Aral ng Biblia para sa mga Kabataan

Maraming mga taon ang lumipas, ang mundo ay kinakitaan ng kakaibang ugali lalo na sa mga kabataan. Isa sa mga ugaling nakikita lalo na sa kasalukuyan ay ang pag-ibig sa sarili o ang pagiging makasarili. Importante din naman na mahalin natin ang ating mga sarili, pero kung sobrang pagmamahal na sa sarili, hindi na ito makakabuti.

Saan man tingnan, mayroong depekto sa kultura ng maraming mga kabataan. Ang ugaling “ako muna” ay nagpasalin-salin mula pa noon hanggang sa ngayon. Bukod dito, isa sa itinuturo ng kulturang ito ay ang kaisipan na kapag nasa kabataan ay pagkakataon upang magpakasaya ng husto, at ang pagseseryoso ay para lamang sa mga matatanda o sa mga magulang. Kaya ang kaisipan nila, habang nasa kabataan ay dapat magpakasaya dahil sa pagtanda ay panahon para magtrabaho at magseryoso sa buhay.

Kung sasaliksikin ang Biblia, si Haring Solomon ay masyadong interesado tungkol sa maraming mga tanong ng buhay. Naging uhaw si Solomon upang saliksikin at unawain ang mga kadahilan tungkol sa lahat ng may kinalaman sa ating mga tao, ang gawi, kilos, ugali, salita, isip, pang-unawa at iba pa. At base sa kaniyang naging pag-aaral at konklusyon, bumangon ang maraming kawikaan na hanggang sa panahong ito ay pinagkukunan ng unawa at katuruan.

Pansinin natin ang pahayag sa Ecclesiastes 11:9-10; 12:1,

Ecc 11:9  Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata:nguni’t talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan. Ecc 11:10  Kaya’t ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan: sapagka’t ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.

Ecc 12:1  Alalahanin mo rin naman ang Maylalang sa iyo sa mga kaarawan ng iyong kabataan, bago dumating ang mga masamang araw, at ang mga taon ay lumapit, pagka iyong sasabihin, Wala akong kaluguran sa mga yaon;

Sa umpisa, aakalain natin na si Solomon ay pabor sa mga taong ang kaisipan ay dapat maglumagak ang puso ng mga kabataan sa mga pagsasaya. Subalit natalos natin na ang karunungan ni Solomon sapagkat sa huling bahagi ay kaniyang sinabi, nguni’t talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan.

Tama, sinabi nga ni Solomon na magpakasaya ang isang kabataan,  gawin ang anumang naisin, pero dapat mag-ingat din dahil lahat ng gagawin ng tao ay dadalhin sa kahatulan. Nagbibigay babala ang mga pangungusap na ito ni Solomon sa maraming mga kabataan. Nagbigay pay0 pa nga na alsin ang kapanglawan at kasamaan sa katawan upang maging karapatdapat sa Dios.

Malinaw ang babala ni Solomon.

Una, dapat nating maunawaan na ang Dios ay nagmamasid lamang at sigurado na lahat ng mga bagay na ating ginagawa ay dadalhin lahat sa kahatulan. Maaari tayong magsaya na hindi nagkakasala. Ang mabuting pagsasaya ay dapat hindi lumiliko sa kautusan ng Dios, at dapat ay makatutulong sa mga kabataan upang lalong mapalapit ang kalooban sa Dios. Hindi yaong pagsasaya na nagdudulot ng kaguluhan at pagkakasala na laganap sa kasalukuyang panahon.

Ang ikalawang babala, ay maunawaan na ang kabataan at kasariwaan ay walang kabuluhan. Mabilis lamang ang panahon, pero hindi lang naman ito ang kahulugan ng sinasabi ni Solomon, maaari din namang sabihing wala ngang kabuluhan ang pagiging kabataan, sapagkat ito ang karaniwang namalas niya sa kaniyang panahon. Maging sa panahon nating ito, maraming mga kabataan ang inaksaya ang kanilang mga buhay, at masasabing wala ngang kabuluhan ang kanilang buhay.

Ngunit kung gagamitin ang kabataan sa maayos at tumpak na paraan ng pamumuhay, magiging makabuluhan ito at magiging daan upang mapaunlad nito ang pagkatao.

Pansinin natin ang naging pahayag ni Solomon, na alisin ang kapanglawan sa puso. Siguro iniisip natin dito ay magpaksaya nang husto, ngunit hindi ito ang kahulugan nito. Manapa, inaatasan ang mga kabataan na alisin ang mga bagay na lalong magbibigay ng kapanglawan, mga bagay na maaaring sa ngayon ay nagdudulot ng saya ngunit pagkatapos ay nagdudulot naman ng kapanglawan.

Sa ibang salita, sinasabi niya na gamitin ang kabataan upang matutunang alisin ang mga bagay na magdudulot ng kapanglawan sa kalooban bunga ng pagnanasa at gawa ng laman.

Kaya nga sinabi ni Solomon na, alisin ang kasamaan sa katawan. Sa paraan lamang na ito makakaiwas sa kapanglawang maaaring idulot ng pansamantalang kagalakan dulot ng maraming kalayawan.

Ang pangatlong bagay, ang alalahanin ang Maylalang sa panahon ng kabataan. Pinapayuhan ni Solomon ang mga kabataan na gamitin ang lakas, ang kaisipan, pangarap, sa paggawa ng mabuti, sa paglilingkod sa Dios bago pa dumating ang panahon na humina na ang tao dahil sa katandaan, at mawalan na ng gana sa paggawa.

Dahil sa takbo ng buhay, maraming tao ang madaling mapagod habang lumilipas ang panahon. Kung hahanapin natin ang Dios samantalang nasa kabataan pa, mas madali na matutunan natin ang tamang pakikipag-ugnay sa Kaniya. At kapag dumating ang mga masasamang araw ng buhay, magkakaroon ng sapat na karunungan, lakas at pananampalataya ang isang tao palibhasa’y kabataan pa lamang ay ginugol na ang buhay sa paglilingkod.

Hinihikayat ni Solomon ang mga tao na hanapin ang Dios habang bata pa, habang hindi pa nalalason ang isipan ng maraming imoralidad ng lipunan, ng maraming kasamaan sa sanlibutang ito. Mas madali nga naman na iwasan ang kasalanan, kaysa sa alisin ang kasalanang nakasanayan na.

Kung hahanapin ang Dios habang bata pa, mas madaling maiwasan ang mga kapanglawan bunga ng kasalanan.

Subalit paano dapat hanapin ang Dios?

—- end of part 1 —-

Bahagi ng suliraning nakikita sa mga kabataan ngayon ay ang maling pakahulugan nila sa pagsasaya.

Walang biro! Maraming mga tao ang walang kamalay-malay na maraming mga kasiyahan na mayroong kinalaman ang diablo. Nakakatakot pero totoo.

Ang pinagmulan ng salitang “fun” ay mula sa isang matandang English word na ang kahulugan ay “to hoax, to play a trick on, to deceive.” Sa ibang salita ang kahulugan nito ay “to fool” o manloko ng kapuwa. Kapag may mga taong nagbibiro o nanloloko ng ibang tao, sa tingin nila ay natutuwa sa kanila ang ginagawan nila ng kalokohan o pagbibiro. Sa ngayon, marami ang nakakaisip na ang pagsasaya ay nagpapasimula sa pandaraya at panghihiya na nagbubunga ng katuwaan.

Marahil, bawat tao ay mayroong kanikaniyang pagkaunawa tungkol sa pagsasaya. Depende sa kinahihiligang gawin, para sa kanila ang kanilang mga ginagawa ay nagdudulot sa kanila ng kasiyahan.

Sa iba naman, ang ideya nila ng pagsasaya ay kailangang naiiba, kailangang sikat. Ang iba’y naghahanap pa ng mapanganib at kadalasan ay ikamamatay pa. Nakakagulat pero ito ang kasalukuyang ideya ng mga kabataan sa kasiyahan. Nagsisimula ito sa pag-inom ng nakalalasing na inumin, tapos sasamahan ng sigarilyo at mga ipinagbabawal na gamot, at kalaunan ay nauuwi sa bawal na pakikipagtalik, at paggawa ng mga illegal o immoral na mga gawain.

Kaya marami sa ngayon ang nauwi sa pagka-adik sa alak o di kaya ay sa bawal na gamot. Ang ibang mga kabataang babae naman ay maagang nabubuntis, at nauuwi sa pagpapalaglag o abortion. Sa iba’t ibang panig ng daigdig ay umaabot sa milyon ang bilang ng mga nagpapalaglag bawat taon. Malaking porsiyento din ng mga kabataan ang nahahawa ng mga sakit na kung tawagin ay sexually transmitted diseases. At lahat ng mga ito ay nagpasimula lamang sa inaakala nilang kasiyahan.

Para sa maraming mga kabataan sa kasalukuyan, ito ang ideya nila ng “fun.” Mapanganib kung gayon ang kanilang pagkaintindi sa kasiyahan.

Sinabi ni Solomon, Ecc 1:8  Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man ay nasisiyahan sa pakikinig. Kapag hindi napigilan ang bawat limitasyon, nasosobrahan ang marami sa kasiyahang kanilang ginagawa, hanggang sa umisip na sila ng mga bagay na inaakala nilang kasiyahan pa din subalit kalaunan ay nagdudulot sa kanila ng kalumbayan, sapagkat masama ang nagiging epekto ng bagay na kanilang nagawa.

Sinabi din ni Solomon, Pro 22:15  Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; nguni’t ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway. Ang hila ng kamangmangan at paggawa ng kasamaan ay hindi malayong gawin ng maraming mga kabataan, lalo na kung kulang sa saway at palo (disiplina ng magulang o ng mga nakatatanda).

May pagkakataon pa na nalilito ang maraming mga kabataan kung ano ang tama at ang mali. Kaya naman, hinihikayat ng Biblia ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, ituwid sa kanilang mga kamalian hangga’t may pagkakataon pang maituwid ang kanilang mga anak, na alisin sa kanilang puso ang kamangmangan at turuan ng mga karunungang mula sa Biblia kung paano ang tamang paraan ng pamumuhay.

Kapag hinayaan ang mga kabataan sa ganitong kalagayan, lalong magiging malala ang pagkiling nito sa inaakala nitong tama at kasiyahan lamang subalit kasamaan na palang maituturing sa paningin ng Dios. At dito nagiging mapanganib ang buhay hindi lamang ng kabataang yaon kundi maging ng kanilang mga kaibigan, mga mahal sa buhay at mga taong nasa paligid nila.

Isa pang babala, Pro 29:15  Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni’t ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina. Kahihiyan ng mga magulang ang mga anak na nagiging sakit ng ulo at walang ginawa kundi ang gawin ang mga bagay na kanilang ninanais, na hindi nila nalalaman ay lihis sa moralidad at kalooban ng Dios.

Ang talatang Kawikaan 29:18, Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni’t siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya, ay karaniwang ginagamit ng mga ministro o tagapangaral sa maraming sitwasyon, subalit ito ay tuwirang sa mga kabataan nakatuon. Laman ng talata na kapag ang tao ay nagkulang sa mga pangitaing ukol sa kabanalan at sa Dios, ang landas nitong tintungo ay sa kapahamakan.

Kaya nga, tungkulin ng mga magulang na pigilin at disiplinahin ang kanilang mga anak upang maaga pa lamang ay maituro na sa mga ito ang landas na dapat lakaran, ang daan o pintuan na makipot na dapat pasukin ng mga tao. Mat 7:13  Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Mat 7:14  Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

Pansinin natin, sa kalahati ng talata ni Solomon, nguni’t siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya. Ipinakikita niya dito na ang tanging paraan upang masumpungan ang kaligayahan o pagsasaya na katanggap-tanggap sa Dios ay sa pamamagitan ng pag-iingat ng kautusan ng Dios. Ito ang tunay na kasiyahan ng mga lingkod ng Dios at hindi ang natutunang kasiyahan ng maraming mga kabataan sa kasalukuyang panahon.

Ang tunay na ligaya ay nangangahulugan ng pagpapala o blessing, kaya sinumang nag-iingat ng kautusan ng Dios ay tumatanggap ng pagpapala mula sa Dios. Kung iingatan ng mga kabataan ang kautusan ng kanilang mga magulang at ang kautusan ng Dios, tunay na sila ay makakasumpungan ng kasiyahan.

Kaya lang, sa kasalukuyan ay nadadala ang maraming kabataan sa udyok ng kanilang mga kaibigan kung kaya’t nahihikayat sa mga kalayawang nagdudulot ng pansamantalang aliw ngunit kapanglawan naman kapagdaka ang bunga.

Kaya naman lalong dapat imarka ng mga magulang sa kanilang mga anak na ang kahulugan ng sanlibutang ito tungkol sa kasiyahan ay mali at ikapapahamak. Habang maaga ay dapat na imulat ang mga bata kung paano bibigyan ng kasiyahan ang Dios na lumikha sa lahat, at magagawa nila ito kung bibigyan nila ng kasiyahan ang kanilang mga magulang. Exo 20:12  Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

 

—-end of part 2 —-

 

Sa kapitulo 2 ng Ecclesiastes, mababasa natin ang karanasan ni Haring Solomon nang siya ay nasa kabataan pa lamang.

Naitala ang mga ito, hindi upang tularan kundi nagtuturo ito sa bawat isa na hindi dapat maging bahagi ng ating buhay ang mga karanasang ito ni Haring Solomon. Isinama ito sa Biblia upang magsilbing halimbawa at magturo sa atin ng magandang aral, upang maiwasan natin ang kapanglawang dulot ng kaniyang mga karanasan.

Sinabi ni Haring Solomon, Ecc 2:1  Sinabi ko sa aking puso: Pumarito ka ngayon, Susubukin kitang may kasayahan; kaya’t magsawa ka sa kalayawan: at narito, ito rin ay walang kabuluhan.

Malinaw ang konklusyon ni Solomon, “walang kabuluhan” ang ganitong pamumuhay, na gugulin ang buhay sa kasayahan at sa kalayawan. Wala itong buting maidudulot, walang pakinabang.  Sa huli, wala namang napala si Solomon sa pagkiling niya sa mga kalayawan ng buhay.

Sinabi pa niya, Ecc 2:2  Aking sinabi tungkol sa tawa, Ito’y ulol: at sa kasayahan, Anong ginagawa nito? Ang inaakala ng maraming kabataan na masarap ang makisabay sa pamumuhay ng mayayaman at maka-sanlibutan ay tinuturing ni Solomon na kaululan o kabaliwan. Kapag ang nasa isipan ay pawang kalayawan na lamang ay ibinibilang niyang isang uri ng sakit. Sa karanasan niya, ito ay walang kabuluhan sapagkat wala naman siyang napala sa mga ito.

Kaya upang masiyahan siya, sinubukan niyang pag-aralan at saliksikin kung paano magkakaroon ng kabuluhan ang kaniyang mga ginagawa. Sa mga talatang 3 hanggang 10, itinala niya ang mga bagay na kaniyang pinaggagagawa sa pamamagitan ng kaniyang kayamanan at kapangyarihan.

Ecc 2:3  Aking siniyasat sa aking puso na kung paanong masasayahan ang aking katawan sa pamamagitan ng alak, pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking puso at kung paanong hahawak sa kamangmangan, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na marapat nilang gawin sa silong ng langit sa lahat ng mga kaarawan ng kanilang buhay. Ecc 2:4  Gumawa ako sa ganang akin ng mga malaking gawa; nagtayo ako sa ganang akin ng mga bahay; nagtanim ako sa ganang akin ng mga ubasan; Ecc 2:5  Gumawa ako sa ganang akin ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sarisaring puno ng kahoy na nagkakabunga: Ecc 2:6  Gumawa ako sa ganang akin ng mga tipunan ng tubig, upang dumilig ng gubat na pagtatamnan ng mga puno ng kahoy: Ecc 2:7  Ako’y bumili ng mga aliping lalake at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay; nagkaroon din naman ako ng mga malaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: Ecc 2:8  Nagtipon din ako sa ganang akin ng pilak at ginto, at ng tanging kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan: nagtatangkilik ako sa akin ng mga lalaking mangaawit at mga babaing mangaawit, at ng mga kalayawan ng mga anak ng mga tao, mga sarisaring instrumento ng musiko iya’y totoong marami.

Ecc 2:9 Sa gayo’y naging dakila ako, at lumago ako ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: ang akin namang karunungan ay namamalagi sa akin. Ecc 2:10  At anomang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait: hindi ko pinigil ang aking puso sa anomang kagalakan, sapagka’t nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking bahagi na mula sa lahat kong gawain.

Wika nga, “sinagad” ni Solomon ang kaniyang buhay sa paggawa ng lahat ng bagay na kaniyang maibigan. Marami din siyang ginawang tunay na kamangmangan. At dahil may kayamanan, gumastos siya nang husto sa kahit anong maibigan ng kaniyang puso. Sapat ang mga talata sa itaas para maintindihan natin and karamihan ng mga bagay na kaniyang pinaggagagawa.

Sa talatang Ecc 2:11, Inilarawan niya ang lahat ng kinauwian ng kaniyang mga gawa. Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.

Ang lahat ng mga ito ay sinubukang gawin ni Solomon upang pag-aralan nang husto ang buhay, at ang kaniyang sariling buhay ang ginamit niyang instrumento upang maintindihan ang lahat. Hindi nangangahulugan na kailangang ulitin natin ang lahat ng kaniyang mga pinagdaanan. Sapat nang maintindihan  natin na ang buhay niya ay aral na dapat nating matutunan.

Matamo man natin ang lahat, magawa man natin ang pinakamagaling sa buhay na ito at maging dakila man tayo, gaya ni Solomon, nakita niyang lahat ng mga bagay ay nananatiling walang kabuluhan. Sa huli, anong pakinabang ng lahat ng ating mga pagsisikap?

Bagaman sinubukan ni Solomon ang lahat, nanatili ang kaniyang karunungan, upang maituro sa ating lahat ang kaniyang mga natutunan sa lahat ng kaniyang mga ginawa. Ang Dios ang nagkaloob ng karunungan na ito sa kaniya sa buong panahon ng kaniyang buhay, anuman ang kaniyang mga ginawa. (1 Hari 3: 5-14)

Nanlulumo, inulit ni Solomon ang kaniyang konklusyon sa talatang Ecc 2:17  Sa gayo’y ipinagtanim ko ang buhay; sapagka’t ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin: sapagka’t lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala. Lahat ng kaniyang mga gawa ay pawang nagdulot sa kaniya ng kapanglawan.

Ano ang dahilan at walang kabuluhan ang lahat ng kaniyang mga gawa?

Simple lamang ang kasagutan. Ang lahat ng kaniyang mga pagsasaya at mga kalayawang ginawa ay walang kabuluhan sapagkat ginawa niya ang lahat ng mga yaon sa pamamagitan lamang niya at walang kinalaman ang Dios.

Sa buhay na ito, nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan kung mayroon tayong Dios, at kung sa lahat ng ating mga ginagawa ay kasama natin ang Dios. Ang Dios ang nagbibigay kabuluhan sa ating mga gawa, ito man ay pagsasaya, tagumpay, pag-unlad at anumang ating ginagawa. Kung wala ang Dios sa ating buhay, ang lahat ng mga bagay sa ating buhay, ito man ay tagumpay sa kayamanan at kapangyarihan, lahat ay nawawalan ng kabuluhan at mapapawi sa takdang panahon.

Kaya sa Ecclesiastes 2:24-26, sinabi ni Solomon ang kaniyang payo,

Ecc 2:24  Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios. Ecc 2:25  Sapagka’t sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin? Ecc 2:26  Sapagka’t ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni’t ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

Ang isang taong nabubuhay nang matuwid, na ginagawa ang lahat ng tama at mabuti sa paningin ng Dios, ay magtataglay ng karunungan at mararanasan ang tunay na kagalakan.

Samantala, kung nag-iibig tayong mabuhay na may kasiyahan, ito ay mararanasan lamang natin kung ang Dios ay nasa atin. Maliban dito, ang buhay ay walang kabuluhan. Sinumang nakakaintindi ng tunay na buhay na ito ay mabubuhay na may kabanalan sa paningin ng Dios. Kung magagawa nating tanggapin ang katotohanang ito, samantalang tayo ay mga bata pa, ibayong kapanglawan ang maliligtasan natin.

 

—end of part 3 —

 

Pro 15:21  Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni’t pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.

Itinuturo dito ni Haring Solomon na kapag ang tao ay gustong magsaya, karaniwan ay nagpapakamangmang ito sa kaniyang sarili. Sapagkat karaniwan, nag-iisip ang tao ng mga bagay na kamangmangan para lamang lumigaya.

Tatandaan natin na ang tunay na kahulugan ng “joy” o katuwaan ay iba sa kahulugan ng kalayawan o “pleasure.” Ang tunay na katuwaan (mababasa sa Galacia 5:22), ay bunga ng Espiritu ng Dios, at ito ang katuwaan na ibig Niyang taglayin natin nang sagana sa ating mga buhay (Roma 15:13), na magagawa lamang sa paggawa ng mabuti at hindi ng mga kalayawan.

Ang ideyang ito ay matutunghayan sa kawikaan, nguni’t pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad. Ang tunay na nakakaunawa tungkol sa buhay ay mabubuhay na may kabanalan sa Dios, at sila ang tunay na nagtataglay ng tunay na kagalakan na sinisikap matamo ng iba sa pamamagitan ng kamangmangan ng kalayawan.

Sinabi ni Solomon, Pro 29:18  Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni’t siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya. Kapag ang tao ay walang unawa tungkol sa kung ano ang tama at mali, kadalasan nauuwi ito sa paghahanap ng kasiyahan na nagdudulot ng ibayong kapanglawan.

Katangian na ng mga kabataan na malito at hindi maintindihan kung ano ang tunay na ligaya at ang katuwaang dulot ng kalayawan. Kung minsan, ang karunungan o unawa na maintindihan ito ay natututunan sa karanasan o di kaya ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Dios.

Subalit kapag bata pa ay natalos na ang kahulugan ng tunay na ligaya, ililigtas nito ang kaniyang buhay sa mga kapanglawang naka-amba sa kaniya.

Kailangang maaninaw natin ang magiging resulta ng bawat bagay na ating ginagawa. Deu 32:29  Oh kung sila’y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas!

Ang maraming kamangmangan na karaniwang ginagawa ng maraming mga kabataan sa ngayon ay masama ang nagiging resulta, gaya nang pagkakulong, pagkabuntis, pagpapalaglag, pagguho ng kinabukasan at iba pa. Ang paggawa ng kasalanan ay may kapalit, may kabayaran at may kaparusahan.

Ang mga taong nag-ingat sa kanilang sarili na huwag maging bahagi ng mga ito ay maraming napupulot na aral. Ang iba ay nabubuhay ng payapa, na nagagawang ipagmalaki ang kanilang kabataan, na hindi nila pinagsisihan ang kanilang kabataan sapagkat inukol nila ito sa paglilingkod sa Dios.

Bukod dito, alam ba natin na kung sasaliksikin natin ang Biblia, karaniwan kapag tumatawag ang Dios ng mga maglilingkod sa Kaniya, ay nasa kabataan ang gulang? Maraming naidudulot na kabutihan ang pagiging kabataan. Taglay ng kabataan ang kalakasan, ang ideyalismo, pagiging masikap, mapagpatuloy, matiyaga, matapang at walang takot na gawin ang anumang bagay sa buhay na ito. Itong mga katangian na ito ang ginagamit ng Dios sa mga kabataan.

Ilan sa mga kabataang natala sa Biblia ay ang mga sumusunod:

  1. Si Jose ay halos 17 taong gulang nang maglingkod sa Dios. Nagawa niyang talikuran ang tukso ng asawa ni Potiphar. 30 taong gulang siya nang gawin siyang tagapangasiwa sa Egipto.
  2. Si Samson ay nasa kabataan din ng gawin siyang Hukom sa Israel at ginamit siya ng Dios upang kastiguhin ang Israel.
  3. Si Samuel ay musmos pa lamang nang siya ay piliin na ng Dios. Itinagubilin siya sa Dios nang kaniyang ina na si Hannah at kalaunan ay naging propeta ng kataastaasang Dios.
  4. Si David ay musmos pa lamang nang talunin ang higanteng si Goliath.
  5. Ilan pa sa mga ito ay sina Ruth, Isaias, Jeremias, Ester, Daniel at ang kaniyang tatlong kaibigan na pawang nagpakita ng katapangan at pananampalataya sa kanilang kabataan.
  6. Maging ang mga Apostol ni Hesus ay sinasabing nasa kabataan ang gulang nang sila ay tawagin.
  7. Si Hesus ay nagpakita nang halimbawa sapagkat nasa kabataan nang mangaral

Kaya nga, masasabi natin na ang Dios ay nagagalak na tawagin ang mga kabataan upang maglingkod sa Kaniya. Kung nagawa ng mga unang mananampalataya na tugunin ang pagtawag ng Dios sa kanilang buhay, magagawa din kaya natin ito sa panahong ito? May lakas at tapang din ba tayo na tugunin ang pagtawag ng Dios?

 

— end of part 4 —

 

Ang Paghahanap sa Dios

Paano nga ba dapat hanapin ng isang kabataan ang Dios?

Ang paghahanap sa Dios upang Siya ay paglingkuran ay isang pribadong aspeto ng buhay, ito ay sa pagitan ng Dios at nang isang taong gustong maglingkod sa Kaniya. Gayunpaman, ang resulta ng pagsasaliksik sa Dios ng isang tao ay makikita ng publiko o ng mga tao sa pamamagitan ng mga pagbabago sa buhay na ipinakikita ng taong yaon.

Mapapansin ng mga taong nasa paligid ang pagbabago sa kilos, sa pananalita at sa mga pakikisama sa kapuwa tao. Mat 3:8  Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi: Ipinakikita ang bunga ng pagbabago sa pamamagitan ng pagsisisi.

Sa katotohanan, hindi sa atin nagpapasimula ang paghahanap sa Dios, manapa, ang Dios ang gumagawa ng kaparaanan upang magpasimula ang relasyon sa Kaniya, sa pamamagitan ng Kaniyang pagtawag. Joh 6:44  Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking ibabangon sa huling araw.

Maaaring ang isang tao ay nagsasabing seryoso siya na hinahanap ang Dios, subalit hindi ito magkakaroon ng katuparan kung hindi niya bubuksan ang kaniyang puso at kalooban sa mga salita ng Dios. Samantala, mapalad naman ang mga anak ng mga mananampalataya na, sapagkat nagkakaroon sila ng awtomatikong pagtawag mula sa Dios sapagkat ang kanilang mga magulang ay kinahabagan na ng Dios.

 

Kapag nabuksan na ang kalooban at isipan ng isang tao sa mga salita ng Dios, ano ang magaganap?

Sinasabi sa Isaias 51: 1-2, 7,

Isa 51:1  Kayo’y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo. Isa 51:2  Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka’t nang siya’y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.

Isa 51:7  Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran,bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.

Ang mga talatang ito ay nagbibigay sa atin ng maliit na panuntunan kung paano dapat hanapin ang Dios. Sa unang talata, nagpapahayag ang Dios sa “nagsisihanap sa Panginoon,” na “nagsisisunod sa Kaniyang katuwiran.”

Samakatuwid, sinumang humahanap sa Panginoon ay sumusunod sa Kaniyang katuwiran. kaya kung ibig ng sinuman na magkaroon ng ugnayan o relasyon sa Dios, hahanapin niya ang Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Dios.

Sinundan ito ng payo ng Dios, magsitingin kayo sa malaking bato. Ang malaking bato ay simbolo ng Panginoong Hesus (1Co 10:4  At lahat ay nagsiinom ng isang inumin ding ayon sa espiritu; sapagka’t nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo.), kaya nga, ang paglakad sa mga iniwanang halimbawa ni Hesus ay isang kaparaanan upang hanapin ang katuwiran ng Dios.

Ang ikalawang kahulugan ng talata, na binigyang daan dito ay nang banggitin sina Abraham at Sarah sa ikalawang talata. Ipinayo sa atin na pag-aralan natin ang naging buhay ng mga matuwid na mananampalatayang naunang naglingkod sa atin gaya nila Abraham.

Sa Isaias 51:7, ipinapahayag dito ang mga taong inilagay sa kanilang puso ang Kautusan ng Dios. Nagaganap ang ganitong kalagayan kung ang isang tao ay mag-aaral ng mga salita ng Dios at isasakabuhayan ang mga salita sa kaniyang buhay. Nagaganap ito sa pamamagitan ng malalim na pakikipag-ugnayan sa Dios.

Sa Isaias 55: 1-3, 6-7 ay mababasa natin ang paanyaya upang magkaroon ng saganang pamumuhay.

Isa 55:1  Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig at siyang walang salapi; magsiparito kayo, kayo’y magsibili, at magsikain; oo, kayo’y magsiparito, kayo’y magsibili ng alak at gatas ng walang salapi at walang bayad. Isa 55:2  Ano’t kayo’y nangaggugugol ng salapi sa hindi pagkain? at ng inyong gawa sa hindi nakabubusog? inyong pakinggan ako, at magsikain kayo ng mabuti, at mangalugod kayo sa katabaan. Isa 55:3  Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa akin; kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay: at ako’y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, sa makatuwid baga’y ng tunay na mga kaawaan ni David.

Isa 55:6  Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit: Isa 55:7  Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.

Kung papasimulan nating hanapin at sundan ang Dios, hindi sapat na makinig sa Kaniyang mga salita at matutunan ang mga ito. Sinasabi na kailangan nating tawagan ang Dios sa pamamagitan ng panalangin. Ito ay upang lubos nating makilala ang Dios.

Kailangan din nating pagsisihan ang ating mga nagawang kasalanan sa nakaraang panahon ng ating buhay upang masumpungan natin ang Kaniyang kapatawaran. Ang tamang pagsisisi ay ang pagtalikod sa mga kasalanang ating ginawa at mangangakong hindi na ito uulitin.

Pansinin din natin ang sinabi ng Dios, Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; Nais ng Dios na linisin ang ating mga kasalanan sa dalawang kaparaanan: una ay sa pamamagitan ng lakad (mga gawa) at ikalawa ay ang ating mga pag-iisip (laman ng puso at kalooban). Panlabas at panloob ang nais ng Dios na linisin sa atin.

Sa Zefanias 2: 1-3 ay sinasabi,

Zep 2:1  Kayo’y magpipisan, oo, magpipisan, Oh bansang walang kahihiyan; Zep 2:2  Bago ang pasiya’y lumabas, bago dumaang parang dayami ang kaarawan, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon, bago dumating sa inyo ang kaarawan ng galit ng Panginoon. Zep 2:3  Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa kaniyang kahatulan; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan: kaypala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.

Payo ng Dios na “hanapin Siya, NGAYON,” hindi bukas o balang araw kundi NGAYON. Hindi natin alam kung ilang panahon na lang ang nalalabi sa atin. Naniniwala tayo na nalalapit ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesus, kaya hindi dapat magwalang bahala tungkol sa paglilingkod natin sa Kaniya. Hanapin na Siya ngayon, habang may pagkakataon sapagkat masasama ang mga araw.

Kaya naman sinabi ng Dios sa Israel, Amo 5:4  Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo’y mangabubuhay; Hindi pisikal na buhay ang tinutukoy dito ng Dios kundi buhay na walang hanggan, espirituwal na buhay.

At kaniyang ipinahayag sa Amos 5: 14-15,  Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo’y mangabuhay; at sa gayo’y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.  Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo’y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.

 

Sa pamamagitan ng Iglesia, na siyang binhi na nalabi sa Kaniyang mga tinawag na lingkod, makakalad tayo sa panibagong buhay. Kaya naman, ganito na lamang ang paanyaya ng Dios sa ating lahat, hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa lahat ng mga taong naghahangad na maging karapatdapat sa Kaniya.

At sa mga kabataan, nasa atin ang lahat ng pagkakataon, lakas at tapang upang ipamalas sa Dios ang ating wagas na paglilingkod.

Psa 71:17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.

-end-


 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers