Bakit Hiniling ni David na Makatahan sa Bahay ng Dios sa Lahat ng Araw ng Kaniyang Buhay?

Hindi kaila sa atin na ang tinutukoy ni David na bahay ng Dios ay ang Templo ng Dios.

Psa 27:4 Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako’y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo.

Mababasa natin na hiniling niya na makatahan sa bahay ng Panginoon sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, upang mamalas ang kagandahan ng Panginoon at magusisa sa Kaniyang templo. Sa kaniyang panahon, ang bahay ng Panginoon ay ang kinaroroonan ng kaban ng Tipan na nasa mga tolda lamang. 2Sa 6:17 At kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kaniyang dako, sa gitna ng tolda na itinayo ni David: at naghandog si David ng mga handog na susunugin at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

2Sa 7:5-6  Yumaon ka at saysayin mo sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ipagtatayo mo ba ako ng isang bahay na matatahanan? Sapagka’t hindi ako tumahan sa isang bahay mula sa araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, hanggang sa araw na ito, kundi ako’y lumakad sa tolda at sa tabernakulo.

Hinangad ni Haring David na pagtayuan ang Dios ng templo o bahay na ukol sa Panginoon, subalit hindi ito nagkaroon ng katuparan sapagkat ang kaniyang kamay ay nagbubo ng dugo, kung kaya’t ang kaniyang anak na si Solomon ang nakapagpatayo nito. Maging sa mga aklat ng kasaysayan, sinasabing ang Unang Templo ay itinayo ni Haring Solomon sa pagitan ng 970 -930 B.C. Ito ang naging pangunahing dako ng paglilingkod ng mga Hudyo na siyang ipinalit saportable sanctuary (sapagkat palipatlipat lamang ito sa mga tolda) mula pa sa panahon ni Moises.

Ayon pa din sa tala ng kasaysayan ang templong ito ay nasira sa panahon ng pagka-alipin ng Israel sa emperyo ng Babilonia (586 B.C.) Ayon sa aklat ng Ezra, muling ipintayo ang templo (Second Temple) sa kautusan ni Cyrus the Great (538 B.C.) pagkatapos na bumagsak ang emperyo ng Babilonia. Natapos ito nang halos 23 taon sa panahon ng pamamahala ni Darius the Great (515 B. C.)

Noong 20 B.C. ipinagawa itong muli ni Herod the Great pagkatapos na malapastangan ito ng maraming beses at ito ay tinawag na Templo ni Herodes. Bagaman ang templo ay napasailalim ng emperyo ng Roma, ang mga Hudyo ang pinamahala dito. Kalaunan ang Templo ay muling sinira sa taong 70 A.D. Nabigo ang mga Hudyo na muli itong maipatayo sapagkat nabigo din ang kanilang mga pag-aaklas na ginawa laban sa emperyo ng Roma. Nang ang Herusalem ay sakupin ng mga Muslim noong ikapitong siglo, ipinatayo sa dako ng dating templo ang Islamic shrine na tinatawag nilang Dome of Rock.

Anuman ang naging takbo ng kasaysayan, mauugat natin na ang Templo ng Dios ay mahalagang dako na pinagdadausan ng mga paglilingkod ng mga unang naglingkod gaya nina Moises, David at iba pa. At para kay David na hari sa Israel, mahalaga ang templo sapagkat ito ang Bahay ng Panginoon. Dito nila ginagawa ang kanilang mga paghahandog sa Dios. Dito din sa dakong ito sila dumadalangin sa Dios.

Isa 56:7 Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka’t ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.

Bakit ganito ang naging damdamin ni David patungkol sa Bahay ng Dios? Bakit hiniling niya na tumahan dito sa lahat ng araw ng kaniyang buhay?

Dito ay makikilala natin kung anong klaseng lingkod ng Dios si David. Magugunita na para sa Kaniya ang Dios ay ang kaniyang pag-asa, tanggulan, moog, pastol at sa Dios inilalaan niya ang kaniyang buhay. Ang paghahangad ni David na tumahan sa bahay ng Dios ay sumisimbolo na ayaw niyang mahiwalay sa Dios. Ibig niyang ang natitirang mga araw sa kaniyang buhay ay gugulin na lamang niya sa mga paglilingkod sa Dios.

Sinabi ni David ang dahilan kung bakit ito ang hinihiling niya sa Dios - upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo. Dalawa ang dahilan niya kung bakit hinangad niya ito. Una ay upang malasin ang kagandahan ng Panginoon. Sapagkat sa templo ginagawa ang paglilingkod at paghahandog sa Dios, nalalaman ni David na ito ay kabanalan sa paningin ng Dios. At nalalaman din niya na ang kabanalan sa paningin ng Dios ay maganda, na kung sasambahin ng sinuman ang Dios, marapat na sambahin Siya sa kagandahan ng kabanalan. Hindi lahat ng maganda ay kabanalan sa paningin ng Dios, ngunit lahat ng kabanalan ay maganda sa paningin Niya. Psa 96:8-9  Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo’y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban. Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.

Samakatuwid, sa paningin ni David at sa paningin ng Dios, ang ginagawa sa Templo na mga paglilingkod ay maganda. At ito ang ibig na mamalas ni David, ang kagandahan ng paglilingkod na ginagawa sa bahay ng Panginoon.  Psa 110:3  Ang bayan mo’y naghahandog na kusa sa kaarawan ng iyong kapangyarihan, sa kagandahan ng kabanalan: mula sa bukang liwayway ng umaga, ikaw ay may hamog ng iyong kabinataan. Psa 29:2  Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: inyong sambahin ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan. 

Nalalaman ni David na sa bahay ng Panginoon niya matatagpuan ang kabanalan sapagkat ang “kabanalan” ay nararapat lamang sa bahay ng Panginoon (Awit 93:5- Ang iyong mga patotoo ay totoong tunay: ang kabanalan ay nararapat sa iyong bahay, Oh Panginoon, magpakailan man. )

Ikalawa, ang hangad niya ay magusisa sa templo ng Panginoon. Bakit paguusisa ang ibig ni David? Ang karaniwang alam natin sa paguusisa ay pagusyoso. Halimbawa, mayroon tayong lugar o bahay na pinuntahan, ibig nating usyusohin ang paligid ligid at lahat ng sulok nito. Ito ba ang kahulugan ng paguusisa ni David sa bahay ng Panginoon?

Sa Biblia, ang paguusisa ay pag-alam o pagsasaliksik ng mga bagay-bagay at ang kahulugan ng pahayag ni David ay ibig niyang alamin at saliksikin ang mga bagay ng Dios o ng mga kalooban ng Dios. Bakit sa bahay ng Dios dapat gawin ang paguusisa? Sapagkat ayon sa Biblia, sa bahay ng Dios matatagpuan ang Kaniyang mga kautusan. Sa literal na kalagayan, ang kaban ng Tipan na kinaroroonan ng mga kautusan ng Dios ay matatagpuan sa bahay ng Panginoon. At ang pahayag sa Ezra 7: 23 - “Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit.” 

Sa Bagong Tipan ang bahay ng Panginoon ay hindi lamang ang pisikal na Templo na nasa Herusalem. Ang iglesia ng Dios ayon kay Apostol Pablo ay ang bahay ng Dios na siyang haligi at suhay ng katotohanan. 1Ti 3:15 Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Diosna buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.

Gaya ng ating pagkaunawa sa pamamagitan ng Biblia, ang iglesia ay ang espirituwal na katawan ng Panginoong Hesus (Col 1:24 Ngayo’y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia;). Ito ang dako (hindi literal) na kung saan masusumpungan ang kapatawaran ng mga kasalanan (Col 1:14 Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan:)

Dito sa loob ng iglesia ng Dios inilagay ang mga tinawag na mga Apostol (1Co 12:28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.)

At kung mayroon mang pangulo sa bahay na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. (Heb 3:6 Datapuwa’t si Cristo, gaya ng anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan.)

Paghambingin natin ang bahay ng Panginoon na tinutukoy ni David sa Lumang Tipan at ang bahay ng Dios na tinutukoy sa Bagong Tipan. Ang bahay ng Dios sa Lumang tipan ay pisikal na templo o gusali – subalit doon sa dakong yaon gaya ng pahayag ni David ay mamamalas ang kagandahan ng Panginoon sapagkat doon ginagawa kadalasan ang lahat ng paglilingkod at mga pananalangin sa Dios. Dito din makikita at mauusisa ang mga kautusan ng Dios at ang Kaniyang mga kalooban.

Sa Bagong Tipan, ang iglesia ng Dios ay ang bahay ng Panginoon. Ang mga kaanib ng iglesia, gaya ng mga Apostol at ng mga unang tinawag dito ay ang bumubuo sa sangbahayang ito ng Dios.  Bawat samasamang sangkap ng iglesia ay ang Templo ng Panginoon. 1Co 3:16-17  Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.

Gaya ni David, sinumang mapabilang sa bahay ng Dios at makitahan dito ay makadadama ng kasiyahan. Sapagkat ang mapabilang sa bahay ng Dios ay nangangahulugan din ng pagkakatalaga sa tulad sa mga anak sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Eph 1:5-6  Na tayo’y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban, Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal: Joh 8:35 At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man.

At kung ibinibilang na anak, kung magkagayon ay nagkakaroon ng pagkakataon na maging tagapagmana ng pangako. Gal 3:29  At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako. 1Jn 2:25 At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

Kaya dahil dito, makikita natin kung paano pinahalagahan ng mga unang Kristiyano ang kanilang pagkakaugnay sa bahay ng Dios. Sapagkat nagawa nilang tiisin ang maraming kapighatian sa kanilang buhay. At bagaman nakararanas sila ng mga pagtitiis bunga ng kanilang karukhaan, nananagana pa din sila sa kagandahang loob sa pamamagitan ng pagtulong sa kapuwa, sa kapatid sa pananampalataya, at sa mga pangangaral ng mga salita ng Dios.

2Co 8:1-5  Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagka’t ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

At sa kabila ng maraming mga pagtitiis ay nanatiling matibay sa mga aral na tinanggap mula sa mga salita ng Dios. Act 2:42 At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin. Act 2:46 At araw-araw sila’y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso.

Ang ilan ay nanganib ang buhay subalit nanatiling matibay ang pananampalataya sa Dios. Ang ilan ay nakaranas ng matitinding pagsubok, panlilibak at maraming kaapihan subalit pinahalagahan pa din ang pananamapalatayang tinanggap mula sa Dios.

Heb 11:35-40  Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba’y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli: At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman: Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan; (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa. At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako, Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.

Gaya ni David at ng mga unang lingkod na nagpahalaga sa bahay ng Dios, inaanyayahan tayong masdan ang kagandahan ng Dios, usisain Siya sa Kaniyang bahay, sapagkat sa loob ng Kaniyang tahanan masusumpungan ang kapahingahan at kapayapaan ng ating mga kaluluwa at kalooban sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers