Ang Pinakamahalagang Dalangin ng Isang Lingkod ng Dios

Paano nga ba makikilala ang isang lingkod ng Dios?

Paano ba ipinakilala ng Biblia ang isang taong matuwid?

Kung Biblia ang magsasalita, ang isang lingkod ay lumalakad na gaya ng paglakad ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. (Gen.6:9) Bilang isang lingkod, nakapagbigay ng kaluguran si Noe sa Dios. Lumalakad siya nang ayon sa Kaniyang kalooban. Ang paglakad na kasama ng Dios ay nangangahulugang paglakad nang naaayon sa Kaniyang kalooban.

Ang lingkod ng Dios ayon sa Biblia ay madaling makaunawa, madaling matuto at lumalago sa pagkatuto. Iyong turuan ang matuwid, at siya’y lalago sa pagkatuto. (Kaw. 9:9)

Bukod dito, ang isang lingkod, palibhasa nakikilala kung ano ang mabuti, ay gumagawa na may kababaan at kaganapan sa paningin ng Dios. (Mikas 6:8) Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.

Ang tunay na lingkod ay nabubuhay sa pananampalataya. (Heb 10:38)  Nguni’t ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. Ibig sabihin, ang isang lingkod ay nag-iisip, nagsasalita, nagpaplano at gumagawa nang ayon lahat sa pananampalatayang kaniyang tinanggap. Siya ay nagpapatuloy sa pagtatapat at paglilingkod, at anuman ang maganap sa kaniyang buhay, nananatili siya sa kaniyang pananampalataya. Hindi siya kailanman uurong o maduduwag sa paglilingkod at hindi kailanman tatalikod.

Nababatid ng isang lingkod ang kahalagahan ng kaniyang pagdalangin o paghiling sa Dios. Ang pagdalangin o paghiling sa Dios ay isa sa mga pribilehiyo ng isang lingkod. Dito niya naipararating ang kaniyang pagpapasalamat, pagpupuri at pagluwalhati sa Panginoong Dios. Ngunit higit sa lahat, ang pagdalangin ay paraan ng pakikipag-usap sa Dios upang maiparating ang mga hibik at kahilingang natatago sa puso.

Ang paliwanag ng Biblia, ang paghiling sa Dios ay malaking pakinabang sa panig ng isang lingkod na humihiling. (Job 8:5-7)  Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat; Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo’y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran. At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma’y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam. Mapapansin nating, ang biyaya ng Dios ay Kaniyang binubuksan para sa kahilingan ng mga lingkod na matuwid.

Subalit alam ng isang lingkod na may patakaran ang Dios sa pagkakaloob ng kahilingan. Hindi sapat na basta na lamang hihiling ang isang lingkod na hindi pinag-iisipan at isinasapuso ang kaniyang dalangin.

Ang lingkod ng Dios kung dumalangin ay nasa puso. (Job 33:2-3)  Narito, ngayon ay aking ibinuka ang aking bibig; nagsalita ang aking dila sa aking bibig. Sasaysayin ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi ay sasalitaing may pagtatapat.

Ang lingkod ng Dios kung dumalangin ay may kalakip na pananampalataya. (Mar 11:24-25)  Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.

Kaya naman, kapag dadalangin ang isang lingkod, ipinakikilala niya ito nang malinaw. (Filipos 4:6)  Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

Nalalaman ng isang lingkod na ang pagkakaloob ng hiling ay nasa kapangyarihan at kalooban ng Dios. Mayroong takdang panahon na ang Dios lamang ang nakababatid kung kailan ito ipagkakaloob. (1Jn 5:14-15)  At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa kaniya, na kung tayo’y humingi ng anomang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo niya: At kung ating nalalaman na tayo’y dinidinig niya sa anomang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa kaniya’y ating hiningi.

Ano ang pinakamahalagang bagay na maaaring hilingin ng isang matuwid na lingkod ng Dios? 

Maraming mga bagay ang maaari nating hilingin o idalangin sa Dios. Ang mga materyal na bagay na araw-araw na ibinibigay sa atin ng Dios ay ilan lamang sa maaari nating hilingin.

Kalakip din ang buhay at lakas, ang pananatili ng Banal na Espiritu at ang pananampalataya ang ilan sa mga espirituwal naman na dapat lang ay pamalagian nating hilingin sa Kaniya.

Ngunit ang pinakamahalagang dalangin ay yaong hilingin nating ang ating kamatayan ay maging kamatayan ng isang matuwid. (Bilang 23:10) Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, At ang aking wakas ay magiging gaya nawa ng kaniya!

Lahat tayo ay paroroon sa kamatayan at hindi natin tiyak kung kailan ito dadating sa atin. Ang tangi nating magagawa ay hilinging kung ito man ay dumating sa atin, ay maihanda natin ang ating mga mahal sa buhay, ngunit higit sa lahat ay maihanda ang ating mga sarili upang ang ating maging kamatayan ay gaya nang sa isang matuwid.

Ang batas ng Biblia, ang isang matuwid ay dapat mamatay na matuwid. Walang kabuluhan ang naging buhay ng isang matuwid kung namatay siya sa kaniyang kasamaan. (Eze 18:26)  Pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at kinamamatayan; sa kasamaan na kaniyang nagawa ay mamamatay siya. 

At walang aalalahanin sa lahat ng kaniyang mga matuwid na gawa kung sakaling siya ay humiwalay sa katuwiran at kaniya itong kinamatayan. (Eze 18:24)  Nguni’t pagka ang matuwid ay humiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at gumagawa ng ayon sa lahat na kasuklamsuklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay baga siya? Walang aalalahanin sa kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa: sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang isinalangsang, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinagkasala, sa mga yaon mamamatay siya.

At gaya nang pahayag ni Solomon, walang kabuluhan ang kamatayan ng matuwid kung sila ay nagsialis sa banal na dako. Ibig sabihin, kung ang isang lingkod ay mamamatay na walang pananampalataya, ang gayon ay walang kabuluhang kamatayan. (Ecc 8:10)  At gayon din nakita ko ang masama na nakalibing, at nagsidating sa hukay; at silang nagsigawa ng matuwid ay nagsialis sa dakong banal, at nalimutan sa bayan: ito man ay walang kabuluhan.

Sa Biblia, ang iglesia ng Dios ay dakong banal na pinagtawagan sa mga lingkod ng Dios gaya ng mga Apostol at ng mga unang Kristiyano. Sinumang lumisan sa dakong ito ay natutulad sa mga nagsialis sa katuwiran.

Kaya maging si Pablo na Apostol ay nagpayo na siyasatin ng sinuman ang kaniyang sarili kung siya ay nananatili sa pananampalataya, sapagkat mahalaga na mapanatili ang pananampalatayang ito hanggang sa kamatayan. (1Co 10:12) Kaya’t ang may akalang siya’y nakatayo, magingat na baka mabuwal.

(2Co 13:5) Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo’y itinakuwil na.

Bukod dito, ano pa ang isang mahalagang dahilan kung bakit marapat bigyan ng higit na pagpapahalaga ang ganitong uri ng dalangin o kahilingan sa Dios ? 

Una sa lahat, bawat kapatid na tinatawag sa loob ng iglesia ng Dios ay mapalad sapagkat ito ay isang malaking kahabagan na nagmula sa Dios. Sabi nga ni Pablo, bilang pagbibigay diin sa pahayag sa aklat ng mga Awit ni David, mapalad ang mga taong nangatakpan at hindi ibinilang ang kanilang mga kasalanan. (Rom 4:7-8) Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan. Mapalad ang tao na sa kaniya’y hindi ibibilang ng Panginoon ang kasalanan.

Ikalawa, lahat ng tao ay nagkakasala, at kahit ang mga matuwid ay hindi maaaring hindi magkasala sa paningin ng Dios. Kaya bawat tinatawag ay inaari lamang na matuwid, sapagkat kinalilimutan ng Dios ang lahat ng kanilang mga pagsalansang. (Rom 8:30)  At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya. Gaya ni Pablo na tinawag na maging Apostol ni Hesukristo, sa pamamagitan ng kalooban ng Dios upang magbanal sa loob ng iglesia ng Dios. (1 Cor.1:1-2)

Kaya kung hindi, mapanghahawakan ang pananampalataya, malaki ang posibilidad na ang isang lingkod ay mamatay sa kaniyang mga kasalanan. At tunay na ito ay nakakatakot na maganap sa atin. Kaya dapat lamang na bigyang halaga natin ang kahilingan na mamatay tayong nananatili sa ating mga pananampalataya, gaya nang kamatayan ng isang matuwid na lingkod ng Dios.

Alalahanin natin na mayroong ugali ang Dios, na Kaniyang nililinis ang Kaniyang bayan. Inaalis Niya ang lahat ng mga nagsisigawa ng kalikuan at kasamaan. (Awit 101:6-8) Ang mga mata ko’y itititig ko sa mga tapat sa lupain, upang sila’y makatahan na kasama ko: siya na lumalakad sa sakdal na daan, siya’y mangangasiwa sa akin. Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata. Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.

Dahil ang batas ng Dios, (Awit 37:38) Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

Dahil dito, ano ang dapat nating mapanatilihan at makasanayang gawin? 

Ang mga lingkod ng Dios ay hindi maliligaw sapagkat binigyan sila ng ehemplo ng Panginoong Hesus pagdating sa paghiling o sa panalangin. (Mat. 6 : 9 – 13) Kaya ang isang lingkod ay dadalangin lamang ng mga bagay na ayon sa kalooban ng Dios, gaya ng pangangailangan sa araw-araw, ang panalangin upang mailayo sa tukso at ang panalanging humingi ng tawad at magpatawad.

Mapapansin natin na hindi lamang dapat makasanayang maging bukambibig ang panalangin, kundi isasagawa ang nilalaman nito upang makamit ang hinihiling. Ibig sabihin, halimbawa’y pagkain sa araw-araw ang hiling, dapat din namang matutong gumawa at kumilos upang masumpungan ang mga bagay na ito.

Bukod dito, dapat ding makasanayan ang pagpapahalaga sa patuloy na pagbibigay ng kaluguran sa Dios gaya halimbawa ng pagdalo sa mga pagkakatipon o pagsamba. (Heb 10:25)  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw. Ang katuwiran nito, sapagkat ang Dios ay nasa kalagitnaan ng mga lingkod na nagkakatipon dahil sa Kaniyang pangalan. (Mat 18:20) Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.

Hindi din dapat bumangon ang pag-aalinlangan o mawalan ng pananampalataya ang isang lingkod na para bagang walang naipangakong muling pagbabalik ng Panginoong Hesus. Tandaan nating may pangako tungkol sa muling pagparito ng Panginoong Hesus. Ni huwag bumangon sa atin na para bagang walang pakinabang na maglingkod at manatili sa pananampalataya. (Mal 3:14)  Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin. 

Ni hindi din dapat bumangon ang pagkabalisa sa pamumuhay sa sanlibutang ito. Alalahanin natin ang mga salita ni Hesus. (Mat 6:31-33)  Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

Mahalaga din na makasanayan nating magpatawad sa mga nagkakasala sa atin, gaya ng paghingi natin ng kapatawaran sa ating mga nagagawang kasalanan. (Mat 6:14-15)  Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan. Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.

Higit sa lahat, anuman ang dumating sa buhay ng isang lingkod, ay mananatili siya sa paglakad sa kaloobang ng Dios. Hindi siya uurong o susuko sa kaniyang lakad sapagkat nalalaman niyang ito ay mahalaga sa paningin ng Dios. (Job 17:9)  Gayon ma’y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.

Ano ang magiging kapalaran ng ganitong panalangin at pagkilos ng isang lingkod ng Dios? 

Malinaw ang pahayag ng Biblia, ang isang lingkod na mananatili sa pagtatapat hanggang sa kamatayan ay magtataglay ng maligayang kawakasan. Ito ang dapat na pakanasain nating lahat. (Psa 37:37-40)  Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka’t may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan. Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay. Nguni’t ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya’y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan. At sila’y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka’t sila’y nagsipagkanlong sa kaniya.

Tandaan natin na mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng Kaniyang mga lingkod.(Awit 116:15)  Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal. Magkakaroon lamang ng kabuluhan ang ating buhay kung gagamitin natin ito sa paglilingkod at kung matapos man ito ay mapanatilihan naman ang pananampalataya.

Hindi dapat katakutan ang kamatayan, pinaghahandaan ito ng mga lingkod ng Dios.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers