Ano ang mga Sangkap na Dapat Patayin?

Col 3:5  Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya’y pagsamba sa mga diosdiosan;

Hindi literal o pisikal na parte ng katawan ang pinapapatay o pinapaalis sa atin kundi ang mga masasamang mga gawa na nagagawa ng ating mga sangkap. Bakit kailangang gawin ito? Bakit kailangang patayin ang mga masasamang gawang ito?

Una sa lahat, tayo ay binuhay na sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesus. Col 3:3  Sapagka’t kayo’y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios. Ibig sabihin, binigyan tayo ng pagkakataon ng Dios para makalakad sa panibagong buhay. Dati tayong mga makasalanan sa paningin ng Dios ngunit binuhay tayo sa pamamagitan ng Bautismo. Rom 6:4  Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.

Kung lumalakad tayo sa panibagong buhay, ibig sabihin hindi na natin dapat ginagawa ang mga bagay na dati nating ginagawa, lalo na ang mga bagay na magiging daan ng ating mga pagkakasala. Tama ba na maging alipin pa ng kasalanan kung binuhay nang muli ng ating Panginoon mula sa pagkakasala? Rom 6:6  Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; Patutunayan natin sa harap ng Dios na ang buhay na ating ipinamumuhay sa kasalukuyan ay naayon sa kalooban ng Dios, samakatuwid baga ay sa lubos na pagtalima sa Kaniyang mga batas at palatuntunan.

Pansinin natin na ang mga kasalanang pinaaalis sa atin ay ang mga kasalanang karaniwan sa marami sa atin (pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman). Mga uri ito ng kasalanan na kung tawagin ay mga kasalanang pang laman. Karaniwan, ang mga tukso sa ibabaw ng lupa ay hihilahin tayo para magkasala ng pakikiapid, karumihan, masamang pita, masamang nasa at kasakiman. Maraming mga tao ang ganito ang kahinaan – sa laman at sa pangangailangan ng laman.

Pinapayuhan tayo ng Biblia na hindi na tayo dapat pang mabuhay nang ayon sa laman sapagkat ito ay tuwirang inihahayag ng Biblia na mga kasalanang ikamamatay ng ating mga binuhay na kaluluwa. Rom 8:13  Sapagka’t kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa’t kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo. Kaya naman, marapat na gamitin natin ang Espiritung ipinagkaloob sa atin upang supilin ang mga gawang ayon sa laman upang hindi ito makapamayani sa atin.

Ang ultimong dahilan nito, hindi lamang sapagkat binuhay na tayo ng Dios mula sa maruming paraan ng pamumuhay kundi ang mga ganitong kasalanan ay tunay na ikinagagalit ng Dios. Pansinin ang sulat ni Pablo,

Eph 5:3  Nguni’t ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal;

Eph 5:4  O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo’y magpasalamat.

Eph 5:5  Sapagka’t talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.

Eph 5:6  Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka’t dahil sa mga bagay na ito’y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway.

Kaya sa halip na ang mga sangkap natin ay nagiging kasangkapan ng kalikuan o kasalanan, gamitin natin ang mga ito bilang kasangkapan sa pagbibigay kapurihan sa Dios na tumawag sa atin sa matuwid na daang ito ng pamumuhay. Rom 6:13  At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios.

At higit sa lahat, ang mga nagsisigawa ng mga ganitong bagay ay tunay na hindi magmamana ng buhay na walang hanggan.

Gal 5:19  At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,

Gal 5:20  Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,

Gal 5:21  Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers