Maliit man o malaki, nanatiling pagsubok na matatawag ang kadalasang dumadating sa mga lingkod ng Dios. Ang mga ito ay kailangang maranasan ng bawat isa bilang mga mananampalataya.
Mayroong dahilan ang Dios kung bakit ang pagsubok ay dumadating. Kadalasan, kapag ito ay dumating, nagiging dahilan ito ng panghihina ng kalooban. Marami ang nawawalan ng pag-asa at pananampalataya kapagka minsan. Subalit sa mga mananampalatayang mayroong matatag na pagtitiwala sa Dios, ang pagsubok ay kanilang nalalagpasan.
Ang Dahilan ng Pagsubok
Ang pagsubok ay ibinibigay ng Dios upang mapatunayan ang katatagan ng pananampalataya ng Kaniyang mga lingkod. (Awit 66:10) Sapagka’t ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.
At upang sa kabila ng pagsubok na maranasan, masumpungan pa din ang kapurihan at karangalan ng Dios. Ito ay mangyayari lamang kung ang isang sinusubok ay ganap na naunawang ang dumating sa kaniyang buhay ay pagsubok lamang mula sa Dios at sa kabila noon ay nananatili siyang nagpupuri at naglilingkod sa Dios. Dito lalong nabibigyan ng kapurihan at karangalan ang Dios. (1 Ped. 1:6-7) Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok, Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
Ang pagsubok na dumadating sa atin ay nagtuturo upang taglayin natin ang pagtitiis sa buhay na ito. Mahalagang sangkap ng pananampalataya ang pagtitiis at kung wala ito, walang katatagan ang pananampalataya. (Santiago 1:3) Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.
Kaya naman, hindi dapat pagtakhan at ikagulat pa ang mga pagsubok na dumadating sa ating buhay. Kumbaga, dapat lagi natin itong pakaasahang darating sa atin sapagkat ang ating pananampalataya ay kailangang muli’t muling subukin ng Dios.
Isa sa makulay na kasaysayan sa Biblia ang kasaysayan ni Job, isang lingkod na matuwid at matatakutin sa Dios. Sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa kaniya, nanatili ang pagtatapat ni Job, sukdulang mawala ang lahat sa kaniyang buhay.
Larawan si Job ng katatagan ng pagtitiwala at pananampalataya. Larawan din si Job ng isang lingkod na nakapasa sa sunod-sunod na pagsubok. Para kay Job, “hindi lamang tayo tatanggap ng mabuti sa buhay na ito, tatanggap din tayo ng masasamang bagay o pangyayari.” At sa kabila ng kaniyang mga karanasan, pagpupuri pa din sa Dios ang naging laman ng kaniyang puso at kalooban.
Sino sa atin ang katulad ni Job at ng iba pang mga karakter sa Biblia na naging matatag anuman ang dumating sa kanilang buhay? Sila ay hindi kinakitaan ng kawalan ng pag-asa sapagkat taglay nila ang malaking pagtitiwala sa Dios.
Ipakita natin at maging hamon sa atin ang mga pagsubok na dumadating sa atin. Huwag tayong susuko na gaya nang naganap sa ilan. Kundi ating ipakita ang ganap at lubos nating pananampalataya sa Dios. Purihin ang Dios!