Eph 5:14 Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo. Eph 5:15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong; Eph 5:16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka’t ang mga araw ay masasama. Eph 5:17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Mahalaga para sa isang Kristiyano ang paraan kung paano mamuhay sa harap ng maraming mga tao at sa harap ng Dios. Payo ni Apostol Pablo na huwag maging mangmang- kundi unawain ang kalooban ng Dios. Isa sa kalooban ng Dios ay kung paano mamuhay ng karapatdapat ang isang tao.
Liliwanagan tayo ni Hesus kung gigising tayo sa pagkakatulog. Ang paggising sa pagkakatulog o pagbangon mula sa mga patay na kalagayan ay hindi literal o pisikal. Ang kahulugan nito ay espirituwal. Kapag ang isang tao ay nabubuyo sa kalayawan o kasalanan, bagaman siya ay buhay, siya ay patay sa paningin ng Dios (1Ti 5:6 Datapuwa’t ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama’t buhay ay patay).
Kaya ang kalagayan ng mga nagkakasala ay patay sa paningin ng Dios, at upang maging karapatdapat, kailangan ang pagbangon mula sa kalagayang ito. At ipinangako ni Hesus na ang liwanag ay Kaniyang ipagkakaloob sa sinumang magbabangon mula sa kalagayang yaon.
Sapagkat ang mga araw ay masasama. Pansinin natin ang kalagayan ng panahon natin sa ngayon. Hindi ba’t ang katotohanan ng Dios ay lubos na natatakpan ng maraming maling pagtuturo at kasinungalingan sa kasalakuyang panahon?
Masdan natin ang paligid. Tayo mismo ang makapagsasabi na sobrang sama na ng gawi ng mga tao. Nagkaroon ng katuparan ang mga hula ni Apostol Pablo tungkol sa uugaliin ng mga tao sa huling araw.
2Ti 3:1 Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. 2Ti 3:2 Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, 2Ti 3:3 Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, 2Ti 3:4 Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; 2Ti 3:5 Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.
Lahat halos ng kasamaang nagagawa ng tao ay bunga ng pag-ibig nito sa sarili.
Datapuwat bilang mga Kristiyano, bagaman naglipana ang maraming kasamaan sa sanlibutan na ito, kailangan nating paglabanan at pagtagumpayan ang lahat. Nalalaman natin na ang kapanahunan ay kombinasyon ng katotohanan o realidad, na kailangan natin harapin at labanan ang lahat ng uri ng lalang ng kasamaan at kawalang kabuluhan ng maraming mga bagay.
Kaya nga sinabi ni Apostol Pablo na alamin ang kalooban ng Dios. Bawat araw na dumadating sa ating buhay, hindi tayo dapat mahuli sa bitag ng diabloat makalimot sa Kaniyang mga habilin.
Dapat ay samantalahin natin ang lahat ng uri ng pagkakataon para makalikha tayo ng kabanalan, samantalang nakikita natin ang kasamaan sa sanlibutang ito. Hindi natin dapat sayangin ang bawat sandali, sapagkat hindi din naman tayo tiyak sa kalagayan ng ating mga buhay.
Mahalaga ang palagiang pakikipag-usap sa Dios sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, pag-aaral ng Kaniyang mga Banal na Salita at pagmumuni-muni o pagsisiyasat sa sarili. Ang pagiging Kristiyano ay ang mabuhay nang may kabanalan sa lahat ng aspeto ng buhay. Ito ang iniaaaral ni Apostol Pedro. 1Pe 1:15 Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
Kahabag-habag tayo sa lahat kung iwawalang kabuluhan natin ito at hindi natin magagawang samantalahin ang bawat pagkakataon, sapagkat ang bawat pagkakataon na kaloob ng Dios ay pagkakataon upang lalo tayong mapalapit sa Kaniya at mapalago ang ating mga pananampalataya.