Huwag Matakot sa Mga Nagaganap sa Panahong Ito

Hindi kaila sa atin na napakaraming pangyayari sa mundo ang nagaganap sa panahong ito na nagiging dahilan  upang matakot ang marami.

Nariyan ang mga paglindol sa iba’t ibang panig ng daigdig, pagpapalit palit ng panahon na nagiging daan ng sari-saring kalamidad, pagkakaroon ng malalakas na bagyo, pagbangon ng kaguluhan sa maraming mga bansa, pagbagsak ng ekonomiya maging ng mga makapangyarihang mga bansa sa mundo, at pagkakaroon ng mga karamdamang malubha, na ngayon pa lamang lumilitaw at madami dito ang wala pang kagamutan.

Ang iba ay iniisip na ito na ang panahon ng kawakasan. Ang iba naman ay nawalan na ng pag-asa at tumalikod na sa Dios sa kakulangan ng pananampalataya.

Sa kabila ng mga nararanasan natin sa paligid sa ngayon, ano ang dapat na maging damdamin natin? Ano ang tunay na kalooban ng Dios sa mga pangyayaring ito na nagaganap sa kasalukuyan?

Ano ang ilan sa naging pahayag ng Panginoong Hesus tungkol sa mga magaganap sa mga huling araw?

(Mat 24:1-12)  At lumabas si Jesus sa templo, at payaon sa kaniyang lakad; at nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang sa kaniya’y ipamalas ang mga gusali ng templo. Datapuwa’t siya’y sumagot at sa kanila’y sinabi, Hindi baga ninyo nangakikita ang lahat ng mga bagay na ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dito’y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.

At samantalang siya’y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?

At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagka’t marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.

At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako.

Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.
Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin: at kayo’y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.

At kung magkagayo’y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa’t isa, at mangagkakapootan ang isa’t isa.

At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.

At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.

Marami sa mga ipinahayag ng Panginoong Hesus ay kasalukuyang nagaganap na. At kung ang mga ito ay nagaganap, isa lamang ang kahulugan nito – nasa mga huling araw na tayo at nalalalapit na sa sinasabing kawakasan.

Ano ang lalong magpapatunay na tayo ay nasa mga huling araw na nga?

Ang pahayag ni Apostol Pablo, ang panahon ay magiging mapanganib sa mga huling araw, at ang mga tao ay magtataglay ng mga katangiang ito:

(2Ti 3:1-5)  Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.

Kaya hindi na natin dapat pagtakhan ang maraming kaganapan sa ngayon at maging ang mga inuugali ng maraming mga tao. Ang lahat ng mga ito ay kaganapan ng mga ipinahayag ng Banal na Kasulatan.

Subalit kung ating pag-aaralan, hindi pa dumadating ang kapighatian na hindi pa nangyayari kahit noon pa man. Ang kapighatiang ito ay magaganap bago dumating ang kawakasan. (Mat 24:21)  Sapagka’t kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo’y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

Lahat ng mga ito ay kailangang maganap at masaksihan ng ilan sa atin kung kalooban ng Dios sapagkat mayroong dahilan ang Dios kung bakit kailangang sumapit ang lahat ng mga ito.

Kung bakit ipinahintulot ng Dios ang mga ito sapagkat ito ay palatandaan ng Kaniyang galit dahil sa pagsalansang ng maraming mga tao. (Isa 26:20-21)  Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas; Sapagka’t, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.

Marami pang mga pangyayari na ipinahayag ng Biblia na nagaganap na sa kasalukuyan. Lahat ng mga pangyayaring ito ay palatandaan ng galit ng Dios.

Nangyari na ang ilan sa mga ito ayon sa kasaysayan at tala ng Banal na Kasulatan, at muling magaganap ang mga ito upang ipaalala sa atin na umaapaw na ang kasamaan sa lupa, at ang mga kaganapang ito ay kapahayagan ng kagalitan ng Dios.

(Deu 28:15-20)  Nguni’t mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo. Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang. Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok.  Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas. Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo’y pinabayaan mo ako.

Sa ganitong kaparaanan ipinahahayag ng Dios ang Kaniyang galit. (Isa 30:30)  At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo.

Dapat ba tayong matakot sa mga nagaganap sa kasalukuyan at sa mga bagay na magaganap pa?

Sino ang mga taong hindi natatakot sa mga bagay na nagaganap sa panahong ito?

Bilang tao, likas sa atin ang makadama ng takot. Ngunit ang sinumang nagtitiwala at umaasa sa Dios ay hindi binabangunan ng takot sapagkat ang Dios ang kanilang kaligtasan. (Isa. 12 : 2) Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako’y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka’t ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya’y naging aking kaligtasan.

Gaya nang pahayag ni David, ang Dios ay ang kaniyang malaking batong kanlungan, kaya’t wala siyang kinatatakutang anuman. (Awit 31:1-3)  Sa iyo, Oh Panginoon, nanganganlong ako; huwag akong mapahiya kailan man; palayain mo ako sa iyong katuwiran. Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; iligtas mo akong madali: maging matibay na kanlungan ka nawa sa akin, bahay na sanggalangan upang iligtas ako. Sapagka’t ikaw ang aking malaking bato, at aking kuta; alangalang nga sa iyong pangalan ay pangunahan mo ako, at patnubayan mo ako. 

Musmos pa lamang si David ay hindi na siya kinakitaan ng takot bunga ng kaniyang pagtitiwala sa Dios. Ang mga leon ay kaniyang nilalabanan alang-alang sa kaniyang mga tupang pinapastol. Hindi din niya kinatakutan ang higanteng si Goliath nang hamakin nito ang Dios ng Israel. Ang lahat ng mga ito ay bunga ng kalakhan ng kaniyang pagtitiwala sa Dios.

Alalahaning ang mga mata ng Dios ay laging nakatitig sa Kaniyang mga matuwid. (Awit 34:15)  Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing. Kaya makaaasa na kapag dumating man ang mga hindi pangkaraniwang kaganapan dito sa lupa, ang Dios ay laging nariyan upang ingatan ang Kaniyang mga lingkod. (Awit 34:19)  Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni’t inililigtas ng Panginoon sa lahat.

Kaya makaranas man ng kadalamhatian, at hindi pangkaraniwang pagsubok, ang lingkod ay mananatili sa kaniyang pagtatapat at magpapatuloy na magpakalakas, sapagkat ang Dios ang nagbibigay sa kaniya ng kalakasan. (Job 17:7-9)  Ang aking mata naman ay nanglalabo dahil sa kapanglawan. At ang madlang sangkap ko ay parang isang anino. Mga matuwid na tao ay matitigilan nito, at ang walang sala ay babangon laban sa di banal. Gayon ma’y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.

(Awit 24 : 4 – 5) Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan. Siya’y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

Ano lamang ang mahigpit na tagubilin at payo sa atin ng Dios?

(Awit 62:8)  Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. Ang kailangan lamang ay magpasakop tayo sa Dios at buksan natin ang ating mga sarili sa Kaniya. Kung ang Dios ang kakampi natin at kanlungan, sino ang magiging laban sa atin? At anong bagay ang hindi natin makakayanang harapin?

Ang kailangan lamang talaga ay magpakatatag tayo at magtiwala sa Dios. (Awit 112:7)  Siya’y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon. Ang takot ay mayroong kakayahang kontrolin ang pag-iisip ng tao at kaya nitong bihagin ang tao upang maging walang laban. Subalit ang taong mayroong pagtitiwala ay matatag at hindi kayang kontrolin ng takot.

Ang takot ay nasa isipan lamang. Kung ang kaisipan ng isang lingkod ay nasa Dios, walang pagkatakot na babangon at maaaring magtagumpay sa kaniya. (Isa 26:3) Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka’t siya’y tumitiwala sa iyo.

Sa lahat ng ito, hindi ba marapat lamang na purihin at dakilain ang Dios? Ihandog natin sa Kaniya ang ating pasasalamat at pagpaparangal sapagkat Siya’y Dios na nag-aalis ng ating takot, anuman ang maganap sa paligid.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s