Ang Unang Hakbang at ang Kalooban ng Dios

Lahat ng paglalakbay ay nagsisimula sa unang hakbang. Ito ay mula sa lumang kasabihan ni Lao Tzu, “A journey of a thousand miles begins with a single step.” Sa lahat ng bagay na ating ginagawa, nagsisimula ito sa unang hakbang. Maging sa pag-abot ng mga pangarap, laging may unang paghakbang para marating ito. Sinuman ay hindi makakarating sa itaas kung hindi magdadaan sa ibaba at gaano man kalayo ang paglalakbay na gagawin ay laging nagsisimula sa unang hakbang.

Ang tanong dito, handa na ba nating gawin ang unang hakbang? May lakas at tapang ba tayong gawin ito? Ang mga tanong na ito ay mahalaga dahil dito malalaman kung gaano natin hinahangad na marating ang dapat nating marating.

Ganito din kasi sa paglilingkod sa DIOS. Kailangang gawin ang una o pasimulang hakbang sa paglilingkod sa Dios, sapagkat ang paglilingkod sa Dios ay buong buhay. Ngunit, kailan natin malalaman kung kailan dapat gawin ang unang hakbang? Ano ang unang hakbang sa paglilingkod sa Dios? Ano ang unang bagay na dapat nating gawin kung maglilingkod tayo sa Dios?

Mahalaga na malaman ang kalooban ng Dios

Eph 5:17  Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

Mahalaga ito, sapagkat napaka-ilohikal na maglingkod ang sinuman sa kaninuman nang hindi nalalaman ang mga batas at palatuntunan. Sa pagta-trabaho sa isang kumpanya, ang unang bagay na ginagawa ay magdaan sa mga seminar at pagsasanay, mga orientations tungkol sa mga pangunahing bagay na may kinalaman sa kumpanya, mga batas nito, mga polisiya at iba pa. Ganito din dapat sa paglilingkod sa Dios. Hindi ba dapat ay ALAMIN muna natin ang KANIYANG KALOOBAN?

Sinabi ni Apostol Pablo, “huwag maging mangmang.” Mahalagang malaman nating mga tao ang KALOOBAN NG DIOS. Bakit mahalgang malaman ang kalooban ng DIOS? Sapagkat ang kamangmangan ng tao ay naglilihis ng kaniyang mga lakad papalayo sa Dios. Ganito ang naganap sa mga unang mga naglingkod sa Dios noong araw. Maraming naglingkod sa Dios, na hindi inalam kung ano ang Kaniyang kalooban, ang naging resulta ay ang madaming mga pagkakamali na kanilang nagawa sa harapan ng Dios.

Pro 19:3  Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.

Ang kamangmangan ng tao ay nagdudulot ng pakikipag-alit ng tao laban sa Dios. Isa sa pakinabang na maaaring matamo kapag nalaman natin ang kalooban ng DIos ay makakaasa tayo na Kaniya tayong pakikinggan, sapagkat ang pakinig ng Dios ay laging naroroon sa mga gumaganap ng Kaniyang mga kalooban. Kaya’t mahalaga na malaman natin ang Kalooban ng Dios.

Joh 9:31  Nalalaman naming hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan: datapuwa’t kung ang sinomang tao’y maging mananamba sa Dios, at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya’y pinakikinggan niya.

Ano ang Kalooban ng Dios na nais Niyang maunawa natin? Ang aralin na ito ang magtuturo sa atin upang malaman at matuklasan kung ano ang Dahilan o Layunin Niya sa bawat isa sa atin. Bawat nagsasabing sila ay Kristiyano ay tiyak na magsasabing ibig nilang malaman kung ano ang kalooban ng Dios at layunin ng kanilang buhay. Ibig nilang malaman ang plano ng Dios, ang layunin ng Dios sa kanilang buhay, upang kung magkagayon ay magawa nila ang mga ito.

Subalit marami ang nabigo na malaman kung ano talaga ang layunin ng Dios, sapagkat natatakot silang kung malaman ito ay hindi nila magawa sa kanilang buhay. O di kaya naman ay talagang sadyang nahirapan silang matagpuan ito at kung tatanungin sila kung ano ang tunay na kalooban ng Dios ay hindi makapagbibigay ng sagot na may paninindigan sapagkat sila man ay nagdududa sa kanilang mga kasagutan.

Unahin nating alamin, ano nga ba ang dapat na maging motibo sa pagtuklas o pag-alam ng kalooban ng Dios? Sinabi ni HESUS, na “hindi lahat” ay makakapasok sa kaharian ng langit. Kung gayon, sino ang makakapasok sa langit?Ang “gumaganap ng kalooban ng AMA” ang makakapasok sa kaharian ng langit. Kaya kung hindi natin alam ang kalooban ng Dios, paano natin ito magagawa?

Mat 7:21  Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

Ito ang dahilan kung bakit kailangang alamin ang Kalooban ng Dios. Hindi sapat na maging mabuting anak tayo sa ating mga magulang, hindi din sapat na maging mabuting magulang sa ating mga anak, at maging mabuting mamamayan sa ating bansang sinilangan; ang mahalaga sa paningin ng Dios ay sundin natin ang Kaniyang mga kautusan nang ayon sa Kaniyang Kalooban. Tumitingin ang Dios sa puso ng bawat tao, hindi gaya nating mga tao na sa mukha tumitingin o panlabas na anyo. Sa puso Siya tumitingin at nakikita Niya ang laman nito kung ginaganap ang Kaniyang kagustuhan o hindi; dito din Niya hinahanap kung naganap na natin ang Kaniyang kalooban. Kaya nga kung hindi pa natin natatagpuan ang kadahilanan ng lahat, ang layunin Niya sa bawat isa sa atin, malabo na makita Niya ito sa ating mga puso.

Sa maraming mga pagkakataon, sinikap nating mga tao na paglingkuran ang Dios. Subalit gaya nang karaniwang nagaganap, maraming mga tao ang gumawa nang ayon sa kanilang sariling kalooban at kinalimutan kung ano ang tunay na Kalooban ng Dios. Sinasabi ng Biblia na ang mga “inakala” ng tao na siya namang kaniyang ginawa ay maghahatid sa kaniya sa kapahamakan. Ito ay pag-aakala lamang na ang kanilang ginagawa ay tama at kadalasan ang pag-aakala ay nauuwi sa wala, me kasabihan nga na “marami ang namamatay sa akala.”

Pro 16:25  May daan na tila matuwid sa tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.

Kaya, marapat nating saliksikin ang Banal na kasulatan. Sa pamamagitan ng mga kasulatan ay malalaman natin ang Kalooban ng Dios.

Joh 5:39  Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.

Ito ang Unang Hakbang, ang malaman ang Kalooban ng Dios. Ngunit, paano natin malalaman ang kalooban ng Dios? Sinasabi ni Apostol na kalooban ng Dios na malaman natin ang katotohanan at tayo ay maligtas; ibig Niya na maging bahagi tayo ng Kaniyang pangakong buhay na walang hanggan, na mararating lamang natin kung magkakaroon tayo ng ganap na pagkaunawa sa Katotohanan – ang Kaniyang mga Salita.

1Ti 2:3  Ito’y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;
1Ti 2:4  Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

ANG KALOOBAN NG DIOS

Rom 12:1  Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.

Rom 12:2  At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.

Ang layunin ng Roma 12: 1-2 ay ipahayag na ang buhay nating mga tao ay maging bahagi ng “espirituwal na pagsamba” sa Dios. Sa talatang isa, ay binabanggit na “iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siyang katampatang pagsamba.” Ang pagsamba ay buong puso at buong pag-iisip, sa pamamagitan ng paraan ng pamumuhay, nang may buong pag-ibig. Sa lahat ng mga bagay ay gagawin natin ang lahat, alang-alang sa pag-ibig, pag-ibig sa Dios at sa kapuwa.

Sa pangalawang talata, niliwanag ni Apostol Pablo kung paano isasagawa ito, kailangang “magbago tayo.” May pagbabagong kailangang gawin hindi lamang sa pang-labas, kundi maging sa pamamamaraan ng pag-iiisip. “kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip”

Isa sa dapat nating gawin ay ang “transpormasyon” o pagbabago. Paano natin gagawin ang pagbabagong inaasahan sa atin ng DIOS? Sinasabi ng Biblia, “2Co 5:17  Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago. “ Kailangan nating maging kay KRISTO upang matamo ang pagbabago na hinahanap ng Dios, “Col 3:10  At kayo’y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya: “ At sa pamamagitan nito ay magkaroon tayo ng ganap na kaalaman tungkol sa kung ano ang kaayaaya na siyang Kalooban ng Dios. “upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.”

Dalawa ang maaaring maging kahulugan kapag pinag-uusapan o tinatalakay ang “Kalooban ng Dios” sa Biblia. Kailangang malaman natin kung alin sa dalawang yaon ang ipinatutungkol sa Roma 12: 1-2. Sa katunayan, ang malaman ang pagkakaiba ng dalawang kahulugan ng “kalooban ng Dios” ay mahalaga sa pagkilala sa katangian ng Dios.

Isa sa mga halimbawa nito ay nang manalangin si HESUS sa hardin ng Gethsemane.

Mat 26:39  At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.

Ano ang tinutukoy na “kalooban ng Dios” sa talatang ito? Tumutukoy ito sa panukala o pasiya ng DIOS na magaganap sa ilang mga oras na dadating. Matatandaan sa “Act 4:27  Sapagka’t sa katotohanan sa bayang ito’y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan, Act 4:28  Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari. “ Kaya ang kamatayan ni HESUS sa pagkakataong ito ay Kalooban ng DIOS. Walang sinumang makapagbabago nito, sapagkat ito ang Kaniyang ipinanukala. Ang tawag dito ay “sovereign will of God.”

Pansinin natin dito, na upang mangyari ang “kalooban ng DIOS” kasama dito ang pagkakasalang nagawa ng mga tauhang gaya nina Herodes, Pilato, mga sundalong Romano at mga Pinunong Hudyo- lahat sila ay nagkasala upang matupad ang “kalooban ng Dios” na maipako si HESUS, alinsunod sa hula ng kasulatan (Isaias 53:10). May mga “kalooban ang Dios” na kailangang maganap bagaman kalakip nito ay mga bagay na ayaw Niyang makitang nagaganap, gaya ng mga kasalanan.

Isa pang halimbawa ay ang pahayag ni Apostol Pedro, “1Pe 3:17  Sapagka’t lalong magaling, kung gayon ang iniibig ng kalooban ng Dios na kayo’y mangagbata dahil sa paggawa ng mabuti kay sa dahil sa paggawa ng masama.”

Ayon kay Apostol Pedro, kalooban ng Dios na ang mga lingkod ay magbata o magdanas ng mga hirap at sakit dahil sa paggawa ng mabuti.

Ang isa pang kahulugan ng “kalooban ng Dios” sa Biblia ay ang tinatawag na “will of command.” Ang Kaniyang kalooban ay ganapin natin ang Kaniyang mga kautusan. Ito ang kalooban ng Dios na maaari nating ganapin o di kaya naman ay labagin. Ito ang kalooban ng Dios na maaari nating hindi gawin kung gusto natin. Sinabi ni HESUS,  “Mat 7:21  Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Hindi lahat ay papasok sa kaharian ng langit. Anong dahilan? Dahil hindi lahat ay gumaganap ng kalooban ng Dios.

Sinabi ni Apostol Pablo, “1Th 4:3  Sapagka’t ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal, na kayo’y magsiilag sa pakikiapid;” Dito ay inaatasan tayo ng isang detalyadong kautusan ng Dios, na siyang kalooban ng Dios na magawa natin, samakatuwid ay ang pagpapakabanal ng pamumuhay, sa paraan ng pag-ilag sa pakikiapid o sexual immorality. Subalit alam natin na marami ang lumalabag sa kaloobang ito ng Dios.

Sinabi din ni Apostol Pablo, “1Th 5:18  Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka’t ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo.” Taglay din nito ang kautusang magpasalamat, na siyang kalooban din ng Dios. Ngunit, alam naman natin na hindi lahat ay gumaganap nito.

Isa pang halimbawa, “1Jn 2:17  At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.” Hindi lahat ay ginaganap ang kalooban ng Dios nang magpakaylanman, sa puntong ito, ang kalooban ng Dios ay hindi laging nakapangyayari.

1 thought on “Ang Unang Hakbang at ang Kalooban ng Dios”

  1. manue mercado said:

    salamat sa dios sa pagpapala, na sa pagbabasa ng mga nakatala dito ay tunay na nadama ng aking puso na ang katotohanan ay aking naunawaan, naway sa mga katulad nyo na kinasangkapan ng dios upang maipahayag ang katotohanan na mging isa rin ako na malayang maibahagi ang kanyang kalooban, purihin ang dios magpakailan man,.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers