“Hindi naman ako tagapangaral, paano ako makakapangaral?”
Ito ang kadalasang sinasabi ng isang kapatid.
Hindi kailangang maging tagapangaral, ministro, pastor o manggagawa para maipangaral ang salita ng Dios. Ang pangangaral ay tungkulin ng bawat kapatid sa loob ng Iglesia. Ang maipalaganap ang Mabuting Balita ay pangunahing tungkulin ng bawat isa.
Mar 16:15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
2Ti 4:2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.
Paano magagawa ng isang kapatid na maipangaral ang salita ng Dios?
Sa kapitulo 4 ng aklat ng Juan, matutunghayan natin ang pag-uusap ng babaeng Samaritana at ng ating Panginoong Hesus. Binangunan ng pananampalataya ang babae dahil sa Kaniyang mga napakinggang aral mula sa ating Panginoong Hesus. At ano ang ginawa ng babaeng samaritana pagkatapos?
Ipinahayag niya ang kaniyang mga narinig sa kaniyang mga kababayan at dahil dito, marami ang sumampalataya dahil sa kaniyang ginawang pamamahagi ng mga bagay na kaniyang napakinggan.
Joh 4:39 At marami sa mga Samaritano sa bayang yaon ang sa kaniya’y nagsisampalataya dahil sa salita ng babae, na nagpatotoo, Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.
Joh 4:40 Kaya nang sa kaniya’y magsidating ang mga Samaritano, ay sa kaniya’y ipinamanhik nila na matira sa kanila: at siya’y natira roong dalawang araw.
Joh 4:41 At lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya dahil sa kaniyang salita;
Pag-aralan nga natin, ano ba ang kalagayan ng isang babae at mula pa sa lahing Samaria sa panahon na yaon?
Sa katotohanan kung ating sasaliksikin ang kasaysayan, ang mga babae sa panahon na yaon ay walang puwang upang makapagsalita sa lipunan. Lalo na at ang babaeng tinutukoy dito ay isang Samaritana. Mababa ang uri ng mga taong ito kumpara sa mga Hudyo, Eskriba, Fariseo at Saduceo. Ngunit, hindi naging hadlang ang kaniyang kalagayang babae at mababa sa lipunan para hindi maipahayag ang mga bagay na kaniyang sinampalatayanan.
Ang pangangaral ay pamamahagi o pagbibigay. Kapag nangangaral tayo, nagbibigay tayo ng bagay na tinanggap din naman natin. At ang mga ipinamamahagi natin ay ang mga bagay na ating natutunan, bunga ng pananampalataya. Ang pamamahagi o pamimigay ay pag-ibig.
2Pe 1:5 Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;
Ang pag-ibig ay pamamahagi o pagbibigay. At ang pag-ibig ang pangunahing utos ng Dios sa ating lahat. Ibigin ang Dios nang buong puso, buong pag-iisip at buong kaluluwa. At ang pangalawang katulad nito ay ibigin ang kapuwa na gaya ng sarili.
Kaya ang mga aral at ang pananampalataya na ating tinanggap ay katungkulan nating lahat na ipamahagi upang ating maipakita ang ating pag-ibig sa Dios at sa ating mga kapuwa. Hindi din dapat maging hadlang ang kalalagayan natin sa buhay at sa lipunan na ating kinagagalawan.
Ang pangangaral ay hindi nangangahulugan na kailangang makahikayat ng miyembro. Mayroon talagang inaaralan subalit hindi sumasampalataya. Ang mahalaga ay naipangaral ang mga salita ng Dios sapagkat pangunahing tungkulin nating lahat ito.
Gamitin natin ang ating mga Talento
May mga kaloob na ibinigay sa atin ang Dios at importante na maipakita natin na ito ay ating pinakikinabangan. At ang pinakamagandang bagay ay maipakita natin sa harap ng Dios ay ginagamit natin ang Kaniyang mga talentong kaloob sa pagbibigay kapurihan ng Kaniyang banal na pangalan.
Tayo ang inaasahan na maghahayag ng pananampalataya sa ibang mga tao o sa ating mga kapuwa. Hindi naman inaasahan na ang mga walang pananampalataya ang mangangaral nito.
Ayon kay Apostol Pedro, ang mga tinawag ng DIOS ay ibinibilang na bayang pag-aaring sarili ng DIOS na ang layunin ay ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag samakatuwid ay ang DIOS na tumawag sa mga lingkod mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan.
1Pe 2:9 Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan:
1Pe 2:10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa’t ngayo’y nagsipagkamit ng awa.
Kaya tungkulin ng lahat ng mga tinawag na ipahayag ang karangalan ng Dios na tumawag. At ito ay sa pamamagitan ng pangangaral.
Ngayon ay napakaraming paraan para maitaguyod at maipamahagi ang mga salita ng Dios. Ang internet, Facebook, Twitter at Blogging ay mga makabagong teknolohiya na magagamit upang maipangaral ang salita ng Dios. Maaari nating gamitin ang bilis at kapangyarihan ng teknolohiyang ito upang maipamahaging walang bayad ang mga aral na tinanggap din naman nating walang bayad.
Ang makabagong paraan ng networking (pag-uugnay-ugnay ng mga tao) ay gawin nating advantage para malaya nating maisakatuparan ang tungkuling maipahayag ang mga salita ng Dios.
Sa Dios ang lahat ng kapurihan.