Isang Mabuting Bagay ang Magpasalamat

Psa 92:1-2  Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan: Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi.

Ang pagpapasalamat ay isang bagay na mabuti ayon sa Biblia. Sa lahat ng mga bagay na tinatanggap natin at patuloy pa nating tatanggapin mula sa nag-iisang Dios, dapat lamang na kilalanin ang mga ito sa pamamagitan ng taus pusong pasasalamat at pagpupuri. Bilang mga naturuan ng mga salita ng Dios, magiging kalalabisan at kakulangan na tayo ay hindi matutong tumanaw ng utang na loob, lalo pa nga sa Dios.

Bakit kailangang magpasalamat sa Dios?

Maraming mga dahilan kung bakit kailangan nating magpasalamat sa Dios. Una sa lahat, ito ay pagtanaw sa kabutihan ng Dios sa ating lahat. Ikalawa, ang mga biyayang tinatanggap natin, saan ba nagmumula? Mayroon bang bagay na nasa atin na hindi nagmula sa Dios? Lahat ng bagay na ating tinataglay o tinatangkilik ay nagbubuhat sa Kaniya, kaya naman marapat lamang na makita sa atin ang pagpapasalamat at pagpupuri.

Gayundin naman, hindi ba’t dapat ding ipagpasalamat ang bawat araw na idinadagdag ng Dios sa ating buhay? Ang buhay at ang kalakasan natin ay nagmula din sa Dios. At higit sa lahat, hindi ba’t karapatdapat ding ipagpasalamat ang kaloob Niyang mga biyayang espirituwal, gaya ng mga salita ng Dios, ng pag-asa na ibinibigay Niya upang tayo ay makapagtiis sa magulo at masalimuot na sanlibutang ito, at gayundin naman ang pananampalatayang minsan ay ibinigay sa atin upang magkaroon ng kabuluhan ang ating buhay sa mundo. Lahat ng mga ito ay karapatdapat nating ipagpasalamat sa Dios.

Sabi ni Apostol Pablo, 1Co 4:7  Sapagka’t sino ang gumawa na ikaw ay matangi? at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni’t kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap? Mayroong mga tao na hindi kinikilala ang mga biyayang nagmumula sa Dios. Ipinalalagay nilang ang lahat ng kanilang mga tinatangkilik sa kanilang buhay ay buhat sa sarili nilang pagpapagal. Ang pagpapapagal ay mahalaga para masumpungan natin ang mga kailangan natin sa buhay na ito, subalit huwag natng kakalimutan na mayroong Dios na nagbibiyaya sa lahat, mabuti man o masama, ipinagkakaloob Niya ang ating mga kailangan.

Ganito ipinakita ng mga unang lingkod ng Dios ang kanilang pananampalataya na sa Dios nagmumula ang lahat. 1Ch 29:12  Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.

Ang naghahandog ng pasasalamat ay nagagawang luwalhatiin ang Dios. Ibig sabihin,  kapag naghandog tayo ng pagpapasalamat sa Dios, nabibigyan natin Siya ng kagalakan, natutuwa Siya sa atin na makitang ang Kaniyang mga lingkod ay marunong tumanaw sa lawak ng Kaniyang kabutihan at kagandahang loob. Psa 50:23  Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios. 

At maging sa panahon ng mga Kristiyano, ipinangangaral na palagian tayong maghandog sa Dios ng pasasalamat. Heb 13:15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.

Kaya sa lahat ng mga bagay, sa lahat ng sandali, maliit man o malaki ang mga biyayang nakakamtan natin, huwag na huwag nating kakalimutang maghandog sa Dios ng pagpapasalamat, sapagkat ito ay mabuti. Ibig sabihin, nakagagawa tayo ng mabuti at gawang kabanalan sa tuwing tayo ay maghahain sa Dios ng pagpupuri at pasasalamat.

Ang pagpapasalamat sa Dios ay magagawa natin sa maraming kaparaanan. Si David, na lingkod ng Dios ay palagiang nag-aalay sa Dios ng pasasalamat na dala ang kaniyang handog sa templo ng Panginoon. Sa ganito niya isinasagawa ang pagpapasalamat at pagsamba sa Dios. 1Ch 16:29 Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.

Samakatuwid, isa sa kaparaanan ng pagpapasalamat ay ang pagparoon sa ating mga bahay sambahan at doon ay maghandog tayo ng pasasalamat sa Dios. Hindi din kaila, na maari tayong magpasalamat sa ating mga pananalangin o pakikipagusap sa Dios. Ang panalanging may kalakip na pasasalamat ay isang paraan ng pagpapaabot sa Dios ng pagpupuri at pagpaparangal. Huwag nating kakalimutan na mahalaga ang magpasalamat. Sa umaga paggising, bago tumanggap ng biyayang kakainin, bago umalis ng bahay at pagsapit na muli sa tahanan mula sa paglalakbay, bago matulog at magpahinga sa gabi at sa maraming mga pagkakataon na nadarama ng ating mga puso na ibig nating handugan ang Dios ng pagpupuri at pagpapasalamat, gawin natin ito upang ang Dios ay malugod sa atin.

Alalahanin natin na ang mabuti ay hindi dapat ipinagkakait, lalo na kung nasa kapangyarihan natin na gawin ito. Pro 3:27  Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin. 

Salamat sa Dios !!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers