Ayon sa pakahulugan ng marami, ang tao ay “rational animal.” Ang ibig sabihin nito ay hayop na may kakayahang mag-isip. Ibinibilang ang tao bilang pinamaka-mataas na uri ng hayop. Ganito din ba ang pakahulugan ng Biblia sa tao? Ano ang inihahayag ng Biblia tungkol sa ating mga tao?
Gen 2:7 At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
Eze 18:4 Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
Ang tao ay nilikha ayon sa WANGIS ng DIOS, ayon sa Genesis 1.
Gen 1:26 At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.
Gen 1:27 At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.
Sa kapitulo 2 ng Genesis, inihahayag ang lalong detalye sa paglalang sa tao. Nilikha ng Dios ang tao mula sa bagay, “alabok ng lupa.” At ang tao ay naging kaluluwang may buhay. Walang binabanggit na ang tao ay nagtataglay ng immortal o walang kamatayang kaluluwa. Ang ganitong paniniwala ay hindi sinasang-ayunan ng Biblia at hindi Biblikal ang konsepto.
The LORD God formed the man from the dust of the ground and breathed into his nostrils the breath of life, and the man became a living being. (Genesis 2:7 NIV)
Ang salitang Hebrew ng tao ay (adam) ay katunog at malaki ang kaugnayan sa salitang Hebrew ng lupa na (adamah). At mula sa Biblia, ang kaluluwa ay pinakahulugan na mayroong katapusan o namamatay. Hindi ito immortal. Sinabi ni Hesus, “Mat 10:28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.”
ANG BUMUBUO SA TAO
Ang tao ay sinasabing nagmula sa larawan ng Dios, na siyang lumikha sa kaniya. Sa Biblia, tatlo ang malinaw na sangkap na bumubuo sa ating mga tao. Una ay ang tinatawag na “pagkataong labas.” Ito ang katawang nakikita at nahihipo, na ayon sa Biblia ay nagmula sa alabok ng lupa.
“And the LORD God formed man of the dust of the ground, and breathed into his nostrils the breath of life; and man became a living being [soul, KJV]” (Genesis 2:7).
Ano ang mangyayari sa katawang ito na nagmula sa alabok kapag ang tao ay namatay? Ang katawan ay babalik sa alabok kung saan siya kinuha. “Ecc 12:7 At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.”
Mula sa talatang Genesis 2:7, makikita natin ang ikalawang sangkap nating mga tao, ang espiritu o “hininga ng buhay.” Lahat ng taong nabubuhay ay mayroon nito. Ang espiritu ay nagmula sa Dios. Literal na hininga o espiritu ang tinutukoy dito. Sa Eclesiastes 12:7, nilinaw na kapag ang tao ay namatay, kung paanong babalik ang katawan sa alabok, ang espiritu naman ay magbabalik sa Dios na siyang nagkaloob nito.
Ang pangatlong elemento ay ang tinutukoy ni Apostol Pablo na “pagkataong loob” o “kaluluwa.” Ito ang sangkap na hindi nakikita ng tao, ni hindi din nahahawakan. Tinawag naman ito ni Apostol Pedro na “natatagong pagkatao” na matatagpuan sa puso ng tao. “1Pe 3:4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.”
But let it be the hidden man of the heart, in that which is not corruptible, even the ornament of a meek and quiet spirit, which is in the sight of God of great price. (I Peter 3: 4)
At kapag namatay ang tao, ang puso nito ay mamamatay din. Ang kaluluwa ay nananatiling nakakapit sa lupa o sa katawan ng tao. Hindi ito umaalis doon, gaya nang karaniwang paniniwala ng marami na ang kaluluwa ay naglalakbay at nagpapalakad-lakad dito sa daigdig.“Psa 44:25 Sapagka’t ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.”
Psa 44:25 For our soul is bowed down to the dust: our belly cleaveth unto the earth.
Magkakaugnay ang katawan, kaluluwa at espiritu, ngunit nagkakahiwa-hiwalay ito ayon sa Biblia sa takdang kapanahunan.“Heb 4:12 Sapagka’t ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.”
BAKIT NILIKHA NG DIOS ANG TAO?
May dahilan kung bakit nilikha ng Dios ang tao. Sa lahat ng Kaniyang mga ginagawa ay mayroong dakilang layunin. Bago pa man Niya tayo likhain ay mayroon nang plano o panukala. Ang panukalang ito ay nakalaan upang gawin ng bawat isa sa atin, bagay na hindi naunawa ng marami o di kaya naman ay kinalimutan. “Eph 2:10 Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran. “
For we are God’s workmanship, created in Christ Jesus to do good works, which God prepared in advance for us to do. (Ephesians 2: 10 NIV)
Pansinin natin na ang pangunahing layunin ng DIOS sa atin ay ang PAGGAWA NG MABUTI. Nakahanda na ang layunin na ito bago pa man tayo likhain ng Dios. At ito ang buong katungkulan nating mga tao. Ano ang tinutukoy na mabuti dito?
Ecc 12:13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.
Hindi lahat ng mabuti sa ating mga tao ay mabuti sa paningin ng DIOS. Kailangang makatiyak tayo na mabuti ng Dios ang ating nagagawa. Paano natin matitiyak na mabuti ng Dios ang nagagawa natin? Ano ang mabuti sa paningin ng DIOS? Sinabi ng Biblia na tanging ang mga kautusan ng DIOS ang mabuti para sa Kaniya. Kaya nga, ang pag-unawa at pagtupad sa Kautusan ang hinahanap Niyang mabuti na maaaring magawa nating mga tao. Maliban dito, ay wala nang nakikilalang mabuti ang Dios. Kaya kung hindi ito ang nagagawa nating mga tao, hindi ito ang mabuti para sa Dios.
Rom 7:12 Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
Kaya nga, mahalaga na maunawaan nating mga tao ang Kautusan ng Dios, sapagkat ang mga ito ay kailangan natin tuparin upang magawa natin o matupad natin ang LAYUNIN ng DIOS kung bakit tayo nilikha. Kung alam natin ang kautusan, at ginaganap natin ito, kung magkagayon ay natutupad natin ang layunin ng pagkakalikha sa atin.
Nang likhain tayo ng DIOS, hindi lamang buhay ang pinagkaloob Niya sa atin, ibinigay din Niya sa atin ang UNAWA. “Job 32:8 Nguni’t may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.” Kalakip ng unawa ay ibinigay din sa atin ng DIOS ang KALAYAANG MAGPASIYA – free will. Hindi Niya tayo ginawang parang mga ROBOTS na kung ano lamang ang naka-programa ay ‘yun lamang ang ie-execute. Tiniyak ng Dios na magkakaroon tayo ng kalayaang magpasiya at piliin para sa ating mga sarili kung ano ang inaakala nating makabubuti sa atin. At pagdating sa bagay na ikabubuti, hindi nagkulang ang DIOS na payuhan o paalalahanan tayo. Sapagkat sa bawat pagpapasya na ating gagawin o pipilliin, may kapalit na ang lahat o mayroong consequences.
Deu 30:19 Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;
Deu 30:20 Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka’t siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.
Nang ilagay ng Dios sa harapan natin ang buhay at kamatayan, pinayuhan tayo na piliin ang buhay, ngunti hindi nangangahulugan na wala na tayong kalayaan na tanggihan ito. Sa talatang ito, pinakikilala ang maaaring kapalit kung pipiliin ang buhay, at gayundin naman kung pipiliin ang kamatayan. Ang pagpili sa buhay ay nangangahulugan ng pag-ibig sa Dios, ang pagtupad sa Kaniyang mga utos, na siyang pangunahing tungkulin nating mga tao.
Ano ang magiging kapalit kung piliin ng tao ang kamatayan, sa halip na ang buhay ang piliin? Kapareho lamang ito ng tanong na, ano ang mangyayari kung hindi natin magagawa o matugunan ang layunin ng pagkakalikha sa atin ng DIOS?
Pro 1:24 Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
Pro 1:25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
Pro 1:26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
Pro 1:27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
Pro 1:28 Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:
Pro 1:29 Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
Pro 1:30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
Ito ang panawagan ng DIOS sa ating lahat, na malaman ang Kaniyang kalooban, samakatuwid ay ang maunawa at tuparin ang Kaniyang mga kautusan. Marami ang hindi hinanap ang kadahilanan ng pagkakalikha sa kanila ng Dios, sa halip ay ibang layunin ang ginawa- ang pansariling layunin. Ang naging bunga nito ay ang pagdami ng mga masasamang pangyayari na nararanasan ng tao sa buhay na ito. Marami ang naging kadalamhatian ng mga tao at ito ay bunga ng kanilang maling pagpili o pagpapasiya.
Sa araw ng paghuhukom, hahatulan ang tao ayon sa naging gawa at pagpapasiya niya sa kaniyang buhay. Kung mali ang landas na tinahak ng tao, tatanggapin niya ang kaparusahan, karapatdapat sa kamatayan.
Rom 1:21 Sapagka’t kahit kilala nila ang Dios, siya’y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.
Rom 1:22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,
Rom 1:23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
Rom 1:24 Dahil dito’y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:
Rom 1:32 Na, bagama’t nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.
Ngayon ay nasa atin ang kalayaang gawin ang bagay na gusto nating gawin, subalit huwag nating kalimutan na mayroong consequences sa lahat ng bagay na ating ginagawa.
Ecc 11:9 Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata: nguni’t talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan.
Ecc 11:10 Kaya’t ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan: sapagka’t ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.
ano ba yan pede ba ang tanong ko nalang ang i answer ninyo?
2010/09/01 at 2:22 pm
ano ba yan pede ba ang tanong ko nalang ang i answer ninyo?
REPLY: Ano po ba ang tanong ninyo? Pasensiya na po pero wala po kayong tanong na pumasok? Salamat po…