Epheso 6:1 – 2, ” Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka’t ito’y matuwid. Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako).”
Marami ang hindi nakaka-alam na isa sa mahalagang kautusan sa Biblia ang paggalang at pagmamahal sa mga magulang (ama at ina). Ang utos na ito ay hindi lamang sa Israel ibinigay, sapagkat mababasa na kabilang ito sa sampung utos na ibinigay ng Dios kay Moises para sundin ng lahing Israel.
Exo 20:12 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
Deu 27:16 Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
Exo 21:17 At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.
Ang utos ukol sa paggalang sa mga magulang ay mahalagang maunawaan natin lalo na sa panahon nating ito na nakikita sa maraming mga anak ang kawalan ng paggalang at pagmamahal sa kanilang mga magulang. Marami ang naging suwail o hindi na sumusunod sa kanilang mga magulang. Mas higit nilang sinusunod ang kanilang mga kaibigan kaysa sa kanilang mga magulang na ginawa ang lahat upang mapalaki sila nang normal.
Ang pag-ibig ng magulang sa kanilang mga anak ay hindi kayang tumbasan.
Dahil sa pagbabago ng maraming mga anak sa ngayon, naging maibigin sila sa kanilang mga sarili, naging lilo at matitigas ang ulo, naging masuwayin sa kanilang mga magulang, at ang mga ito ay katuparan ng mga hula ni Apostol Pablo na magaganap sa huling araw tungkol sa pag-uugali ng marami.
2Ti 3:1 Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. 2Ti 3:2 Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, 2Ti 3:3 Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, 2Ti 3:4 Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; 2Ti 3:5 Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.
Ngunit alam po ba natin na may nakalaang parusa sa sinumang susuway sa kautusang ito ng DIOS?
Ang utos ay hindi natatapos sa lahing Israel, utos din ito sa panahon ng mga Kristiyano. Nangangahulugang ang utos ay tumagos sa panahon natin at nararapat lamang na ito ay isagawa.
Noong araw, binalaan ang sinumang susuway sa kautusang ito. Mahigpit ang bilin at malupit ang kaparusahan sa sinumang susuway. Pro 20:20 Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.
Mar 7:8 Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali’t-saling sabi ng mga tao. Mar 7:9 At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali’t-saling sabi. Mar 7:10 Sapagka’t sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala:
Kung mahigpit ang bilin na ito at malupit ang parusa, nangangahulugan lamang na ito po ay mahalagang kautusan na dapat isakatuparan.
Lohikamente, ang paggalang sa magulang ay isang bagay na kapag nakita ng ating mga anak ay isang bagay na itinatanim natin sa kanila. Kung pag-ibig sa magulang ang nakikita nila sa atin, ito din ang gagawin nila sa atin pagdating ng panahon. Magiging cycle ito na magpapa-ulit-ulit.
Ngunit kung pagkamuhi, kawalang galang o respeto ang ipinakita natin sa kanila, ito din ang maaari nating tanggapin mula sa kanila pagdating ng panahon.
Ang utos tungkol sa paggalang sa mga magulang ay sinasabing unang utos na may pangako. Anong pangako ang tinutukoy dito?
Ang pangako ay ang paghaba ng buhay na ibinibigay ng Dios. Pag-aralan man natin, noong araw ay mas mahaba ang buhay na inilalagi ng mga tao kumpara sa panahon nating ito.
Exo 20:12 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
May mga pag-aaral na isinasagawa na ang buhay ng karaniwang mga tao ay nag-aaverage na lamang ng mga 60 hanggang 70 taon. Kaya masuwerte na ang umaabot sa mga ganitong edad. Noong araw, lalo na sa mga unang kasaysayan sa Biblia, ang buhay ay umaabot ng ilang daang taon. Ito marahil ay bunga ng pagtalima nila sa kautusan ukol sa paggalang sa ama at ina.
Dios ang nangako nito. Gusto ba nating humaba ang buhay natin? Mas mahabang buhay, mas maraming taon na makakasama natin ang ating mga mahal sa buhay at mas maraming pagkakataong makapaglingkod sa Dios.