Ang “magalak” ang isa sa mga bagay na pinagsisikapang mataglay ng maraming mga tao dito sa mundo. Ginagawa nila ang lahat para lamang matagpuan ang makapagpapagalak ng kanilang mga puso at kalooban.
Subalit kadalasan, ang kagalakang nadarama natin ay pansamantala lamang. Saglit lang itong mararamdaman at pagkatapos ay mawawala na gaya ng panaginip.
Posible bang makamtan natin ang tunay na kagalakan dito sa mundo? Paano ba niliwanag ng Biblia ang kagalakan? At ano ang maaaring makapagpagalak sa puso ng isang lingkod ng Dios?
Maraming mga bagay ang hindi maikakailang nagdudulot ng kasiyahan sa buhay nating mga tao. Kabilang dito ang binabanggit ni Solomon sa kaniyang sulat, ang mga kapistahan, pag-inom ng alak, pagkain at salapi ang ilang mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa atin. (Ecles. 10:19)
Karaniwang nagiging takbo ng kaisipan ng marami ay magpagalak ng kalooban sapagkat alam nilang maaaring sa araw ng bukas ay matatapos ang kanilang buhay. Kaya sinasamantala nila ang ”ngayon” para magsaya at pagalakin ang kanilang mga puso. (Isa 22:13) At, narito, kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at paginom ng alak: Tayo’y magsikain at magsiinom, sapagka’t bukas tayo ay mangamamatay.
Kaya naman, ito ang karaniwang nakikita sa marami, samakatuwid baga’y pagalakin ang kanilang mga sarili ng mga pagkain at inumin, at ng mga gawa ng kanilang mga kamay (imbensiyon), gaya nang ating nakikita sa kasalukuyan na napakaraming makabagong mga tuklas ng teknolohiya na naging daan upang maging abala ang mga tao sa pagpapagalak sa kanilang mga sarili. (Ecc 2:24) Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa.
Mayroon namang ilan na ang tanging nakapagpapagalak ng kanilang mga kalooban ay ang pagpapayaman sa buhay na ito. Para sa kanila, ang pagtataglay ng maraming pera, ay ang pinakamahalaga sa buhay na ito para magalak. (Luk 12:19) At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.
Ang kagalakang tinataglay ng marami bunga ng kanilang mga tinatamasa dito sa lupa ay nagiging dahilan naman upang kainggitan at panaghilian ng iba. Sa paghahangad din na magalak ang kanilang mga puso, sinisikap nilang taglayin ang mga bagay na tinataglay ng kanilang mga kapuwa sa pag-aakalang ito ay paraan upang sila man ay magtaglay din ng kagalakan. (Ecc 4:4) Nang magkagayo’y nakita ko ang lahat na gawa, at bawa’t gawang mainam na dahil dito ay pinananaghilian ang tao ng kaniyang kapuwa. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
Gaya nang pahayag ng Biblia, ang mga bagay na karaniwang nagpapagalak sa marami, na siya naman kinaiinggitan ng iba ay nauuwi lahat sa wala. Ibig lamang sabihin, ang ganitong uri ng kagalakan ay pansamantalang kagalakan lamang.
Hindi ito ang kagalakang dapat nating asamin sa buhay na ito. Sapagkat ang mga kagalakang karaniwang nalalaman natin ay kumukupas.
Paano niliwanag ng Biblia ang pagkupas ng maraming kagalakan sa buhay nating ito?
Ang paliwanag ng Biblia, (Kaw. 14:13) Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob. Maraming mga kasayahan ang ginagawa ng mga tao, subalit ang mga ito ay humahantong sa lalong kalungkutan o bigat ng kalooban.
Ang mga tao ay nagsasaya, humahanap ng nagpapagalak sa kanilang puso, ngunit kadalasan ang nagpapagalak sa marami ay ang paggawa ng maraming kasamaan. Nariyan ang mga bisyo, pagkalulong sa mga bawal na gamot, malabis na pag-inom ng alak o paglalasing, na samantalang ginagawa ang mga ito ay nagagalak ang sarili, subalit pagkatapos ay malaking pinsala hindi lamang sa pisikal na katawan, kundi maging sa bulsa at sa iba pang bagay lalo na kung ang pagsasaya ay nauuwi sa paggawa ng kasalanan.
Maraming mga kabataan halimbawa ang nahuhumaling sa pagsasaya, ngunit ang kinahihinatnan ay ang maagang pagdadalang-tao. Ang mga kalalakihan naman ay ang tuluyang pagka-adik sa ipinagbabawal na gamot at sari-saring bisyo at kalayawan.
Kasunod ng kagalakang kanilang ginagawa ay perhuwisyo, na karaniwang pinagsisisihan ng marami.
Isa sa mga nagbibigay kasiyahan sa tao ay ang pagtataglay ng karangalan. Iba ang pakiramdam kapag tayo ay nagtatamo ng karangalan sa buhay na ito. Subalit ang karangalan ng tao ay lumilipas din naman. (Awit 49 : 12) Nguni’t ang tao’y hindi lalagi sa karangalan: siya’y gaya ng mga hayop na nangamamatay.
Bukod sa karangalan na hindi nananatili sa ating mga tao, ang kayamanan na nagpapagalak sa marami ay isa pang bagay na tunay na hindi mananatili magpakaylanman. Hubad tayong pinanganak sa buhay na ito, at hubad din tayong mamamatay. Walang kayamanang panlupa na maaari nating baunin sa kamatayan.
Ang yaman ay nauubos, nawawala at hindi maaaring panghawakan upang magpagalak sa buhay na ito. Hindi porke’t may yaman ay masaya na ang kalooban. (Ecles. 5 : 13 – 15) May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw, ito nga, ang mga yamang iningatan ng may-ari niyaon sa kapahamakan niya. At ang mga yamang yaon ay nawawala ng masamang pangyayari; at kung siya’y magkaanak ng lalake, walang maiiwan sa kaniyang kamay. Kung paanong siya’y lumabas sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya uli na gaya ng siya’y dumating, at hindi magdadala ng anoman sa kaniyang nagawa, na kaniyang madadala sa kaniyang kamay.
Dagdag pa dito, ang pahayag ni David, (Awit 49:16-18) Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago: Sapagka’t pagka siya’y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya. Bagaman habang siya’y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili).
Ang yaman na karaniwang nagpapagalak sa marami ay hindi maaasahan kung ang paguusapan ay ang katubusan o kaligtasan. Hindi nabibili ang kaligtasan. Bagaman, naniniwala tayo na ang salapi at kayamanan ay maaaring gamitin sa masiglang paglilingkod sa Dios. Gayunpaman, ang kayamanan ng marami ay ginagamit lamang nila sa kalayawan, at sa sariling kasiyahan. (Awit 49: 6-8) Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan; Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya: (Sapagka’t ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito’y naglilikat magpakailan man:)
Kung ang karangalan at kayamanan na karaniwang batayan ng marami sa kagalakan ay kumukupas at lumilipas, ano ngayon ang dapat nating asaming uri ng kagalakan?
Anong uri ng kagalakan ang dapat nating ikagalak?
Ang kaisipan ng mga lingkod ng Dios ay dapat na iba sa kaisipan ng mga walang pananampalataya. Sa madaling sabi, iba dapat ang maging kagalakan ng mga mananampalataya. Hindi tayo dapat makiayon sa asal ng kasalukuyang sanlibutan. (Roma 12:1)
Sinabi ni Hesus, (Luc. 10 : 20) Gayon ma’y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit. Kung mayroon man tayong dapat na maging kagalakan sa buhay na ito, ito ay walang iba kundi ang matamo natin ang pangakong buhay na walang hanggan, na malaman nating nakatala ang ating mga pangalan sa langit.
Bagaman sa kasalukuyan ay nakakaranas tayo ng sari-saring hirap, kalumbayan at pagtitiis, hindi nangangahulugan na ang lahat ng mga ito ay tunay na nagpapalumbay sa isang lingkod ng Dios.
Habang nakakaranas tayo ng ganitong mga tiisin ay dapat pa nga tayong magalak sapagkat nagiging karamay pa nga tayo sa mga hirap at sakit ng ating Panginoong Hesus.
Na kung kailangang subuking paulit-ulit ay ating tatanggapin, alang alang naman ito sa karangalang mahahayag sa atin pagdating ng takdang kapanahunan. (1 Ped. 1 : 6-7) Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok, Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
Ang mga kasalukuyang nararanasan natin ay palatandaan ng pagiging isang mananampalataya. Kaya’t tunay na dapat itong ikagalak. (Mat. 5 : 11 – 12) Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.
Ang isang Kristiyano ay bihasa sa pagbabata o pagtitiis at samantalang nagbabata ay patuloy niyang pinupuri ang pangalan ng dakilang Dios. (1 Ped. 4 : 16) Nguni’t kung ang isang tao ay magbata na gaya ng Cristiano, ay huwag mahiya; kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito.
Sa ganito, nangangako ang Dios sa Kaniyang mga lingkod. Kailangang pagdaanan ang maraming pagtitiis at mga pagbabata. Kailangan ito sa ikatitibay ng pananampalataya. Ngunit pansamantala lamang ang mga pagtitiis na ito. Ang kapalit nito ay kagalakan. (1 Pe 5:10) At ang Dios ng buong biyaya na sa inyo’y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, pagkatapos na kayo’y makapagbatang sangdaling panahon, ay siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.
Ang pangako ni Hesus, (Juan 16: 20-22) Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo’y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa’t ang sanglibutan ay magagalak: kayo’y mangalulumbay, datapuwa’t ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka’t dumating ang kaniyang oras: nguni’t pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan. At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni’t muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.
Ang kagalakan natin ay maglingkod. Ang kagalakan natin ay magtiis hanggang sa wakas.
(Roma 15:13 ) Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo’y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
