Huwag Kainggitan ang Masasama

Dapat bang kainggitan ang kayamanan ng iba na nagmula naman sa masama?

Hindi tayo dapat mabalisa, o managhili sa mga manggagawa ng kasamaan kung sila ay gumiginhawa. Psa 37:1-2 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan. Sapagka’t sila’y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo. 

Kadalasan, kapag nagkukulang ang pananampalataya sa Dios, naiisip natin kung bakit tayong mga naglilingkod sa kaniya ay hindi yumayaman o gumiginhawa. At kadalasan, itinatanong natin, ” bakit kung sino pa ‘yung mga walang panahon sa paglilingkod sa Dios, kung sino pa ‘yung mga gumagawa ng pandaraya at kasamaan, sila pa ang gumiginhawa ang buhay?”

Ang tanong na ito ay naglalarawan lamang na nawawalan tayo ng pag-asa at pananampalataya sa Dios. Hindi ba’t sinabi ng Biblia, na ang mga pag-aari sa sanlibutang ito ay pansamantala lamang? Hindi ba’t ang mga kayamanan ay ipinahihiram lamang sa atin ng Dios? At dapat nating maunawaan na hindi lahat ng kayamanan ay sa mabuti nagmumula. May mga kayamanan na sa masama nanggagaling.

Ang sabi ng Biblia, Psa 37:16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama. Hindi baleng kaunti lamang ang kinikita basta sa mabuting kaparaanan nagmumula. Hindi ba’t mas masarap kainin ang mga bagay na tunay nating pinaghihirapan? Sagana ang iba subalit sa masama naman nagmula, anong mukha ang ihaharap natin sa Dios?

Ang mga lingkod ng Dios ay marunong masiyahan anuman ang kaniyang tinatanggap. Ang importante, ang yaman na tinatangkilik ay siguradong buong pagtatapat na pinaghihirapan at hindi sa masama nanggaling. Mahalaga sa atin na matutunang magtiwala sa Dios lalo kung dumarating sa ating buhay ang mga hindi pangkaraniwang mga pagsubok.

Psa 37:3- 5 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat. Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso. Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

Ipinapayo ng Biblia na ang pagtitiwala sa Dios ang pinakamahalaga sa lahat. At kapag ito ay natutunan natin, maraming magagandang katangian ang tataglayin natin. Una, matututo tayong makuntento, masiyahan sa mga tinatangkilik natin. Ikalawa, matututo tayong magtapat sa ating mga trabaho o anuman ang ating ginagawa. Ikatlo, matututo tayong umasa sa Dios at huwag mabalisa sa maraming mga bagay. At higit sa  lahat, matututo tayong magsikap sa ating sariling pagpapagal at huwag umasa sa mga bagay na alam naman nating hindi mananatili.

Ano ang mangyayari sa mga masasama na gumiginhawa sa kasalukuyan?

Psa 37:7-13  Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya’y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan. Sapagka’t ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni’t yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain. Sapagka’t sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na. Nguni’t ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin. Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka’t kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.

Hindi dapat kainggitan ang mga gumagawa ng masama lalo na kapag sila ay gumiginhawa sa ngayon. Una, sapagkat ang yaman nga ay hindi naman mananatili sa kanila. Wala silang dadalhing anuman kapag sila ay namatay. At hindi ang kayamanan sa lupa ang dapat nating pakanasain, Alam nating mayroong kayamanan na dapat nating higit na pag-ukulan ng pansin. Ito ay walang iba kundi ang kayamanan sa langit.  Mat 6:19-20  Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

Ikalawa, may kaparusahang naghihintay sa kanilang mga nagsisipaggawa ng kasamaan para lamang magkaroon ng kayamanan. Pansinin natin ang sulat ni Apostol Santiago sa mga mayayaman. Hindi ukol ito sa lahat ng mayayaman, kundi  sa mga mayayaman lamang na nagpakayaman at nawalan ng panahon sa Dios. Ukol din ito sa mga mayayaman na yumaman dahil sa pang-aapi ng kapuwa at gumagawa ng kasamaan.

Jas 5:1-6   Magsiparito ngayon, kayong mayayaman, kayo’y magsitangis at magsihagulhol dahil sa mga karalitaan ninyong sa inyo’y darating. Ang inyong mga kayamanan ay mga bulok, at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng tanga. Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman. Kayo’y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw. Narito, ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid, na iniring ninyo sa pamamagitan ng daya, ay humihibik: at ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga hukbo. Kayo’y nangabuhay ng tamasa sa ibabaw ng lupa, at nangagalak;inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayanInyong hinatulan, inyong pinatay ang matuwid; hindi niya kayo nilalabanan.

Hindi mawawala ang parusa sa mga ganitong klase ng mga tao. Hindi ito dapat kainggitan.

Sa halip na managhili, pag-aralan natin ang magtiis. May gantimpalang nakalaan sa mga magtitiis.

Jas 5:7-11  Mangagtiis nga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagparito ng Panginoon. Narito, inaasahan ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na may pagtitiis, hanggang sa tanggapin ang ulang maaga at huli. Mangagtiis din naman kayo; pagtibayin ninyo ang inyong mga puso, sapagka’t ang pagparito ng Panginoon ay malapit na.  Huwag kayong mangagupasalaan, mga kapatid, laban sa isa’t isa, upang kayo’y huwag mahatulan; narito, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pinto. Kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at ng pagtitiis, mga kapatid, ang mga propeta na nagsipagsalita sa pangalan ng Panginoon. Narito, tinatawag nating mapapalad ang nangagtiis: inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang pinapangyari ng Panginoon, kung gaano ang lubos na pagkahabag at ang pagkamaawain ng Panginoon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers