Pisikal man o espirituwal kung hindi natin iingatan ang ating puso, magkakaroon ito ng karamdaman.
Sa pisikal na kalagayan, ang puso ang isa sa pinaka-importanteng internal organ na mayroong trabahong mag-bomba ng dugong mayaman sa oxygen sa lahat ng living cell ng ating katawan. At upang patuloy niya itong magawa, kailangang patuloy siyang tumibok sa kabuoan ng buhay nating mga tao. At dahil sa importanteng papel na ito, ang pagtigil ng pagtibok ng puso ang sinasabing nagiging sanhi ng kamatayan. Ang puso ng tao ay nagbo-bomba ng halos 80,000 to 100,000 sa loob ng isang araw at halos 2,000 gallons ng dugo. Kaya kapag ang tao ay nabubuhay ng edad 70 hanggang 90 taong gulang, ang puso ay tinatayang tumitibok ng 2 hanggang 3 bilyong beses, at halos 50 hanggang 65 milyong gallons ng dugo ang bino-bomba nito.
Ang hindi maayos na pag-aalaga o pagbabantay sa puso ang karaniwang nagiging sanhi ng sakit sa puso ng maraming mga tao sa mundo. Kaya naman, maraming mga sangay ng lipunan ang nag-oorganisa ng mga awareness programs tungkol sa pag-iingat ng puso sapagkat napakadelikado na hindi maingatan ang puso. Sinasabing ang sakit sa puso ay isang traydor na sakit. Makakatulong ang wastong pagkain, palagiang ehersisyo, pag-iwas sa mga bisyo gaya ng sigarilyo at pag-inom ng alak upang maingatan ang puso.
Sa epirituwal na kalagayan, ang puso ay ang pagkataong loob ng isang tao – 1Pe 3:4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios. Ang puso ay mahalaga sa paningin ng Dios, sapagkat kapag Siya ay tumitingin sa ating mga tao, hindi siya tumitingin sa ating panlabas na katangian o anyo, sa puso natin nakatingin ang Dios gaya ng Kaniyang pagpili sa batang si David. 1Sa 16:7 Nguni’t sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka’t aking itinakuwil siya: sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
Hindi literal na puso ito sa loob ng ating mga katawan, kundi pagkataong loob na mahalaga sa paningin ng Dios. Upang bigyang liwanag, ipinahayag ni Apostol Pablo na tayong mga tao ay tumatanda at ang panlabas nating pagkatao ay humihina sa paglipas ng mga araw at panahon. Ngunit ipinahayag din niya na ang pagkataong panloob (na siyang puso), habang tumatagal at habang lumalalim ang pagkakabaon ng pananampalataya ay lumalakas naman ito. 2Co 4:16 Kaya nga hindi kami nanghihimagod; bagama’t ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni’t ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. May pagkakataong lumakas at mabago ang puso o pagkataong loob depende sa pag-aalaga na ginagawa nating mga tao.
Paano natin dapat bantayan ang ating puso (pagkataong loob)?
Taglay ng ating pagkataong loob ang mga pagnanasa (desires). At kadalasan, ang ninananasa nating mga tao ay pawang pakikipag-alit laban sa espiritu ng Dios. Ibig sabihin, ang karaniwang tinataglay ng ating mga puso ay pawang pagnanasang labag sa kalooban ng Dios, pawang salungat sa Kaniyang kalooban at pawang paglabag sa Kaniyang mga utos.
Sinabi ni Hesus, Mat 15:18-19 Datapuwa’t ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao. Sapagka’t sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong: Pinatototohanan dito kung gaano katinding pagkakasala ang nagagawa ng ating pagkataong loob (puso).
Kaya dahil dito, hindi sapat na hilingin natin sa Dios na ilayo tayo sa mga tukso, o ‘di kaya ay iiwas tayo sa mga kasamaan, ang kailangan nating hilingin sa Dios ay baguhin ang ating mga puso – sa kaloob-looban kung saan naroroon ang ating mga pagnanasa. Upang ang maging pagnanasa natin ay ang mga ayon lamang sa Kaniyang banal na kalooban.
Hiniling ni David, Psa 141:4 Huwag mong ikiling ang aking puso sa anomang masamang bagay, na gumawa sa mga gawa ng kasamaan na kasama ng mga taong nagsisigawa ng kasamaan: at huwag mo akong pakanin ng kanilang mga masarap na pagkain. Ang hiniling ni David ay palakasin ng Dios ang kaniyang puso, sapagkat kung ito ay lalakas, magagawa nitong umiwas sa masamang pagnanasa.
Bukod dito, hiniling din niya na bigyan siya ng Dios ng malinis na puso, isang pusong taglay ang matuwid na espiritu na handang sawayin ang lahat ng mga kamalian at masasamang pagnanasa na maaaring bumangon sa atin. Psa 51:10-11 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko. Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.
Gaya nang pisikal na puso, ang ating pagkataong loob ay posibleng bangunan din ng karamdaman, na kung hindi ito maiingatan, at kung hindi magtatamo ng kalakasang nagmumula sa Dios ay posibleng ikapahamak ng ating mga kaluluwa.
Makakatulong sa puso ang palagiang pananalangin at pakikipagusap sa Dios.
Makakatulong din ang palagiang pagpapakain dito ng kaniyang pagkain – samakatuwid baga ay ang mga salita ng Dios.
Makakatulong ang pagsasanay (ehersisyo) sa paraang sanayin ang puso na magnasa ng mga mabubuting bagay lamang at ayon sa kalooban ng Dios.
Bantayan natin ang ating mga puso. Iisa lamang ito gaya ng pisikal na puso, nakasalalay dito ang ikapagtatamo natin ng buhay na walang hanggan. At laging tandaan na dito lagi nakatingin ang Dios sapagkat mayroong malaking halaga sa Kaniya.