Kapag masama ang isang tao, marami ang nagsasabi na “walang puso” ang taong iyon. Kapag mabuti naman, sinasabi nila na “napakabuti ng kalooban.“
Ito ang nagpapatunay na hindi lamang ang literal na puso (heart) ang taglay nating mga tao. Taglay din natin ang puso na kung tawagin ay ang pagkataong loob nating mga tao. 1Pe 3:4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.
Pansinin natin na ang puso, na siyang kinatataguan ng ating pagkataong loob ay mayroong malaking halaga sa Dios. Sa puso kasi tumitingin ang Dios kapag tumitingin siya sa ating mga pagkatao. Hindi Siya tumitingin kung ano ang hitsura natin, o kung ano ang taglay nating panlabas na anyo. Ang direktang tinitingnan ng Dios ay ang ating mga puso.
1 Samuel 16: 7… sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
Kaya naman, dapat ay makilala natin ang sarili nating pagkatao na natatago sa ating mga puso. Bakit natin kailangang makilala? Sapagkat ayon sa Biblia, ang puso ng tao ay nagkakamali (Awit 95:10). At dahil ito ang kinaroroonan ng pagkataong loob, dito din matatagpuan ang mga lihim nating mga tao.
Ang puso ang nakakadama ng sari-saring emosyon o damdamin (Awit 7:9), gaya ng kalungkutan (Awit 13:2), nakakadama din ng panlulupaypay o panlulumo (Genesis 45:26) at ng kagalakan (Exodo 4:14; Roma 7:22).
Sa ibang pahayag ng Biblia, ang puso o pagkataong loob ay ang tinatawag na budhi o konsensiya (Job 27:6; Hebreo 10: 22).
Ang paliwanag ng Biblia, maraming nagiging lihim ang puso. Taglay ng puso ang kakayahan na magtaglay ng masamang kaisipan. Ang puso at isipan ay kadalasang isa ang nilalaman. Gen 6:5 At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.
Taglay ng puso ang paghaka o pag-imbento ng mga bagay na kadalasan ay labag naman sa kalooban ng Dakilang Dios. Kaya nga, kung hindi natin lubos na nakikilala ang ating pagkataong loob ay maaaring hindi natin mapigilan o ma-kontrol ang ating mga puso at mag-isip ito o humaka ng mga bagay na ikapagkakasala natin sa paningin ng Dios.
Ang kasalanan na nalilikha ng puso ay hayag sa paningin ng Dios. Ito kasi ang unang tinitingnan sa atin ng Dios. Ngunit paano nga ba nagkakasala ang nasa loob ng ating mga pagkatao? Hindi ba’t ang laman ang nakagagawa ng kasalanan sa paningin ng Dios?
Ang puso natin ang nagpapasiya at humihila sa laman upang magkasala. Ito ang madalas magkamali at madaling nahihikayat sa pagkakasala. Halimbawa ay ang pangangalunya, sinabi ni Hesus, Mat 5:28 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.
Sinabi pa ni Hesus, Mat 9:4 At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?Ito ang nagpapatunay na ang kaisipan at laman ng puso ng tao ay nagkakaisa.
Dagdag pa dito, sinabi ni Hesus, Mat 15:18 Datapuwa’t ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao. Mat 15:19 Sapagka’t sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong: Lahat ng kasamaan ay sa puso nanggagaling, maging ang mga bagay na lumalabas sa ating mga bibig.
Kaya naman, dapat lamang na magkaroon tayo ng kakayahan para mapigilan ang takbo at laman ng ating puso. Isa sa mga paalala ni Haring Solomon, Ecc 11:9 Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata: nguni’t talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan.
Pinag-iingat tayo sa ating mga lakad, na mayroon tayong kalayaang gawin ang laman ng ating mga puso, datapuwat dapat ay magkaroon din tayo ng kapangyarihan upang mapigilan ang anumang kasamaang maaaring gawin nito sa atin. Ang dahilan, sapagkat tayo ay haharap sa Dios pagdating ng araw upang mahatulan at kung hindi natin nakilala ang ating pagkataong loob at hindi natin nagawang pigilan ang kasamaang taglay ng ating puso, ay maaari tayong mapahamak.
Bukod sa katotohanang ang Dios ay tumitingin hindi sa ating mga panlabas na anyo kundi direkta sa ating mga puso, ano ang malaking kaugnayan ng Dios sa puso nating mga tao?
Sabi ng Biblia, inilalagak ng Dios ang Kaniyang puso sa ating mga tao. Ibig sabihin, ganito binibigyang halaga ng Dios ang mga tao na Kaniyang nilikha. Ganito ang pagpapahalaga Niya sa ating mga tao. Laman tayo ng Kaniyang puso.Job 7:17 Ano ang tao, na iyong palalakhin siya, at iyong ilalagak ang iyong puso sa kaniya.
Bukod dito, ang sinasabi ni Apostol Pedro na ang puso ang may malaking halaga sa Kaniyang paningin, sapagkat tinatahanan ng Kaniyang mga salita, ng Kaniyang espiritu na ipinagkakaloob sa bawat isang sumasampalataya at tumatanggap sa Kaniya. 1Pe 3:4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.
Isa sa mga katangian ng Dios ay alamin at siyasatin ang ating mga isipan at kalooban, at ito ay Kaniyang ginagawa upang magbigay ganti sa lahat ng ating mga gawa at lakad. Jer 17:10 Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa’t tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.
Psa 7:9 Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni’t itatag mo ang matuwid; sapagka’t sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso
Kung sa tuwina ay sinisiyasat ng Dios ang laman ng ating mga puso at isipan, dapat ay masumpungan Niya na ito ay karapatdapat sa Kaniyang paningin. Sapagkat hindi maganda ang maaaring kasapitan ng sinumang masumpungan Niya na ang puso ay marumi, taglay ang kasalanan, at paglabag sa Kaniyang mga kalooban.
Ang isa sa dapat din nating iwasan ay dumating ang sandali na dahil sa hindi natin nagawang kontrolin ang saloobin natin o ang nilalaman ng ating puso ay papagmatigasin ng Dios ang ating mga puso na gaya nang ginawa Niya sa puso ni Faraon. Exo 7:3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto. At kapag ito ay naganap sa atin, pawang paglabag ang magagawa natin, para bagang ipinadala na tayo sa paggawa ng mali at hindi na natin magawa ang mga bagay na karapatdapat sa Kaniya. (Exodo 7: 13)
At ang pinakamalala na maaaring mangyari ay tuluyang mahiwalay tayo sa Dios at tuluyang mawala ang pagkatakot natin sa Kaniya. Isa 63:17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo?
Kaya naman, kailangan nating magsiyasat at alamin ang laman ng ating mga puso upang lubos natin itong makilala. Baka mamaya ay naliligaw na ito sa mga palatuntunan ng Dios at ang pawang mga gawa ay taliwas na lamang sa Kaniyang mga kalooban.
Ano pa ang payo ng Biblia patungkol sa ating mga puso o pagkataong loob?
Pro 4:23 Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka’t dinadaluyan ng buhay. Maliwanag po ang pahayag ng Biblia, kailangan nating ingatan ang ating mga puso sapagkat dinadaluyan ito ng buhay. Ingatan ito ng buong sikap, sa paraang pag-aralang ito ay mapigilan sa pagkatha ng sari-saring mga kasamaan na ikinagagalit ng Dios.
Bukod dito, mahigpit ang tagubilin sa nakasaad sa Hebreo 3: 12, Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay:
At palibhasa lahat tayo ay nagkakasala at walang nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios, hangad Niya na makita ang buong puso nating pagsisisi at paglapit sa Kaniya upang hingin ang kapatawaran. Psa 51:17 Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.
Lagi nating pakatandaan, malaki ang palad ng mga taong taglay ang malinis na puso. Mat 5:8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios. Ito ang patuloy nating pagsikapan na mataglay. Siya nawa.
pa share naman po salamat
pa share naman po:))