Bawat Araw ay Nanganganib

Hinulaan na ng Biblia na sa huling kapanahunang ito ay magiging mapanganib.

Bunga ito ng pagbabago ng likas na ugali ng mga tao. Pangunahin dito ang pagiging maibigin sa salapi at sa sarili. At dahil sa pagiging maibigin sa sarili, kahit karumaldumal na bagay ay nagagawa na ngayon ng mga tao.

2Ti 3:1  Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.

2Ti 3:2  Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

2Ti 3:3  Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

2Ti 3:4  Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;

Bukod pa sa hinulaang ito ay magaganap, alam na ng mga lingkod ng Dios na ang buhay Kristiyano ay tunay na mapanganib. Hindi po layunin nito na takutin tayo. Totoo po na mapanganib ang buhay ng mga Kristiyano, subalit mauunawaan natin ang dahilan kung bakit at kung paano malalagpasan ang mga panganib na ito. 1Co 15:30  Bakit baga naman tayo’y nanganganib bawa’t oras?

Ang panganib na tinutukoy ng Biblia dito ay dalawang uri: Una, ay ang panganib na pisikal na maaaring maranasan ng sinuman, Kristiyano man o hindi ay nanganganib sa masasamang kaisipan ng mga tao. Sa kasalukuyan ay kailangang gawin ang pag-iwas sa mga naka-ambang panganib sa lipunan. Hangga’t maaari ay alamin ang sitwasyon ng dako na pupuntahan upang hindi mapahamak.

Ikalawa, ay ang panganib na espirituwal. Sa lahat ng saglit ay nalalaman nating ang panganib na mula sa diablo ay hindi titigil upang mapagtagumpayan tayo. May kakayahan ang diablo na pasukin ang ating mga kahinaan at doon niya tayo pupuntiryahin. Alam niya ang kahinaan ng bawat isa. At kung hindi natin palalakasin ang mga kahinaang ito, tunay na nasa bingit tayo ng panganib.

Kaya mabisang sandata upang hindi mapagtagumpayan ng diablo ay ang pagpapalakas ng ating pagkataong loob. Hindi nagkulang ang Banal na Espiritu ng Dios upang tayo ay hindi mapalakas. Nangangahulugang ang Dios ay handang tulungan tayo na magtagumpay laban sa mga lalang ng diablo. Eph 3:16  Upang sa inyo’y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;

Bilang mga Kristiyano, tungkulin din nating palakasin ang bawat isa. Hindi lamang sarili natin ang ating papalakasin kundi maging ang ibang kapatid na mahihina. 1Th 5:14  At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. Ang pagiging mahina ang loob ay hindi lamang nangangahulugan ng karuwagan o pagiging duwag o walang lakas para labanan ang anumang mabigat na bagay na dumadating. Kapag sinabing mahina ang loob ay maaari din itong mangahulugan ng pagiging mahina sa pananampalataya. At kapag ito ay naganap, sinuman ay maaaring magapi ng diablo.

Kaya naman, bawat araw at bawat sandali ay nanganganib tayo. Ito ay dahil sa laging naka-abang ang diablo sa lahat ng mga taong nagnanais na maglingkod sa Dios at lalong lalo na sa mga taong naglilingkod na sa Dios.

Pinakamabisa pa din ang pagmamatiyag, pagiging gising sa lahat ng oras, at palaging pakikipag-ugnay sa Dios sa pamamagitan ng panalangin, pagbabasa ng Biblia, pagdalo sa mga pagkakatipon, pakikinig ng Kaniyang mga salita, pagbubulay-bulay sa Kaniyang mga kabutihan at mga gawang makapangyarihan.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers