Ingatan ang Dila

Jas 3:5  Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy!

Jas 3:6  At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba’t ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila’y pinagniningas ng impierno.

Mabagsik at makapangyarihan ang salita. May kakayahan itong sumugat ng kalooban. May kakayahan din itong maghilom ng sugat ng damdamin. Mahalaga sa isang Kristiyano ang pag-iingat ng dila o ng salita.

Pro 18:21  Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.

Itinuturo ng Biblia na ang dila ay isang maliit na sangkap ng ating katawan ngunit may kakayahan itong makahawa sa buong katawan. Bagaman maaaring gamitin sa pagpupuri sa Dios, sa pag-awit, pagbabasa ng mga Kasulatan, pananalangin at pangangaral, ang dila ay maaari ding gamitin sa paglait, pagsasabi ng hindi katotohanan sa sarili, kapuwa at sa Dios.

Pansinin natin ang sulat ni Apostol Juan, Naranasan niya at ng kaniyang mga kasama na makatikim ng mga masasamang salita.

3Jn 1:9  Ako’y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa’t si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap.

3Jn 1:10  Kaya’t kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia.

Ipinaliwanag ni David na ang dila ay parang sandata, nakakasugat at may kakayahang kumitil ng buhay. Psa 64:3  Na siyang nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, sa makatuwid baga’y ang masasakit na salita: May mga taong sadyang masakit kung magsalita at hindi ginagamit ang isip sa pagsasalita, walang pakiaalam sa damdamin ng ibang tao. Hindi ganito ang kalooban ng Dios sa ating mga tao. Hanggat maaari, bilang palatandaan ng pag-ibig ay magpayuhan tayo at magpaalalahanan tayo sa isat isa alang alang sa pananampalataya na taglay natin.

Kung mahina ang kalooban ng isang tao at makakarinig ng masasakit na salita, hindi baga’t masasaktan ang kaniyang kalooban? Paano kung maging daan ito ng panghihina ng pananampalataya? At ang naging dahilan pa ay ang mga masasakit na salita na kaniyang nadinig?

Bukod dito, sinasabi ng Biblia na ang dila ay naghahatid ng usap (tsismis) at may kakayahang sumira ng pagkatao o karangalan ng isang tao. Ang naghahatid dumapit at pinaghahatiran ay kapuwa nakagagawa ng hindi mabuti sapagkat ito ay hindi umaayon sa kalooban ng Dios.

Pro 26:20  Sapagka’t sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy: at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang pagkakaalit.

Pro 26:21  Kung paano ang mga uling sa mga baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong madaldal na nagpapaningas ng pagkakaalit.

Gaano karami na ang sinirang buhay ng paghahatid dumapit o tsismis? Gaano karami na ang naging magkaaway dahil lamang sa salita ng dila? Maliit na sangkap lamang ito ngunit nang dahil dito ay napakaraming buhay ang nasayang, napahamak at nagulo. Kung hindi mapipigilan ang dila sa pagsasalita, may kakayahan ito na hilahin ang buong katawan sa pagkakasala.

Tandaan natin ang sinasabi ng Panginoong Hesus, Mat 12:37  Sapagka’t sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.Gamitin natin ang dila hindi sa ikasasakit ng kalooban ng kapuwa, hindi sa ikasisira ng kapuwa, hindi sa kasamaan kundi gamitin natin ito sa paggawa ng mabuti sa paningin ng Dios. Maaari itong maging malaking kasangkapan o instrumento para maging banal ang ating pamumuhay sa paningin ng Dios. Tandaan din natin na isa sa mga hahatulan ng Dios sa atin ay hindi lamang ang ating mga nagawa kundi maging ang mga bagay na sinalita ng ating mga dila.

At sa halip na ang ihatid natin sa kapuwa ay mga kuwentong maaaring ikasira ng kapuwa, bakit hindi natin gamitin ang ating mga salita sa pangangaral ng mga salita ng Dios? Unahin nating aralan ang mga mahal natin sa buhay gaya nang mababasa sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostol. Act 16:32  At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.

At sa pamamagitan ng mga salita ng Dios, magpayuhan at magpaalalahanan tayo sa isa’t isa upang makita ng lahat na tayo ay mga tunay na lingkod ng ating Panginoong Dios. Col 3:16  Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo’y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.

Hindi man tayo mangangaral, maaari nating pagsikapan na humanap ng mga salitang matuwid na makapagpapatibay ng pananampalataya hindi lamang ng ating mga sarili kundi maging ng mga taong maaaring nakakarinig ng ating mga sinasabi. 2Ti 2:15  Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.

Tandaan nating ang nag-iingat ng salita ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa mula sa kabagabagan. Pro 21:23  Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers