Maraming kinikilalang dios ang mga tao. Subalit ang mga ito ay hindi tunay na mgadios. Ang mga hindi tunay na dios ay hindi lang naman nangangahulugan ng larawan, imahe o rebulto. Kapag sinabing diosdiosan, ito ang mga bagay o tao na pinahahalagahan ng marami nang higit sa pagpapahalaga na dapat sana ay iukol sa tunay na Dios.
Maraming mga tao ang ginagawang diosdiosan ng kanilang buhay ang kanilang mga kayamanan, bisyo, kalayawan, trabaho, negosyo, karangalan, kapangyarihan at maging ang kanilang mga mahal sa buhay. Higit nilang pinag-ukulan ng pagpapahalaga ang mga ito kaysa sa pagkilala at pagpapahalaga sa nag-iisang Dios.
Nakakalungkot, subalit mayroong mga hindi kumikilala sa tunay at nag-iisang DIOS. Mula pa sa pasimula, IISA lamang ang ipinakikilalang DIOS ng Biblia. Siya ang lumikha ng lahat ng mga bagay. Siya ang Dios ng Israel, na nag-alis sa kanila sa lupain ng pagkaalipin. Siya ang Dios na kinilala nina Abraham, Isaac, Jacob at ng mga anak ni Israel.
Isa 40:26-28 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang. Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko? Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.
Pinahahanap ang DIOS
Mula pa sa pasimula, makikita natin kung paano hinanap ng Israel ang Dios, sapagkat marami sa kanila ang nangaligaw sa mga palatuntunan ng Dios. Ang ilan nga sa kanila ay naligaw sa paglilingkod sa mga hindi tunay na dios. 2Ch 11:16 At pagkatapos nila, yaong sa lahat ng mga lipi ng Israel na naglagak ng kanilang puso nahanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsiparoon sa Jerusalem upang maghain sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang. At sa kanila’y iniutos na hanapin ang Dios - 2Ch 14:4 At iniutos sa Juda na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, at tuparin ang kautusan at ang utos.
Kaya ang Israel ay pumasok sa isang tipan upang hanapin ang Panginoon - 2Ch 15:12 At sila’y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa.
Ano ba ang halaga ng paghanap sa Dios?
Ano ba ang ipinangako sa mga taong magsisikap na hanapin ang Dios at Siya ay kanilang masumpungan?
Job 8:5-6 Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat; Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo’y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran. Ito ang ipinangako ng Dios sa mga magsisihanap sa Kaniya. Subalit, mapapansin natin na ang paghahanap ay kailangang mainam, ibig sabihin ay buong pagsisikap na paghahanap. Pansinin din nating sa paghanap sa Dios ay kailangang may kalakip na pagsisikap na magpakatuwid, magpakalinis sa harapan ng Dios sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga kasalanang nagagawa.
Sa panahon nating ito, paano ba hahanaping masikap ang Dios?
Kung mayroon mang awtoridad kung paano hahanapin ng tao ang Dios, ito ay walang iba kundi ang Kaniyang mga Banal na Kasulatan. Sapagkat sa mga Banal na Kasulatan natin masusumpungan kung paano ipinakilala ang tunay at nag-iisang Dios na dapat kilalanin, sampalatayanan at paglingkuran. At kung makilala natin ang Dios, magiging madali na natin Siyang masusumpungan.
Joh 5:39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.
Isa 34:16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka’t iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.
2Ti 3:15-17 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga Banal na Kasulatan ay masusumpungan natin ang Dios. Subalit maraming mga tao ang hindi naunawaan ang kahalagahan ng paghahanap sa Dios. Sobrang abala ang marami sa maraming mga bagay gaya ng paghahanapbuhay, negosyo at pansariling kaligayahan at kalayawan.
Kaya naman dahil dito, maraming mga pangyayaring nagaganap sa mundo ang pinagtatakhan ng maraming mga tao. Yaong mga nagtataka, sila yaong mga hindi nagkaroon ng pagkakataon sa kanilang buhay na hanapin ang Dios. Ang mga kasalukuyang kaganapan, gaya ng laganap na kasamaan, pagsapit ng sari-saring kaguluhan sa mundo, paglala ng kahirapan at karukhaan sa lahat ng panig ng daigdig, ang pagbagsak ng ekonomiyang pandaigdigan, pagkakaroon ng mga sakit at karamdamang halos walang lunas, pagkakaroon ng mga lindol at matitinding kalamidad sa iba’t ibang panig ng mundo, pagbangon ng mga sari-saring relihiyon na ang layunin ay hindi upang ipangaral ang katotohanan kundi gawing negosyo ang paglilingkod sa Dios, lahat ng mga ito ay nakasulat na sa mga Banal na Kasulatan malaong panahon na ang nakaraan.
At kung tuluyang hindi masusumpungan ang Dios sa ating buhay, paano magliliwanag sa atin ang mga kaganapang ito? Paano natin matatagpuan ang dahilan ng pagkakalikha sa atin ng Dios?
May Panahong Hindi na Masusumpungan ang Dios
Habang malaya pa tayong hanapin ang Dios, habang binibigyan pa tayo ng pagkakataon na masumpungan Siya, kailangang kumilos tayo at hayaang ang pananampalataya ay gumawa upang masumpungan ang tunay na Dios. Huwag nating akalain na walang hangganan ang lahat ng mga bagay.
Unang-una, lahat ng mga bagay sa lupa ay hindi natin dapat asahan, sapagkat ang lahat ng mga ito ay matatapos. Kung mayroon man tayong dapat pakaasahan ay yaong mga bagay na panlangit, mga bagay na hindi nakikita, mga bagay na walang hanggan, at mga bagay ng Dios na siyang maghahatid sa atin patungo sa Kaniya. Kung mayroon mang pagkakataon na hanapin ang Dios, ito ay walang iba kundi NGAYON, hindi bukas, hindi din balang araw, kundi ngayon. 2Co 6:1-2 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan. (Sapagka’t sinasabi niya, Sa panahong ukol kita’y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita’y sinaklolohan:Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan):
Ikalawa, napansin ba natin na karaniwan, ang mga tao’y tumatawag lamang sa Dios kapag dumadating sa kanila ang mga hindi pangkaraniwang bagay? Maraming mga tao ang tumatawag lamang sa Dios kapag may lindol, sakuna, sakit, kalamidad at iba pa. Subalit kapag maginhawa ang buhay na kanilang nararanasan, ay hindi man lamang makaalala sa Dios.
Sa Biblia ay masusumpungan natin ang pagtalikod ng Dios sa Israel bunga ng kanilang pagkakaroon ng ibang dios sa kanilang buhay. Ito ang naging dahilan kung kaya’t bagaman ang ilan sa kanila ay hinanap ang tunay na Dios ay hindi na nila Siya nasumpungan. Sapagkat bagaman hinahanap nila ang Dios ay taglay pa din nila ang espiritu ng pagsamba sa mga huwad na dios. Kaya kahit nag-aalay sila ng mga handog at sakripisyo sa Dios, sila ay hindi na kinalugdan ng Dios, tumalikod Siya sa kanila. Hos 5:5 -6 At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: kaya’t ang Israel at ang Ephraim ay mangatitisod sa kanilang kasamaan; ang Juda’y matitisod ding kasama nila. Sila’y magsisiyaong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan upang hanapin ang Panginoon; nguni’t hindi nila masusumpungan siya: Siya’y umurong sa kanila.
Bakit naging madali para sa Dios na Siya ay tumalikod sa Israel? Sapagkat ang Dios ay tumawag ngunit ang tao ay tumanggi, binigyan Niya tayo ng pagkakataong hanapin Siya ngunit marami sa atin ang nagwalang bahala sa panawagan ng Dios. Masisisi ba natin kung maging bingi ang Dios sa pagtawag na gagawin ng maraming mga taong nagwalang kabuluhan sa Kaniyang mga panawagan?
Pro 1:24-30 Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan: Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon. Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
Ang Panawagan
Ngayon ang Panahong ukol, ngayon ang araw na kung saan maaari nating hanapin at masumpungan ang Dios. Samantalahin natin habang may pagkakataon pa tayo. Isa 55:6 Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit:
Rom 13:11-12 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo’y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka’t ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo’y magsisampalataya nang una. Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.
At kung mayroon mang tayong dapat na tularan ay yaong tinutukoy sa pahayag ng propeta Isaias na sinasabi, Isa 58:2 Gayon ma’y hinahanap nila ako araw-araw, at kinalulugdan nilang maalaman ang aking mga daan: na gaya ng bansa na gumawang matuwid, at hindi lumimot ng alituntunin ng kanilang Dios, hinihingan nila ako ng mga palatuntunan ng katuwiran; sila’y nangalulugod na magsilapit sa Dios.
At kung masumpungan na ang Dios, hindi tayo dapat tumigil doon. Sapagkat hindi dito natatapos ang lahat, ang pasimula ng masiglang paglilingkod ay inaasahan sa atin ng Panginoong Dios. 1Th 2:9 Sapagka’t inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagdaramdam: amin ngang ipinangaral ang evangelio ng Dios na kami ay gumagawa gabi’t araw, upang huwag kaming maging isang pasanin sa kanino man sa inyo.
Tapat ang Dios, tapat Siyang nangangako na kung tayo ay masusumpungang nananatili sa matapat at masiglang paglilingkod ay hindi Siya liko para limutin ang lahat ng mga pagpapagal na ating ginagawa. At gaya nang Kaniyang ipinangako, ito din ang kakamtin ng magtatapat at maglilingkod hanggang sa kawakasan. Jos 1:8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka’t kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.
Mahigpit ang babala at tagubilin ng Dios sa lahat ng mga tao lalong lalo na sa Kaniyang mga lingkod. Kung hangad nating huwag mapahamak, sundin natin ang kalooban ng Dios. Iwan natin ang pansariling hangarin at ating tunguhin ang lalong mainam na bahagi mula sa ating Panginoon – ang Kaniyang pagliligtas at ang pagtatamo ng pangakong buhay na walang hanggan. Zep 2:2-3 Bago ang pasiya’y lumabas, bago dumaang parang dayami ang kaarawan, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon, bago dumating sa inyo ang kaarawan ng galit ng Panginoon. Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa kaniyang kahatulan; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan: kaypala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.