Sinumang nagbabasa ng Biblia, hindi maiiiwasang hindi makilala ang lalaking si Moises. Isa sa mga pangunahing tauhan ng Lumang Tipan si Moises. Isa siyang Propeta na pinili ng Dios upang ang Kaniyang bayang Israel ay mapalaya mula sa pagka-alipin nito sa bansang Egipto.
Nagsimulang maalipin ang mga Israelita nang mamatay si Jose. Nalimutan ng mga Egipcio ang pagliligtas na ginawa sa kanila ni Jose. Samantala, sa bansang yaon nanirahan ang lahing Israel at doon sila unti-unting dumami. Sa takot ng mga Egipcio na sila ay maging makapangyarihan, ginawa nilang alipin ang mga Israelita.
Dito bumangon ang lalaking si Moises.
Heb 11:23 Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka’t kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.
Ipinanganak si Moises sa hindi magandang sitwasyon. Maaring iniisip natin na tayo ay ipinanganak sa hindi magandang pagkakataon o panahon, ngunit hindi ito maikukumpara sa naging sitwasyon ni Moises. Ang tanging nagtaguyod sa kaniya mula sa pagkasanggol ay ang kaniyang mga magulang na sina Amram at Jochebed.
Hindi man nauunawaan ni Moises ang bagay na ito, sapagkat sanggol pa lamang, subalit nababasa natin kung paano niya tinanggap ang pagliligtas ng Dios sa pamamagitan ng kaniyang mga magulang. Matutunghayan sa Exodo na ang binigyang diin ay ang kaniyang ina, si Jochebed kasama ang babaeng si Miriam, na siyang nagpaanod sa kaniya sa ilog ng Nile.
Hindi sila natakot sa utos ng hari o ng Faraon ng mga panahon na yaon. Hindi naman tinalakay ng Biblia kung ano ang nagpalakas sa kanilang pananampalataya, subalit nagawa nila ang isang bagay na alam nilang mapanganib mailigtas lamang ang sanggol na si Moises.
Inilagay din nila ang buhay nila sa panganib at maging ang buhay ng sanggol na si Moises. Nakipag-usap ba sa kanila ang Dios? Nagpakita ba Siya sa pangitain? Nagpadala ba ang Dios ng anghel? O umasa sila sa pangako ng Dios na ibinigay kay Abraham? Walang makapagsasabi.
Ang mahalaga, naipakita nila ang pagtitiwala sa Dios kaya kahit mapanganib ay ginawa nila upang mailigtas ang sanggol. At dahil sa pagtitiwala nila sa mga salita ng Dios, kahit buhay ang maaaring maging kapalit ay ginawa nila ang nararapat.
Heb 11:24 Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya’y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
Heb 11:25 Na pinili pa ang siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;
Heb 11:26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka’t ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.
Heb 11:27 Sa pananampalataya’y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka’t nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.
Pananampalataya sa Dios ang nagtulak upang matuklasan ni Moises ang kaniyang tunay na pagkatao. Na siya pala ay hindi isang Egipcio na gaya nang kaniyang kinalakhan kundi siya pala ay isang Hebreo, isang Israelita. At siya ang pinili ng Dios upang sagipin ang bayang matagal nang inaalipin sa lupain na yaon.
Pansinin natin na hindi niya pinili ang mas marangyang buhay bilang isang prinsipe, sapagkat nalalaman niyang may higit na gantimplang nakalaan para sa kaniya bilang isang lingkod ng Dios.
At dahil sa pananampalataya niyang yaon ay kinilala siya ng Dios at hinirang upang maging kasangkapan sa paglaya ng bansang Israel na malaong inalipin ng Egipto.