Walang matuwid na hindi nagkakasala. Lahat tayo ay nagkakamali, at kung nagkakamali tayo ay hindi naman nangangahulugan na pinalalagpas ng Dios ang lahat ng mga ito.
Ang Dios ay hindi lamang Dios ng pag-ibig, sagana sa kagandahang loob at pagpapahinuhod, kundi Siya ay Dios din naman ng katarungan. Nangangahulugang Siya ay Dios na marunong din magparusa, lalo pa nga sa Kaniyang mga lingkod.
Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit, ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob. (Awit 6: 1) Hindi liko ang Dios para hindi makita ang kamaliang nagagawa nating mga tao, lalo na sa mga lingkod Niya. Taglay din ng Dios ang katangian na magkaloob ng disiplina sa layuning maturuan ang nagkamali upang hindi na muling gawin ang nagawang pagkakamali. Sadyang tumatanggap ng kaparusahan ang mga taong ayaw magpasakop sa Kaniya. (Colosas 3: 6) Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga taong ayaw pasakop sa kanya.
At marami ang sadyang nagkakasala sa Dios bunga ng paglabag sa Kaniyang mga kautusan subalit hindi makaliligtas ang mga ito sa kaparusahang nagmumula sa Dios. (1 Juan 3: 4) Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan.
Alam ng Dios na malimit tayong magkamali o magkasala sa Kaniyang paningin.
Kaya naman, binibigyan din tayo ng Dios ng pagkakataon na magsisi, magbago ng pag-iisip at magbalik-loob sa Kaniya. Hindi din naman Siya kaagad na nagpaparusa, kundi hinihintay muna na magsisi at magbalik sa Kaniya.
Subalit ang sabi ng Biblia, may mga taong sadyang laging nagkakamali sa kanilang mga puso. At isa ito sa mga dahilan kung bakit nagagalit ang Dios sa mga tao. (Hebreo 3: 10) Kaya’t napoot ako sa kanila at sinabi ko, ‘Lagi silang lumalayo sa akin, ang mga utos ko’y ayaw nilang sundin.’
At kapag nagpatuloy ang mga taong yaon na palagiang gumagawa ng kasamaan, paulit-ulit at hindi man lamang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang mga yaon ay nanganganib na mapahamak. (Kaw. 29 : 1) Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas; ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
Madami na din ang nakatikim ng pagsaway ng Dios ayon sa tala ng Banal na Kasulatan. Napasulat ang mga ito sa ikatututo natin.
Ang Parusa kay Nadab at Abihu - Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap sa Dios. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ng Panginoon. Kaya’t mula sa Dios ay lumabas ang apoy at tinupok sila. (Lev. 10: 1-2) Nakatikim sila ng parusa bunga ng kanilang kapangahasan.
Ang Parusa kay Uza – (2 Sam. 6:6-7) Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, sapagkat kanilang dinala ang kaban ng Tipan, kinuha nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Natalisod ang mga baka kaya’t hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit ang Dios at siya’y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di’y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan.
Ang Israel ay Pinarusahan – Maraming pagkakataon na ang Israel ay tumalikod sa Dios. Dalawampu’t isang taong gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod sa Dios. Hindi siya nagpakumbaba at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ng Panginoon.
Naghimagsik si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ng Dios para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan. Gayunman, dahil sa habag ng Dios sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabale-wala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito’y umabot sa sukdulan ang galit ng Panginoon sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa. (2 Cronica 36: 11-16)
Ang Parusa sa magasawang Ananias at Zafira- Mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya’y inilibing.
Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?” “Oo, iyan lamang,” sagot ng babae.
Kaya’t sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!”
Noon di’y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya’t inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. (Gawa 5 : 1 – 10)
Ang kasalanan nina Janes at Jambres – At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.(II Tim. 3 : 8 – 9)
Ang mga ito ay napasulat sa ikatututo natin.
May dahilan ang lahat ng bagay, at ang mga naparusahang ito ay hindi nakalugod sa Dios, manapa, ikinagalit ng Dios ang kanilang mga gawa, kaya’t sila ay naparusahan.
Ano lamang ang nais ituro nito sa atin?
Ang wika nga ni Pablo, Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan. Kaya’t mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, at baka siya matisod. (I Cor. 10: 6, 11-12) Pinag-iingat tayo nang lubos sapagkat maaaring maganap din naman sa atin ang mga nangyari sa kanila kung hindi tayo mag-iingat.
Kaya mahalaga ang pagsisiyasat sa sarili gaya nang payo ng Biblia. Ang pagsisiyasat ay mabisang paraan upang makilala natin at malaman kung tayo ay lubos pang nananatili sa pananampalataya o hindi na.
Malinaw ang pahayag ng Biblia, ang lingkod na matuwid ay mananatili sa pananampalataya, ngunit ang masama ay mabubuwal dahil sa kaniyang kasamaan. Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan. Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya, ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa. (Kaw. 11 : 5 – 6)
At kapag ang matuwid ay nabubuwal, ang Dios ay nangakong lagi nang aalalay. Lakas ng masama ay aalisin, ngunit ang matuwid ay kakalingain. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat ang Dios, sa kanya’y tutulong.(Awit 37 : 17, 24)
Dahil iniibig ng Panginoon ang matuwid, at hindi Niya ibig na sila ay mapahamak. Sinasaway ng Panginoon ang Kaniyang mga iniibig. Aking anak, ang saway ng Dios ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya’y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang. (Kaw. 3 : 11 – 12)
Papaano sinasaway ng Panginoon ang mga lingkod na Kaniyang iniibig?
Ang Dios ay Dios ng katarungan. Hindi Siya nagpaparusa kaagad at kung sawayin Niya ang Kaniyang mga lingkod, sinasaway Niya sila ng kahatulan o katarungan. Sinasaway sa pamamagitan ng kahatulan. (Jer 10:24) Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni’t sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako’y iuwi mo sa wala.
At ang kahatulan ng Panginoon ay hindi dapat pangambahan sapagkat ang Kaniyang kahatulan ay pawang matuwid. (Awit 19:9) Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
Ang Dios ay humahatol ayon sa Kaniyang mga katuruan, ayon sa Kaniyang mga Salita, at lahat ng mga yaon ay pawang daan ng buhay. (Kaw. 6:23) Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:
Gaya ng isang ama na umiibig sa kaniyang anak, ang Dios ay naglalaan ng kaparusahan sa Kaniyang mga lingkod sa ikatutuwid. (Heb. 12 : 5 – 6) At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak.
May layunin ang Dios sa Kaniyang pagsaway. Sinasaway tayo sa ngayon, upang tayo ay mangatuto at maituwid upang hindi mahatulang kasama ng sanlibutan sa araw ng Kaniyang dakilang paghatol. (1 Co 11:32) Datapuwa’t kung tayo’y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.
Kung ang Dios ang nagpaparusa sa Kaniyang mga lingkod, ano ang payo sa ilan na sumasalansang at lumalakad sa kawalang kaayusan?
Tungkulin ng bawat isa, lalo na ang kapangasiwaan o mga tagapangaral na sawayin ang bawat kapatid na nagsisigawa ng kamalian. Ngunit gagawin nila ito ng buong kaamuan at hindi may pagka-Panginoon. (II Tim. 2 : 25 – 26) Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila’y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, At sila’y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.
Gagamitin din sa pagpapayo at pagsaway na may kaamuan ang mga salita ng Dios gaya nang pahayag ni Apostol Pablo. (2 Tim 3:16) Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
Ngunit kung kinakailangan, ang pagsaway ay dapat ding may kabagsikan. Sa ganitong paraan, tubuan ng takot kapuwa ang sinasaway at maging ang ilan na nakasasaksi sa pagsaway. Dahil dito’y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya, ( Tito 1 : 13)
Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama’y mangatakot. (1 Tim 5: 20)
Kung tayo man ay makaranas ng pagsaway ng Dios, paano natin ito dapat tanggapin sa ating buhay?
(Job 5:17) Narito, maginhawa ang tao na sinasaway ng Dios: kaya’t huwag mong waling kabuluhan ang pagsaway ng Makapangyarihan sa lahat. Mapalad ang taong nakakasumpong ng pagsaway ng Dios, sapagkat ang ibig sabihin nito ay napaguukulan pa din siya ng pag-ibig ng Dios. Kapag ang sinuman ay hindi na sinasaway ibig sabihin ay pinabayaan na ito ng Dios.
Kaya samantalang nakaririnig ng mga aral o mga salita ng Dios, na waring tayo ay pinaaalalahanan, sinasaway nang ayon sa katuwiran, hindi tayo dapat magalit sa nangangaral, hindi tayo dapat magmatigas sa mga salitang ating napakikinggan, kundi tanggapin natin na may kaamuan ang mga salitang ating napakikinggan. (Heb 3:15) Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi.
Alalahanin natin ang pahayag ng Biblia, nasa huli ang pagsisisi. Ngayon ay sinasaway tayo sa ikatutuwid, ngunit kung hindi natin ito tatalimahin ay maaaring ikapahamak natin ito. (Kaw 5:11-13) At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw, At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway: Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!
Tandaan ang wika ng Biblia, Heb 12:25 Pagingatan ninyong kayo’y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka’t kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit:
Psa 94:12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.