Ang Tunay na “PASKO”

Exo 12:26  At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

Ano nga ba ang Kahulugan ng Paskua o Pasko?

Mula pa sa pasimula ay nalalaman na ng Dios na may mga magtatanong sa kung ano ang kahulugan ng pagsasagawa nito. At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito? Kaya naman, inihanda ng DIOS ang sagot para sa mga magtatanong: Exo 12:27  Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

Ang PASKUA ay pag-alaala.

Gaya nang pahayag ng Dios, ginugunita dito ang pagliligtas na ginawa ng Dios sa sambahayan ng Israel, pagkatapos na dalhin Niya sa lupain ng Egipto ang ika-sampu at huling salot na pumuksa sa lahat ng panganay sa lupaing ito.

Ang salitang passover, ay ang pagdaan ng Dios sa lupain ng Egipto upang puksain ang mga panganay subalit siya namang paglagpas Niya o pagliligtas na Kaniyang ginawa sa Kaniyang bayang Israel. Sa pamamagitan ng salot na ito, lumaya ang bayang Israel mula sa kamay ng pagka-alipin sa lupain ng Egipto.

Ang PASKUA ay siya ring pag-alaala o paggunita sa kamatayan ni HESUS, na sa pamamagitan ng Kaniyang kapasyahan, na ipinasiya Niya sa Kaniyang sarili (Efeso 1:9- Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin), bilang simbolo, naganap ang kamatayan ni HESUS sa araw ng pagdiriwang ng PASKUA, na sa pamamagitan niyaon ay pinalaya Niya ang marami sa mga kasalanan, sa pagka-alipin sa karumihan ng sanlibutan, sa kamay ng diablo.

Ito din ang pagkakataon upang gunitain ng bawat Kristiyano ang araw ng kaniyang pagkakatawag sa katawan ni Hesus (iglesia). Ito ang araw na kung saan ay ating tinanggap ang kamatayan ni Hesus, ang ginawa Niyang pagliligtas sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkakapako Niya sa krus at pagkakabuhos ng Kaniyang mahal na dugo.

Bakit kailangang isagawa ng isang Kristiyano ang Paskua?

Kailangang isagawa ang PASKUA sapagkat ito ay utos ng Panginoon. Sapat na itong dahilang upang ito ay ating isakatuparan. Subalit higit pa dito ang mga kadahilanan kung bakit kailangang isagawa ito ng mga Kristiyano.

Kailangan nating gunitain ang PASKUA upang maintindihan natin ang dahilan ng kamatayan ng mga panganay na Egipcio at ang pangyayaring ito na naging dahilan upang mapalaya ang mga lingkod ng Dios na Siyang Kaniyang bayan, ang Israel mula sa kamay ng Faraon ng Egipto. Ano nga ba ang kahulugan o sinisimbolo nito?

Ang PASKUA ay hindi lamang isang rituwal na kailangang isagawa.

Anumang iutos ng Dios ay hindi walang kabuluhan, hindi walang laman. Lagi itong may kabuluhan at may kahalagahan. Ang Kaniyang mga kautusan ay laging mayroong layunin, na siyang dapat nating matutunan at isakatuparan.

Ang pagsasagawa ng PASKUA ay upang maunawa din natin ang ginawang pagkakatawang-tao ng Dios, sa pamamagitan ni Hesus, at ang Kaniyang kamatayan sa krus, na naging simbolo upang mapalaya ang maraming mga tao sa kanilang mga kasalanan at kasamaan ng sanlibutan mula sa kamay ng diablo.

1Co 11:23  Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; 1Co 11:24  At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 1Co 11:25  At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin. 1Co 11:26  Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

Pansinin natin na ang paalalang ito ni Apostol Pablo na isagawa ang paggunita sa PASKUA ay itinala niya pagkatapos ng pagtatapos ng yugto ng Lumang Tipan. Nangangahulugan na ang paggunita nito ay hindi lamang para sa mga Hudyo o Israelita, kundi maging sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan.

Idinagdag ni Apostol Pablo na ang paghahanda sa pagdiriwang ng PASKUA ay kailangang maselan, sapagkat kailangang tingnan o siyasatin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili, kung gaano na kalaki ang pagbabagong naganap sa kaniyang bunga sa panig ng espirituwal at kung gaano kalaki pa ang kailangang paunlarin. 1Co 11:28  Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.

Sa mga araw na nagdaan bago isagawa ito, talastas natin na tayo ay hindi naging karapat-dapat sapagkat marami tayong naging pagkakamali o pagkukulang. Ito din ang tamang pagkakataon upang hilingin sa Dios ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at pagkukulang sa pamamagitan ng pakikibahagi sa simbolikong katawan at dugo ni Hesus.

Ang pagsisiyasat sa sarili ay mahalaga sa bawat Kristiyano. Ipinakikita nito sa atin ang mga bahagi ng ating pagkatao na kailangan pang ayusin, mga sangkap na kailangan pang pagbutihin at upang lalo tayong itulak na lalong mapalapit sa Dios at lalong pagtibayin ang pakikipagtipan natin sa Kaniya.

Saan dapat isagawa ang PASKUA?

Noong araw, isinasagawa sa mga tahanan ng mga Israelita ang pagdiriwang ng PASKUA (inihahanda ang kordero upang kanilang maging pagkain). Kalaunan, maraming mga Hudyo na ang nagsagawa nito sa Templo na nasa Herusalem upang doon ay ihandog ang kordero ng PASKUA para sa Panginoon.

Si Hesus at ang mga Apostol, sapagkat sila ay nasa Herusalem nang mga panahon na yaon, at malayo sa kanilang mga sari-sariling tahanan (marami sa kanila ang taga-Galilea), ay piniling ipagdiwang ang PASKUA sa isang silid na ginayakan para sa nasabing okasyon:

Mar 14:12  At nang unang araw ng mga tinapay na walang lebadura, nang kanilang inihahain ang kordero ng paskua, ay sinabi sa kaniya, ng kaniyang mga alagad, Saan mo ibig kaming magsiparoon at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng paskua?

Mar 14:13  At sinugo ang dalawa sa kaniyang mga alagad, at sa kanila’y sinabi, Magsiparoon kayo sa bayan, at doo’y masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig: sundan ninyo siya;

Mar 14:14  At saan man siya pumasok, ay sabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro, Saan naroon ang aking tuluyan, na makakanan ko ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?

Mar 14:15  At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan at handa na: at ipaghanda ninyo roon tayo.

Mar 14:16  At nagsiyaon ang mga alagad, at nagsipasok sa bayan, at nasumpungan ang ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.

Sa pamamagitan ng halimbawang ito ni Hesus at ng mga Apostol, makukuha natin na ito ay isinasagawa sa mga silid na inihahanda para dito. Sa mga kapatirang magkakasama, maaaring isagawa ito sa kanilang mga pribadong tahanan, kapilya o silid na itinalaga para dito. Sa mga kapatiran naman na maliit lamang ang bilang o nasa malayo, may sakit o karamdaman at walang kakayahang maglakbay, katanggap-tanggap na isagawa ito sa kani-kanilang mga tahanan.

Sino ang dapat magsagawa ng PASKUA?

Sapagkat maselan ang gampanin na ito, nililimitahan na ang dapat magsagawa nito ay ang mga nabautismuhan na sa Iglesia. Ano ang dahilan nito? Nahihiya ba tayo na isagawa ito? Hindi po.

Sa Lumang Tipan, lahat ng miyembro ng pamilya sa Israel ay nakikiisa sa pagdiriwang ng PASKUA, kabilang na ang mga bata (Exodus 12: 43-47). Maging ang mga hindi Israelita (Hebrew - gērîm: “strangers,” “newcomers,” “foreigners,” “sojourners”), ay pinahihintulutang makibahagi sa pagdiriwang, kailangan lamang ay tuliin ang mga kalalakihan na makikiisa sa pagdiriwang. Ang pagtutuli sa mga lalaki ay simbolo o palatandaan ng pakikipagtipan sa Dios (lumang tipan). Kalaunan, napalitan ito ng pagbabautismo (bagong tipan).

Act 2:38  At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

Rom 6:3  O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan? Rom 6:4  Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.

At gaya nang doktrina sa Iglesia ng Dios, tanging ang mga nasa sapat at hustong gulang lamang at may kakayahan para sumampalataya sa mga aral ng Dios, magsisi sa mga kasalanang nagawa, at magseryoso sa paglilingkod sa Dios ang pinahihintulutang tumanggap ng Bautismo.

Karagdagan dito, ang halimbawa ni Hesus sa huling gabi ng Kaniyang pagkakatawang-tao, na mababasa natin sa (Lukas 22:14  At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya.), na siyang matibay na katunayan na tanging mga nabautismuhan ang makakadalo sa pagdiriwang ng Paskua. Maaaring hindi maunawaan ng hindi pa nababautismuhan at ng mga bata pa ang kasagraduhan ng pagsasagawa nito kung kaya’ t sila ay hindi pinapahintulutan.

Paano ang pagsasagawa ng PASKUA?

Maraming kontrobersiya tungkol sa pagsasagawa nito. Ang ilang mga grupo, kabilang ang mga Hudyo ay hanggang sa kasalukuyan ay isinasagawa ito na gaya ng dati na nag-aalay ng korderong tupa para sa PASKUA. Bagaman ito ay iniutos sa Exodus 12, alam natin na nagkaroon ng malaking pagbabago sa panahon ni Hesus, nang ang Kaniyang sarili ang ginawang pinaka-alay na Kordero para sa PASKUA.

Ang pagdiriwang ng mga Hudyo (Jews) ng korderong tupa  ay tinatawag nilang SEDER, na kung liliwanagin sa Hebrew ay mayroong kahulugang order o kaayusan. Sa pagsasaliksik natin, sa panahong ito, tanging ang mga Samaritano na lamang ang mahigpit at pormal na nagsasagawa ng pag-aalay ng tupa at mga batang kambing. Karaniwan ay iniihaw ang kordero na inihahain sa kanilang hapunan.

Karaniwan ay isinasagawa ito sa Iglesia ng Dios, bilang pagsunod sa iniwang halimbawa ni Hesus at ng mga Apostol sa mga kapilya o bahay dalanginan, sa mga bahay sambahan, at sa mga silid na itinalagang pagsagawaan nito.

Isinasagawa din sa pagdiriwang na ito ang iniwang halimbawa ng pagpapakababa ni HESUS sa mga Apostol, samakatuwid ay ang paghuhugasan ng paa. (Juan 13: 1-17)

Tinutupad natin ang ang kautusan ni Hesus at ang halimbawang iniwan tungkol sa simbolikong pakikiisa o pakikibahagi sa Kaniyang katawan (pakikibahagi sa tinapay na walang lebadura), at sa Kaniyang dugo na nabuhos para sa atin (katas ng ubas).

Isinasagawa ito ng may pangangaral sa pamamagitan ng pagbasa sa Biblia upang gunitain ang pangyayaring naganap sa pinagmulan ng PASKUA, hanggang sa kahalagahan ng pagsasagawa nito sa panahon ni HESUS. Tinatapos ang pagsasagawa nito sa pamamagitan ng angkop na awit sa Himnaryo. (Mateo 26:30 at Marcos 14:26)

At sapagkat banal at lubhang maselan ang gampanin na ito, hinihikayat ng mga Tagapangaral na ang mga kapatid ay magsagawa ng pag-aayuno sa Panginoon upang lalong maihanda, masiyasat at maitalaga ang sarili sa pagtanggap sa katawan at dugo ng Panginoong Hesus.

Mapapansin po natin na malaki ang kaibahan ng pagdiriwang ng PASKUA o PASKO na ito kaysa sa Christmas na ipinagdiriwang ng maraming mga tao. Hindi ito tungkol sa kapanganakan, kundi tungkol ito sa diwa at kapangyarihan ng pagliligtas ng kamatayan ni Hesus sa krus na siyang nagbigay ng kalayaan sa maraming mga tao.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers