Kailangan natin ng Tagapayo

Minsan dumarating sa buhay natin na kailangan natin ang magpasya. Subalit kung sa sarili natin, kadalasan ay nalilito tayo at nagiging pabigla-bigla sa pagpapasyang ating ginagawa, at kalimitan ay nagiging hindi maganda ang ibinubunga nito.

Anumang mabigat na kapasyahan, gaya ng pagkuha ng kursong kukunin sa kolehiyo, tungkol sa pag-aasawa o pagpapakasal, tungkol sa karerang kukunin, pagkakaroon ng anak at iba pa, kailangan natin ng tagapayo.

Hindi isang kahinaan na kumuha ng may kakayahang magpayo upang gabayan tayo sa ating magiging kapasyahan. Sa halip, ang hindi pa nga pagkuha ng tagapayo ay palatandaan ng kamangmangan. Pro 20:18 Bawa’t panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.

Mabuti na sa lahat ng bagay ay mayroon tayong sangguniin. Maaring maging kasangguni ang ating sarili, kaibigan, mahal sa buhay at higit sa lahat ay sangguniin ang kalooban ng Dios.

Sa panig ng Dios, ang pagsangguni sa Kaniya ang pinakamahalagang bagay na ating magagawa. Sa Kaniya tayo higit na magkakaroon ng tumpak na gabay sa ating mga paglakad, Siya ang magtuturo sa atin ng tamang direksiyon upang maging matagumpay tayo sa ating mga lakad.

Sinabi ng Biblia, na sa pantas na payo ay makipagdigma tayo. Ang pakikipaglaban sa espiritu ng kasamaan ay nangangailangan nang higit na patnubay lalo na sa mga katuwiran ng Dios. Eph 6:12 Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

Sa pakikipagdigma sa maraming kasamaan ng sanlibutan, kailangang kapuwa matatag at matalas ang ating mga pag-iisip at ang ating mga puso ay buo upang makapagtagumpay. At magkakaroon lamang ito ng katuparan kung pinatatag at pinatalas ng mga salita ng Dios.

Ang mga lingkod ng Dios, sapagkat nalalaman nilang sa sanlibutang ito ay mayroong matinding pakikibakang gagawin, hindi sapat na manangan sila sa kanilang mga sariling kakayahan at pagpapasya. Alam nilang mapanganib ang laban kaya kailangan nilang matiyak ang tagumpay. Kaya’t sila ay lubos na nananangan sa mga salita ng Dios. Ito ang kanilang naging kagalakan at tagapayo sa bawat pagkakataon ng kanilang buhay. Psa 119:24  Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo. 

Bakit sa pamamagitan ng mga salita ng Dios nagiging matibay at matatag ang pagpapasya at pakikipaglaban laban sa mga kasamaan ng sanlibutang ito?

Ang sagot sapagkat sa pamamagitan ng pakikinig at pagtanggap ng mga salita ng Dios ay bumabangon ang pananampalataya. At ang pananampalataya ay mahalagang sangkap sa bawat pagpapasya na ating gagawin. Mahalaga din ang pananampalataya sa pakikipaglaban sa mga kasamaan.

Ang lingkod ng Dios, mabubuhay sa pananampalataya – Hebreo 10: 38. Ibig sabihin, sa lahat ng gagawin, sasabihin, iisipin, paplanuhin, pagpapasyahan at sa lahat ng mga bagay ay paiiralin ang pananampalataya.

Kung hindi magiging sa pananampalataya ang lahat, may posibilidad na maligaw o mabigo ang anumang balak. Kaya dapat sasangguniin muna ang pananampalataya. At ang pananampalataya ang pinakamahusay na maaring kasangguni ng isang lingkod sapagkat makatitiyak na ito ay nagmula sa mga salita ng Dios.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers