Bakit Kailangang Pahalagahan ang mga Pagkakatipon sa Dios?

(Heb. 10:25) Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

Ang bawat pagkakatipon ay mahalaga sa isang mananampalataya. Ang bawat pagkakatipon na ating dinadaluhan ay may layuning bigyang kapurihan at karangalan ang Dios. Kadalasan, ang mga pagkakatipong ito ay tinatawag nating mga pagsamba sa Dios.

Ngunit hindi naman nangangahulugan na ang mga pagkakatipong pagsamba ay kabuoan na ng ating mga pagsamba o paglilingkod sa Dios. Ang malaking bahagi pa din ng ating mga pagsamba sa Dios ay ang araw-araw nating pamumuhay at paglakad sa Kaniyang mga kautusan at mga palatuntunan.

Ang ating mga pagkakatipon na siya naman nating mga pagsamba ay pagkakataon  natin upang mahandugan ang Dios ng mga taus-pusong pasasalamat, pagpupuri at mga paglilingkod.

Ang wika ni Pablo, ang mga sumusunod ang mga karaniwang sangkap ng pagkakatipon: ( 1Cor. 14:26) Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo’y nangagkakatipon ang bawa’t isa sa inyo’y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.

Kaya naman, sa bawat pagsamba, naibibigay natin ang kapurihan sa pamamagitan ng pag-awit at panananalangin sa Dios. Ito din ang pagkakataon upang mapakinggan natin ang mga aral o ang Kaniyang mga salita. Ang mga tagapangaral ay nagiging kasangkapan ng Dios sa bawat pagsamba na ating dinadaluhan upang ating maunawaan ang mga kalooban ng Dios at mga bagay na hangad Niyang malakaran natin upang lubos na maging karapatdapat sa Dios.

Ito din ang tamang pagkakataon upang tayo ay maglinis sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanang ating nagawa sa mga nagdaang araw sa ating mga buhay. Hindi kaila sa atin, na tayo ay hindi naging karapatdapat sa Kaniya. Kaya ang pagkakatipon ay pagkakataon upang magsama-sama ang mga lingkod hindi lamang sa pagpapasalamat at pagpupuri kundi maging sa sama-samang paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan.

Kaya sinumang hindi nagpapahalaga sa mga pagkakatipong alay sa Dios, malaki ang nawawala sa kaniya. Nawawalan siya ng pagkakataong mabigyan ng kapurihan at karangalan ang Dios. Nawawalan siya ng pagkakataong mapakinggan ang mga ginituang aral na maghahatid sa kaniya sa kaligtasan. Nawawalan siya ng pagkakataon makapiling ang Dios sa pamamagitan ng espiritu. (Tandaan nating ang Dios ay nasa kalagitnaan natin sa panahon ng ating mga pagkakatipon - Mat 18:20  Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila)

Kaya sa pagharap natin sa Dios, pakaisipin nating ang pagsamba ay hindi para sa sarili natin inuukol kundi sa karangalan at kapurihan ng Dios. Hindi natin dapat isipin na para sa ating sariling kapakinabangan ang pagsamba. Ang pagsamba ay sa kapakinabangan ng Dios, upang Siya ay mapapurihan ng Kaniyang mga tapat na lingkod. ( 1 Cronica 16:29) Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.

At sa bawat pagkakatipon, sisikapin nating ang ating katawan ay maiharap nating buhay at kaaya-aya sa Kaniyang harapan. (Rom 12:1) Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.

Purihin ang Dios!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers