“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan”—Matthew 11:30
Bawat isa sa atin ay may kanikaniyang pasan na binubuhat.
Ganito ang buhay nating lahat, mayaman man o mahirap, bawat isa ay mayroong hamon na sinasalunga. At kailangan ang pagtitiis para mapagtagumpayan ang mga pasaning ito. Mahalaga na maunawaan natin ang mga uri ng pasan na binubuhat natin at kung anu-ano ang mga layunin nito sa atin. At ito ang pinak-tema ng ating pagtalakay, pag-aaralan natin ang pamatok na binabanggit ng Biblia at kung ano ang aral na nais nitong ihayag sa ating lahat.
Bawat araw na ibinibigay sa atin ng Dios ay masasabi nating hindi madali. Kailangan nating malagpasan ang bawat araw na ito. Ngunit huwag naman sana nating isipin na tayo lamang ang nakakaranas ng mga bagay na ito. Maging ang lahing Israel noong araw ay nakaranas nito. Ang mga naunang Kristiyano ay naranasan din ang mga ito.
Nang pamunuan ni Rehoboam(anak ni Solomon) ang Israel bilang hari, nagkaroon ng pag-asa ang lahing Israel na mapagaan ang pasan na kanilang tinataglay. 1Ki 12:4 Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga’y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.Bagaman kinilala si Solomon bilang mahusay at matalinong hari, ang pagpapagawa niya ng mga gusali at sarisaring bagay ay nagdulot sa maraming Israelita ng mabigat na pasan. Hindi nila inaasam na alisin ni Rehoboam ang kanilang mabigat na pasan, manapa, nakiusap sila na pagaanin lamang ang pamatok na kanilang taglay.
Mahigit isang daang taon ang lumipas, nang humingi ang mga Israelita ng HARI para sa kanila, ay binalaan na sila ng Dios na mababasa natin sa 1 Samuel 8: 11-18, na sinasabi ni propeta Samuel na ang hari na kanilang pipiliin ay kukunin sa kanila ang maraming magagandang bagay at gagawin silang mga alipin. Datapuwat hindi nila pinakinggan ang pahayag ni propeta Samuel at humingi sila ng hari na kagaya ng ibang hari sa ibang mga bansa. (1 Samuel 8:19-20)
Mag-ingat tayo sa hinihiling natin, baka ibigay ito sa atin, gaya nang hari na hiniling ng Israel. Datapuwat ito ang nagdulot ng mabigat na pamatok na kanilang naging pasan ng maraming taon.
Ang Kahulugan ng PAMATOK
Bilang simbolo, ang pamatok sa Biblia ay nangangahulugan ng mabigat na trabaho o pasan (Panaghoy 3: 27).
Kadalasan ang kahulugan nito ay pagkaalipin o paglilingkod, gaya nang nakita nating pagkaalipin ng mga anak ni Israel sa Egipto (Levitico 26: 13). Nang babasbasan sana ni Isaac ang panganay niyang anak na si Esau, ang pamatok ng paglilingkod ay napasakay-Esau sapagkat ipinagbili niya ang kaniyang pagkapanganay kay Jacob na kapuwa tumanggap ng pagkapanganay at pagpapala mula kay Isaac. (Genesis 27:40)
Bawat isa ay napapasa-ilalim ng pamatok ng pagkaalipin sa kasalanan (Panaghoy 1: 14-Pamatok ng aking mga pagsalangsang ay hinigpit ng kaniyang kamay; mga nagkalakiplakip, nagsiabot sa aking leeg; kaniyang pinanglupaypay ang aking kalakasan: ibinigay ako ng Panginoon sa kanilang mga kamay, laban sa mga hindi ko matatayuan.)
Ang pamatok ay ginagamit din upang bigyang diin ang pagsasama ng dalawang bagay (2Co 6:14 Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka’t anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman?)
Samantala, ang literal na pamatok ay yaong may kurbadang hugis na inilalagay sa ibabaw ng leeg o batok ng mga baka, kalabaw o ng iba pang mga hayop na ginagamit sa paghila ng mabibigat na pasan o kariton. Ginagamit din ang pamatok sa mga hayop na ginagamit sa pag-aararo ng bukid.
Ang Pamatok na Bakal
Isa pa sa uri ng pamatok ay ang pamatok para sa mga mga tao. Ang pamatok na ito ay gawa din sa kahoy, at isinusuot sa balikat para mas madaling makapagbuhat ang isang tao ng mabigat na bagay. Sa Deuteronomy 28:48, binalaan ng Dios ang mga Israelita, na kapag nabigo silang paglingkuran SIYA nang karapatdapat, ay Kaniyang itutulot na ang kanilang mga kaaway ay pagsuotin sila ng “pamatok na bakal.”
Deu 28:48 Kaya’t maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, na may gutom, at uhaw, at kahubaran, at sa kakulangan ng lahat ng mga bagay: at lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.
Ang pamatok na bakal ay isang mabigat, at masasabing hindi masisiyahan ang sinumang magsusuot nito. Karaniwan ay ginagamit ito upang parusahan ang sinumang magsusuot nito. Binabanggit sa talata na ang pamatok na ito ay bilang kaparusahan bunga ng pagsuway sa mga kautusan ng Dios.
Kaya maaari nating sabihin at itanong sa ating mga sarili, na kung ang pamatok na taglay natin ay tila mabigat, hindi kaya ibang pamatok ang pasan natin?
Kung mali ang pasan nating pamatok, marahil ay kailangan nating magsiyasat nang husto sa ating mga sarili ( 2 Corinto 13:5). Tayo ba mismo ang naglagay ng pamatok na ito sa ating mga sarili? Kung hindi tayo magsisisi, higit na mabigat na pamatok ng kasalanan ang mararanasan natin.
Ilang beses nating sinisisi ang Dios sa mga pagsubok na dumadating sa ating mga buhay, ngunit sa katotohanan pala ay bunga ang mga ito ng ating pagtalikod sa Dios at pagiging maka-sanlibutan. Ito ang pamatok na bakal na kusa nating isinuot sa ating mga sarili.
Kung hindi natin kinikilala ang ating mga pagkakasala, o di kaya ay hindi natin iniisip ang kalagayan ng ating mga kaluluwa, kung magkagayon ay muli tayong nagbabalik sa pagka-alipin pagkatapos na tayo ay lumaya dahil sa biyaya ng Dios.
Nakasulat sa Jeremias 1:14, Pamatok ng aking mga pagsalangsang ay hinigpit ng kaniyang kamay; mga nagkalakiplakip, nagsiabot sa aking leeg; kaniyang pinanglupaypay ang aking kalakasan: ibinigay ako ng Panginoon sa kanilang mga kamay, laban sa mga hindi ko matatayuan.
Nakasaad sa 1 Corinto 10: 13, na hindi tayo binibigyan ng Dios ng mga pagsubok na hindi natin kaya.
1Co 10:13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.
Kaya nga, hindi kailangan na tayo ay magkasala, hindi kailangan na pasanin natin ang pamatok ng pagsalansang sa ating mga leeg. Sinabi ni Apostol Juan na ang pag-iingat ng mga kautusan ng Dios ay hindi mabigat na pasanin.
1Jn 5:3 Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.
Ang pasanin natin ay hindi mabigat na gaya nang iniisip natin. Magagawa natin itong mapagaan kung susunod lamang tayo sa kung ano ang kalooban ng Dios. Gayunpaman, hindi man ito mabigat, hindi din naman ito madaling ganapin. Kailangan ang lubos na disiplina sa sarili para maisakatuparan ang mga ito. Sinumang nag-iisip na ang buhay Kristiyano ay hindi kailangan ng pagkilos ay maaaring magkamali.
Hindi sinasabi ng DIOS na hindi na natin kailangang kumilos. Hindi Niya sinabi na hindi na natin kailangan ang pagtitiis. Hindi Niya sinabi na ang buhay Kristiyano ay walang sakit, pagdurusa o sakripisyong mararanasan.
Ang Magaan na Pasan
Sinabi ni Hesus,
Mat 11:28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. Mat 11:29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Mat 11:30 Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.
Nauunawan ni Hesus ang mga pasanin na mararanasan natin sa sanlibutang ito. Nauunawaan Niya din ang mabigat na pamatok ng kasalanan kung ito ay mararanasan nating mga tao. Ang kasalanan ay mayroong kapangyarihan upang sirain kung ano ang nais ng Dios na ipagkaloob sa atin, at ito ay yaong wagas at dalisay na pakikipag-ugnayan natin sa Kaniya.
Sinabi ni Hesus, laksan natin ang ating mga loob, dahil napagtagumpayan Niya ang sanlibutan (Juan 16: 33).
Sa katotohanan ay hindi na natin kailangang pasanin ang mabigat na pasanin, sapagkat pinasan na ito ng ating Panginoong Hesus. Kapag iniisip natin ang pamatok, karaniwan ay nasa isip natin ang pagka-alipin at paglilingkod, hindi na natin kailangan pang ulitin ang mga ito.
Isipin natin ang kasaysayan ni Samson, bulag, mahina at pilit na itinutulak ang malalaking haligi, na ang bawat pagkilos niyang gawin ay nagdudulot sa kaniya ng sakit. Sa katotohanan, ang pamatok ay isang uri ng instrumento na magagamit natin upang lalong gumaan ang isang gawain.
Higit sa lahat, si Hesus na ating tagapagligtas ay nag-alay ng Kaniyang pamatok para sa atin. Mayroon pa bang pamatok na higit na magiging karapatdapat dito?
Ang pamatok ni Hesus ay magaan at nagdudulot ng kapahingahan. At huwag tayong mag-alala sapagkat tutulungan tayo ng Dios upang ang bawat pasan natin ay ating makayanan at upang matapos natin ang nasimulan nating mga paglilingkod.
Sa talatang 28, sinasabi na bibigyan Niya tayo ng kapahingahan. Ang kapahingahang ito ay nakaukol sa ating mga kaluluwa. Walang hanggang kapahingahan ito na sa sinumang magtatagumpay.