Kung minsan, sa mga kasamaang nakikita natin sa paligid, naiisip natin kung bakit hindi agad pinarurusahan ng Dios ang mga taong nagsisigawa ng mga kasamaan. Ano kaya ang dahilan ng Dios? Bakit hindi pinaparusahan agad ang mga gumagawa ng masasama?
Hindi kaila sa ating mga paningin na ang kasamaan ay nangingibabaw sa mundo. Ang katunayan nito ay ang mga nababalitaan natin sa radyo, pahayagan at telebisyon na mga sari-saring krimen na nagagawa ng mga tao. Tunay na ang sanlibutang ito ay minamaniobra na ng kasamaan. 1Jn 5:19 Nalalaman natin na tayo’y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama.
At upang lalong bigyang katunayan, maaaring tayo man ay dating inalipin ng kasamaang ito, na lumaya lamang tayo ‘pagkat niyakap natin ang pananampalatayang mula sa Dios. Eph 2:2 Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway;
Subalit sa kabila ng mga kasamaang naglipana sa sanlibutan, hindi maikakaila na marami ang nagtatanong kung bakit ang mga kasamaan ay patuloy na nagtatagumpay. Bakit hindi pa magwakas ang kasamaan sa sanlibutang ito? Bakit pinahihintulutan ng Dios na patuloy na makagawa ng kasamaan ang mga tao?
Ang sagot ng Biblia
Ang Dios ay pag-ibig. Siya ay puno ng kahabagan at pagpapatawad.
At dahil sa katangian ng Dios na ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga taong nagkakasala at nakagagawa ng masama upang magbago at magbalik-loob sa Kaniya. Ang hatol o parusa sa mga taong masasama ay hindi agad na ibinababa ng Dios ng langit upang mabigyang pagkakataon sila na magbalik sa Kaniya.
Ecc 8:11 Sapagka’t ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nangalalagak sa paggawa ng kasamaan.
Rom 2:4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
Hangad ng Dios na magkaroon ng pagkakataon ang lahat sa kaligtasan. Hangad Niya at kalooban Niya na magtamo ng kaligtasan ang mga tao. Subalit alam natin na hindi po lahat ng tao ay tinatanggap ang Kaniyang alok. May mga taong ayaw magbago, ayaw magsisi at magbalik-loob sa Kaniya.
Darating ang araw na itinakda ng Dios upang hukuman ang sanlibutang ito. Sa araw na itinakda na yaon ay hahatulan tayo ayon sa ating mga ginawa, maging ito man ay hayag o lihim sa maraming mga tao. Act 17:31 Sapagka’t siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito’y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya’y buhayin niyang maguli sa mga patay.
Ecc 12:14 Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama.
Habang binibigyan tayo ng pagkakataon ng DIOS, magbalik tayo sa Kaniya. Dakila ang Dios at sagana sa pagpapahinuhod at kahabagan. Hangad Niya na makasama tayo sa Kaniyang kaharian.
Huwag po nating hintaying mahuli ang lahat para sa atin. Papaano po magiging huli ang lahat?
Pro 1:24 Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
Pro 1:25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
Pro 1:26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
Pro 1:27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
Pro 1:28 Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:
Pro 1:29 Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
Pro 1:30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway: