daan na makakatiyak tayong tama ang ating tinatahak na landas.

Kapag lagi nating iniisip na nariyan lamang ang Dios lagi, o lagi nating kinikilala ang Kaniyang presensiya sa ating buhay, kung magkagayon magagawa nating lubos na makapag-ingat. Kaya mahalaga lagi ang panalangin sapagkat sa ganito natin nararamdaman na ang Dios ay laging malapit lamang sa atin.

Maraming pagakakataon sa ating buhay na nawawalan tayo ng preno o disiplina sapagkat lagi tayong nagtatago sa Dios, gaya ni Adan at Eva sa Genesis 3:8. Marahil naririnig natin ang “marahang bulong na tinig ng Dios”  (1 Hari 19:12) pero binabalewala na lamang natin Siya sapagkat tuluyan na tayong nadadala ng ating mga kahinaan.

Kaya kapag madalas ang pagdalangin at pagtawag natin sa Dios, mas madalas ang pakikipag-usap natin sa Kaniya, dito natin magagawa ang epektibong paraan ng pagkilala o pagsiyasat sa ating mga sarili. Sa bawat pagpapasiya na gagawin natin, dapat naroon lagi ang Dios.

2Co 10:5  Na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawa’t bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo;

Kapag lagi nating inilalagay ang ating kaisipan at kalooban sa presensiya ng Dios, doon ay nababatid natin kung gaano tayo nagkukulang o nagkakasala sa harap Niya na siya namang mauunawaan natin kung gaano kalaki ang pagkakataon natin upang lalong mangailangan sa Kaniyang pang-unawa at pagpapatawad.

Kapag Siya ay laging nasa atin, mayroon pa bang daan ang makatao nating kaisipan para bigyang dahilan ang mga kasalanang ating nagagawa?

Kaya lagi nating idalangin, Php 2:13  Sapagka’t Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban, upang matiyak natin na sa lahat ng bagay ay nakikilala natin ang ating mga sarili na naaayon sa kalooban ng Dios.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers