Ang Pagpapalago ng Relasyon sa Dios

Sinong makapagsasabi na hindi mahalaga ang pakikipag-relasyon sa Dios?

Mahalaga na magkaroon tayo ng mabuting ugnayan sa Dios, ngunit hindi nangangahulugan na sapat na ito upang magkamit tayo ng kaligtasan. Bahagi lamang ito ng mga bagay na kailangan nating gawin upang magkamit ng kaligtasan. Ang tanong lamang, kumusta naman ang UGNAYAN natin sa Dios? Umuunlad ba ito o pahina-nang-pahina?  Mayroon ba tayong kaugnayan sa Dios?

Una, alamin muna natin kung paano magkakaroon ng UGNAYAN sa Dios. Naniniwala kami na ang ugnayan o relasyon natin sa kaniya ay hindi lamang Manlilikha-at-Nilikhang relasyon. Higit pa sa rito, hangad ng Dios na tayo ay maging Kaniyang mga ANAK, karapatdapat sa Kaniyang habag, pag-ibig at pagkukupkop. Sinabi ni Hesus, “sapagka’t iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga’y siya na nasa langit.” (Mateo 23:9)  at nang turuan Niya ang mga Apostol na manalangin, itinuro Niya na, “Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Bagaman mayroong ilan na naniniwalang hindi Ama ang Dios, gaya nang sinasabi ng kanilang mga banal na aklat, sa Biblia ay ilang beses na masusumpungang ang Dios ay Ama ng bawat kumikilala sa Kaniya.

Kung ang Dios ay AMA, kung gayon, tayo ay Kaniyang mga anak. Walang APO ang Dios, kundi mga anak lamang na babae o lalake. Nangangahulugan ito na bawat isa ay tumatayo sa kaniyang sarili, naglilingkod sa kaniyang sarili bilang indibiduwal at nagtataglay ng pananampalataya sa kaniyang sarili. Wala tayong maililigtas kundi ang ating mga sarili. At ito ay magagawa ng pananampalataya na taglay natin sa ating mga sarili.

Subalit, paano tayo magiging mga anak ng Dios?

Nangangahulugan ba na ang lahat ng Kaniyang mga nilikhang tao ay itinuturing Niyang Kaniyang mga anak? Maituturing bang lahat ng tao ay mga anak ng Dios? Sinabi ni Hesus, “Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.” (Juan 8:44) Tinutukoy dito ni Hesus ang mga tao sa Kaniyang kapanahunan, na nagpapakita ng katangian bilang mga anak ng diablo. Ginagawa nila ang kalooban ng kanilang amang diablo, at hindi ang kalooban ng Dios, sapat upang patunayan na hindi lahat ay anak ng Dios, kundi mayroon talagang mga anak ng diablo. Hindi lahat ng tao ay naniniwala at sumasampalataya sa Dios at sa Panginoong Hesus. Hindi lahat ay tumutupad ng Kaniyang mga utos, hindi lahat ay hinahanap ang Kaniyang kaharian at hinahanap ang Kaniyang mga kalooban. Hindi maaaring ituring na mga anak ng Dios ang mga taong hindi naniniwala sa Kaniya.

Paano ba ang maging ANAK ng Dios? Nagpakita si Hesus ng mga halimbawa na dapat nating sundan, at isa na dito ang kaparaanan kung paano magiging anak ng Dios. “Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:” (1 Pedro 2:21) Magiging mga anak tayo ng Dios kung gagawin natin ang mga bagay na nararapat gawin at mga bagay na ayon sa Kaniyang kalooban. Nang pumaroon si Hesus sa ilog ng Jordan upang pabautismo kay Juan, sinansala siya ni Juan, subalit kaniyang ipinahayag,  “Payagan mo ngayon: sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo’y pinayagan niya siya.” (Mateo 3:15) At pagkatapos ay bumaba ang espiritu santo sa Kaniya at may narinig na tinig na nagsasabi, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Hindi ang kahayagan ni Hesus ang pinatutungkulan ng pangyayaring ito. Ang pangyayaring ito ay nagtuturo ng kaparaanan kung paano na ang bawat isa ay magiging mga anak ng Dios. At ito ay sa pamamagitan ng iniwan Niyang halimbawa, na sinumang gaganap ng kalooban ng Ama, ng mga bagay na karapatdapat ay binibigyan ng karapatang tawaging Kaniyang mga anak.

Bawat isa na gumaganap ng Kaniyang kalooban at tumatanggap sa Kaniya ay pinagkalooban Niya ng karapatan upang Kaniyang maging mga anak. Joh 1:12  Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Joh 1:13  Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios. Datapuwat, sinasabi dito na kailangang ipanganak ang tao hindi sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

Ang mga unang mga Kristiyano ay naging mga anak ng Dios sapagkat ginawa nila ang karapatdapat gawin upang maging mga anak ng Dios, at ito ay sa pamamagitan ng pagtanggap o pagsampalataya sa mga Salita ng Dios, maging matibay sa pananampalataya, sa pakikisama sa iglesia ng Dios at pananatili sa pananampalatayang kanilang tinanggap mula sa Dios. Naging mga anak sila ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus. Gal 3:26  Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. Gal 3:27  Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Gal 3:28  Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. Gal 3:29  At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Datapuwat pansinin natin na ang pagiging anak ng Dios ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagsampalataya o pagtataglay ng pananampalataya, kundi kailangang kalakip nito ay ang pagtanggap ng bautismo. Bawat isa na tumanggap sa Kaniyang pangalan, ay nabautismuhan, at bawat isa na nabautismuhan ay naparagdag sa iglesia ng Dios.
Act 2:41  Then they that gladly received his word were baptized: and the same day there were added unto them about three thousand souls. Act 2:47  Praising God, and having favour with all the people. And the Lord added to the church daily such as should be saved. Ito ang ugnayan o relasyon na tataglayin ng bawat isa na tumanggap sa Kaniya, ang Dios ay magiging Ama ng bawat isa na magiging bahagi ng Kaniyang iglesia, at ang bawat isa na ito ay kikilalanin naman Niyang Kaniyang mga anak.

Hindi sapat na magkaroon ng ugnayan o relasyon sa Dios. Pero higit na mainam kung higit pang mapapaunlad o mapapabuti ang relasyon sa Kaniya. Mga anak ang turing Niya sa atin na gumaganap ng Kaniyang kalooban, at Siya ang ating Ama. Sa loob ng tahanan, mahalaga din ang pagkakaroon ng mabuting pakikitungo. Bawat isang miyembro ng pamilya ay dapat mag-ukol ng pag-ibig, respeto at malasakit sa isa’t isa. Ang mga magulang ang siyang pangunahing dapat na nagtuturo nito sa kanilang mga anak, at ang mga anak naman ay dapat na tumalima sa mga itinuturo ng kanilang mga magulang. Ganito din sa sangbahayan ng Dios, Siya bilang Ama, ay naghahangad na ang Kaniyang mga anak ay tumatalima sa Kaniya sa katotohanan at pag-ibig. Sa pamamagitan nito, gaya nang pamilyang nagkakaisa at may pag-ibig, sa bahay ng Dios ay maganap din ito at makita Niya na ginagawa ang Kaniyang ibig.

Unahin natin sa ating sariling mga sambahayan. Marami na ngayon ang masyadong abala sa maraming mga bagay at nakakaligtaan nang pagtuunan ng pansin ang pagbubuklod ng pamilya. Bawat isa ay maykanikaniyang kaabalahan. Ang mga asawang lalaki ay mas maligaya sa kanilang mga kaibigan kaysa sa kanilang sariling pamilya. Ang mga babaeng asawa naman ay abala sa maraming mga sosyalan sa halip na asikasuhin ang kanilang mga anak. At ang mga anak, palibhasa nararamdamang sila ay napapabayaan ay nagrerebelde at humahanap ng kaligayahan sa mga barkada, bisyo at kalayawan. Ito ay nangyayari sa kakulangan ng mabuting ugnayan o relasyon sa loob ng tahanan.

Natutunan natin sa mga paaralan na ang pamilya ang pangunahing pundasyon ng lipunan. Habang lumalago ang kaalaman at teknolohiya, lumalayo naman ang relasyon o ugnayan ng bawat isang sangkap ng pamilya. At dahil dito, hindi na naging kumportable para sa mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga tahanan. Hindi na po ito dapat pagtakahan, sapagkat sinabi ng Biblia na darating ang mga araw na ang panahon ay magiging mapanganib. Sinabi ni Pablo, 2Ti 3:1  Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. 2Ti 3:2  Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, 2Ti 3:3  Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, 2Ti 3:4  Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; 2Ti 3:5  Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito. Kaya, kung ganito man ang takbo ng sanlibutan, hindi na ito dapat pang kagulatan. Ngunit, ang mga lingkod ng Dios ay hindi ganito. Iba ang kaisipan ng mga lingkod ng Dios, sapagkat sila ay tinuruan ng kalooban ng Dios. At maging sa pag-aasikaso ng relasyon ng sambahayan ay mulat ang mga lingkod ng Dios sapagkat bahagi ito ng paraan ng pamumuhay ng mga Kristiyano.

Naniniwala kami na na ang pamilya na sama-samang dumudulog sa Dios ay nagiging matatag at mapayapa. Marami sa mga magulang ngayon ang nakakalimutang ipasa o turuan ang kanilang mga anak sa espirituwal na bahagi ng pamumuhay, ito ay sa kadahilanang sila man ay walang kaalaman upang ipamulat sa kanilang mga anak. Ito ang dahilan kung bakit marami sa ngayon ang hindi maka-Dios. Nagsisimula sa pamilya ang lahat.

Ang mga anak ay tinutularan ang kanilang mga magulang, lalo na sa pagiging maka-Dios. Kapag nakikita ng mga anak ang pagiging relihiyoso ng kanilang mga magulang, at kasabay pa nito ay nagagabayan at natuturuan ng tama at ayon sa kalooban ng Dios, ang mga anak ay lumalaking responsable at maka-Dios. Sinabi ng Biblia, “At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.” (Isaias 59:21) Sa mga unang lingkod ng Dios ay ipinayo na ituro ito sa kanilang mga sangbahayan, at sa mga susunod pa nilang mga lahi ang mga salita ng Dios. Noon pa man ay hangad na ng Dios na magkaroon tayo ng pamilyang nabubuklod sa pagkakaisa sa Kaniyang mga salita at katuwiran.  Kaya, tungkulin ng bawat isa na hubugin ang kanilang mga anak sa ikatututo ng katuwiran ng Dios.

Tungkulin ng mga magulang na imulat ang kanilang mga anak sa Kalooban ng Dios. Sinabi ng Biblia, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6) Tungkulin nating mga magulang na sanayin ang mga anak sa paglilingkod at pagbibigay lugod sa Dios. Halimbawa ay sa panalangin, kapag tayo ay mananalangin, hayaan nating nakikita tayo ng ating mga anak na nagbibigay ng sapat na panahon sa pakikipag-usap sa ating Lumikha. Sa pamamagitan nito, ay lumaki silang mayroon ding pakikipag-ugnay na ginagawa sa Dios.

At habang ang sambahayan natin o pamilya ay lumalago sa pakikitungo o relasyon sa Dios, ang pamilya ay magiging matatag, mapayapa at maligaya, sapagkat nabubuklod ng pagkakaisa sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Isa sa dapat pag-ukulan ng pansin ay ang pakikipag-ugnay o ang tinatawag na komunikasyon. Ang komunikasyon, sa anumang samahan, lalo na sa loob ng sambahayan ay napakahalaga. Ang isang pamilya na nakapag-uusap ng malaya, may bigayan at bukas sa isa’t isa ay nagiging matibay sa pagsasama-sama.

Ngunit bawat isa ay may tungkulin ding mapalago ang kaniyang relasyon sa Dios. Ano ang mga paraan upang lalo nating mapalago, mapa-unlad at mapabuti ang relasyon nating ito sa ating AMA- ang Dios?

Sa loob ng pamilya, mahalaga ang pagkakaroon ng pamalagiang komunikasyon na mayroong respeto at pag-ibig sa isa’t isa, na siyang pangunahing mga bagay sa ikapagkakaroon ng mabuting pamilya. Nais ng mga magulang na laging nakikipag-usap sa kanilang mga anak. Gusto nilang marinig lagi ang kanilang mga anak- sapagkat mahal nila ang kanilang mga anak.

Isang paraan upang marinig tayo ng Dios ay sa pamamagitan ng PANALANGIN. Sa pamamagitan nito, ay naipaparating natin ang ating mga kahilingan at daing sa Ama na Lumikha sa atin. Dinidinig Niya ang ating mga panalangin at nalalaman Niya kung ano ang makabubuti para sa atin. Ang panalangin ay isa sa mga epektibong paraan upang lalo nating mapaunlad ang ating relasyon sa Dios. Ang mga lingkod ng Dios ay alam ang kahalagahan at kapangyarihang magagawa ng panalangin sa kanilang mga buhay.

itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng panalangin sa pamamagitan ng talinhaga. (Lukas 18:1) At maging si Apostol Pablo ay nagpapayo sa mga kapatid sa iglesia na manalanging palagi at walang patid. (1 Tesalonica 5: 17)

Ang haring si David, ay naging malapit sa Dios sa pamamagitan ng Kaniyang walang patid na pananalangin. Nakikipag-usap siya sa Dios tuwing umaga, sa tanghali at maging sa gabi. “Psa 55:16  Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon. Psa 55:17  Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako’y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig.” Ang Dios ang kaniyang kaligtasan at sa tuwina ay ipinararating niya ang kaniyang karaingan sa Dios sa pamamagitan ng pagdaing, paghibik o panalangin. Psa 88:1  Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako’y dumaing araw at gabi sa harap mo:

Muli, nagpakita ng halimbawa si Hesus na itinuro ang kahalagahan ng panalangin. Bago Siya tumawag ng Kaniyang mga alagad ay nanalangin Siya nang buong magdamag. Itinuturo nito, na kung may napakaselan at napakahalagang bagay na kailangan nating gawin, ang panalangin ay makatutulong upang magawa natin ito nang ayon sa kalooban ng Dios. (Lukas 6:12-13) Ang panalangin din ang itinuro Niya sa mga alagad upang maging matatag sa pagharap sa mga bagay na kanilang kailangang maranasan.(Lukas 21:36)

To know more about prayers, please click the following links: (1), (2) and (3).

Ang pagtawag o panalangin sa Dios ay maaaring gawin bilang isang pamilya at maari din gawing pangbuong kongregasyon. Makakatulong ito upang lalong mapaunlad ang relasyon natin sa Dios. Hindi nagtatagal ang relasyon kung walang pamalagiang komunikasyon. Nais ng Dios na patuloy tayong nakikipag-ugnay sa Kaniya sa pamamagitan ng panalangin, at lagi nating pakatandaan na ang Dios ay lagi tayong pinakikinggan.

Bukod sa panalangin, mayroon pa bang ibang paraan upang mapaunlad ang relasyon natin sa Dios na ating Ama?

Ang pakikipag-usap sa Dios sa pamamagitan ng panalangin ay isang mahalagang sangkap upang mapaunlad natin ang ating relasyon sa Dios na ating Ama. Siya ay Ama na umiibig sa atin at hangad Niyang sa tuwina ay naririnig tayo na Kaniyang mga anak. Sa pamamagitan ng panalangin, mayroon tayong kalayaan at pagkakataon na maiparating ang ating mga hiling, daing, kalakip ang pagpupuri at pagpapasalamat sa lahat ng Kaniyang kabutihan sa atin.

Ngunit ang relasyon ay dapat maging dalawang direksiyon. Hindi naman tama na laging ang mga anak ang nagsasalita sa pamilya. Ang mga magulang ay dapat ding nagsasalita habang ang mga anak ay nakikinig. Gayundin sa relasyon ng Dios sa ating Kaniyang mga anak, kailangang hindi lamang natin matutunan na magsalita sa Kaniya, kundi higit sa lahat ay matuto tayo na MAKINIG sa Kaniya.

Paano tayo makikinig sa Dios? Paano ba nakikipag-usap ang Dios? Noon, ang Dios ay nakikipag-usap sa pamamagitan ng mga Propeta at ito ay ginagawa Niya sa iba’t-ibang kaparaanan. Heb 1:1  Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, Sa huling araw ay sa pamamagitan ni Hesus, Heb 1:2  Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya’y ginawa ang sanglibutan; Ang mga salita ng Dios ay naisulat sa pamamagitan ng mga balumbon ng mga kasulatan sa patnubay ng Banal na Espiritu ng Dios, kaya’t makakatiyak na ito ay lubos na mapagkakatiwalaan.

Sa pamamagitan ni Hesus, ang Evangelio ay ipinangaral, at sinumang tumanggap at sumampalataya at mabautismuhan ay magtatamo ng kaligtasan. Ito ang naging bilin ni Hesus sa Kaniyang mga alagad, “Mat 28:19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Mat 28:20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”

Ayon kay Apostol Pablo, na nangaral sa mga Gentil, ang PAKIKINIG ay mahalaga. Kahit sa ating mga magulang, mahalaga na tayong mga anak ay matuto na makinig sa kanila. Walang magulang na masama ang naging hangarin sa kanilang mga anak, maliban na lang sa mga wala na sigurong katinuan ang pag-iisip. Bakit mahalaga ang pakikinig ayon kay Apostol Pablo? Sapagkat ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng mga salita ni Cristo. (Roma 10:17) Nagtatamo ang tao sa pamamagitan ng pakikinig ng salita ng Dios. Ang pananampalataya ay mahalaga, sapagkat kung walang pananampalataya, sinuman ay hindi magiging kalugod-lugod sa Dios. (Hebreo 11:6) Sa pamilya, ang tinig ng mga magulang ay mahalaga. Ang laman ng kanilang mga tinig ay nagtataglay ng hangaring matuto tayong mga anak sa buhay na ito ng tamang paraan ng pamumuhay.

Bilang mga lingkod ng Dios, hayaan nating ang mga salita ng Dios ay kausapin tayo, Ano ba ang gusto Niyang gawin natin? Alamin natin ang Kaniyang mga kalooban, para naman hindi na lang ang laging nasusunod ay tayo. Ang mga salitang ito ng Dios ay dinidinig natin sa bawat pagkakatipon na ating dinadaluhan. Ito man ay pagsamba, Bible Study oPulong panalangin, ang layunin nito ay iisa, pag-aralan at pakinggan ang mga salita ng Dios. Mahalaga na makinig tayo sa gustong sabihin ng Dios na ating Ama, gaya naman ng nais ng ating mga magulang sa ating sambahayan. Hangad ng Dios ang pinakamabuti para sa atin, kaya nga sinabi Niyang “magpakasakdal tayo, sapagkat ang Ama na nasa langit ay sakdal.” (Mateo 5:48) Ang pakikinig ng Kaniyang mga salita ang magpapasakdal sa atin, lilinis sa ating mga karumihan, magtuturo sa atin sa ikatutuwid, sa ikatututo na nasa Katuwiran.  2Ti 3:15  At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 2Ti 3:16  Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios aymapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: 2Ti 3:17  Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Bilang AMA, ang mga salita ng Dios ay kung pagka-minsan nakasusugat at nakasasakit ng kalooban; minsan napakahirap tanggapin, gaya nang salita ng ating mga magulang sa atin. Ang mga salita ng Dios ay nagtutuwid, at ito ang salita ng isang AMA sa Kaniyang ANAK. At kumbaga sa magulang, masakit man ang mga salita, ang layunin ay hutukin tayo sa magandang pag-uugali upang mabuhay na marangal at mabuti sa harap ng ating mga kapuwa tao. Gayundin ang Dios, ang tingin Niya sa atin ay Kaniyang mga Anak, at bilang mga anak, hangad ng Dios na ipagmalaki tayo na naturuan ng Kaniyang mga katuwiran. Kung masakit man ang mga salita, tanggapin natin ito nang may kaamuan, sapagkat ito naman ay maghahatid sa atin sa kasakdalan ng pananampalataya.

May babala lamang ang Dios sa ating lahat. Kung makikinig tayo ng Kaniyang mga salita, kailangang isakabuhayan natin ang mga ito.Walang kabuluhan ang pakikinig kung hindi ito ginaganap. Ang pakikinig at pagtupad ay isang kaparaanan upang lalo nating mapabuti ang ating relasyon sa Dios. Jas 1:21  Kaya’t ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa. Jas 1:22  Datapuwa’t maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili. Jas 1:23  Sapagka’t kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin: Jas 1:24  Sapagka’t minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya’y umaalis at pagdaka’y kaniyang nalilimutan kung ano siya. Jas 1:25  Nguni’t ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa.

Kaya nga, hindi dapat na pinapabayaan o winawalang-kabuluhan ang mga pagkakatipon. Bawat pagkakatipon ay pagkakataon upang pakinggan ang mga Salita ng Dios, na Siyang kinaroroonan ng pagka-alam o pagkatuto sa Kaniyang mga banal na kalooban. Sa mga pagkakatipon, dinidinig natin ang mga salita ng ating AMA, at lalong lumalapit ang ating kalooban sa Kaniya. Heb 10:25  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

Mayroon pa bang paraan na itinuturo ang Biblia upang lalong mapabuti ang ating relasyon sa Dios, bukod sa pakikipag-usap (panalangin) at sa pakikinig (pag-aaral ng Kaniyang mga Salita)?

Ang DIOS, na Siyang ating Ama, ay nalalaman at nakikilala ang Kaniyang mga anak. Alam Niya ang laman ng kanilang puso at pag-iisip. At mahalaga para sa Dios, bilang Ama, ang nilalaman ng ating mga puso at kalooban, kung ito ba ay malinis at ayon ba sa Kaniyang kalooban. Ang laman ng ating mga puso ay halos kapareho ng nilalaman ng ating mga pag-iisip. Sa Biblia, kapag pinag-uusapan ang laman ng puso, tumutukoy ito sa kung ano ang katangian ng pagkatao, laman ng isip at kalooban. Madaling makilala ng Dios ang Kaniyang mga lingkod, sapagkat Siya ay tumitingin hindi sa panlabas na anyo, kundi sa puso. Nililiwanag nito, na sa Dios, mahalaga ang laman ng puso at kaisipan. “sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” (1 Samuel 16:7)

Pag-aralan nga natin ang laman ng ating puso at kalooban. Sino sa akala natin ang nakakaalam nito? Wala! Ang nakaka-alam lamang ng laman ng ating kalooban ay ang Dios, na nakakaalam ng lahat ng mga bagay at tayo mismo sa ating mga sarili. “Sapagka’t sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya?” (1 Corinto 2:11) Ang laman ng ating mga kalooban ay kadalasang lingid o nakatago sa marami, ngunit hindi sa Dios. Subalit, kadalasan ang laman ng ating puso at kalooban ay naipapakita sa pamamagitan ng salita at ng mga gawa.  Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao’y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka’t sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lukas 6:45) Ang kabutihan at kasamaan ng tao ay nagmumula sa kaibuturan ng kaniyang kalooban at nahahayag lamang ito sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at paggawa. Kaya kapag ang tao ay masama, masama din ang laman ng puso nito. Ngunit kung ang gawa ng tao ay mabuti at matuwid, nagmumula ito sa kaniyang puso at kalooban.

Isa sa paraan ng pag-alam o pag-aaral ng laman ng ating mga puso at kalooban ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay o meditasyon. Kadalasan, ang panalangin at meditasyon ay napagkakamalang pareho. Bagaman, kapuwa nangangailangan ng sapat na panahon kapag ito ay isinasagawa, magkaiba ang mga ito sa maraming mga bagay. Sa Biblia, ang meditasyon o pagbubulaybulay ay paraan upang maintindihan nating lubos ang kalooban ng Dios. Sa pamamagitan nito, sinisikap nating alamin ang mga bagay na kailangan pa nating isagawa, isapuso at isakalooban upang lalong mapabuti natin ang ating relasyon sa Dios at paglago ng ating pananampalataya sa Kaniya. Ito ang pangunahing layunin ng pagsasagawa nito. At gaya nang panalangin – sapat na panahon ang kailangan upang ito ay maisagawa natin. Gaya nang ating mga magulang na binigyan tayo ng sapat na panahon at hindi nagpabaya sa atin, tayong mga anak ay dapat ding magkaloob ng sapat na panahon sa kanila. Ganito din tayo dapat sa Dios na ating Ama, na makita Niyang naglalaan tayo ng panahon sa pananalangin at pagbubulaybulay.

Sa maraming mga tao, ang meditasyon ay isang espirituwal na rituwal. Maging sa ilang mga mananampalataya, ang pagbubulaybulay ay isang bagay na napakahirap gawin. Hindi man tuwirang sinasabi ng Biblia na tayo ay magbulaybulay o magsagawa ng meditasyon, hindi din naman sinasabi na tayo ay mag-isip, subalit ito ay ginagawa natin.

Subalit, sinasabi ng Biblia ang mga bagay na kailangan nating pagbulay-bulayan. Ang karaniwang bagay na pinag-iisipan ng mga tao ay ang “pag-aalala.” Nakakalungkot, pero ito ang karaniwang laman ng puso at isipan ng mga tao, ang mag-alala at mabalisa sa maraming mga bagay sa buhay na ito. Sa halip na mabalisa at mag-alala o mag-isip tungkol sa maraming mga bagay, bakit hindi natin subukang kausapin ang Dios? Sa pamamagitan ng panalangin at meditasyon ay magagawa natin ito. Sinabi ni Hesus na huwag tayong mabalisa, sa halip ay ipagkaloob natin sa Kaniya ang ating mga pagtitiwala sa lahat ng ating mga pangangailangan. (Mateo 6:25-34)

May mga bagay na kailangang pagbulayan sa buhay nating ito at ito ang mga bagay na ibig ng Dios na maging laman ng ating mga puso at kalooban, sa halip na mabalisa at mag-alala sa maraming mga bagay sa buhay na ito. Pag-aralan natin ang mga bagay na ibig ng Dios na maging laman ng ating mga puso at kalooban. Mababasa natin sa Biblia ang mga talata na may mga salitang meditate, think, commune, ponder, imagine, remember, examine, watch at iba pa.

Ipinayo ni Apostol ang mga bagay na ito… na siyang dapat maging laman ng ating mga isipan at kalooban, upang ang Dios ng kapayapaan ay sumaatin. Ibig sabihin, mayroon talagang mga bagay na kapag naging laman ng ating kalooban, lalo itong maglalapit sa atin sa Ama, na ating Dios, na magpapalagong lalo ng ating relasyon sa Kaniya. Php 4:8  Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. Php 4:9  Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo.

Bukod dito, si Apostol pablo din ang nagpayo na ang kaisipan natin ay dapat lamang ilagak sa mga bagay na nasa itaas at huwag sa mga bagay na ukol sa lupa. Upang magawa ito, kailangang sinasanay ang kaisipan. Pinag-aaralang gawin ito ng mga lingkod ng Dios. Mahirap naman kasi na ang laging laman ng kalooban ay puro panlangit, gayong nasa lupa naman tayo. Ang sinasabi ng Biblia, ilagak ang kaisipan sa mga bagay na panlangit, na ang maging pangunahing layunin natin sa buhay na ito ay ang marating ang langit na yaon. At magsisimula ito sa pag-iisip at sa laman ng puso na ilagak sa mga bagay na ukol sa langit. Col 3:1  Kung kayo nga’y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios. Col 3:2  Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.

Ano ang mga ilang halimbawa ng maaari nating pagbulaybulayan sa harap ng Dios? Si Haring David ay naging malapit sa Dios, sapagkat hindi lamang siya nananalangin – kundi naglalaan ng sapat na panahon upang magbulay sa harapan ng Dios patungkol sa Kaniyang mga kautusan. Psa 119:97  Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw. Psa 1:2  Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi. Dahil ang kasayahan ni haring David ay ang mga kautusan ng Dios, buong araw niya itong nasasa-isip. Walang panahon na hindi niya iniisip ang mga kautusan ng Dios. Kaysa mabalisa at mag-alala tayo, at kung ang kasayahan din ng ating mga puso ang kautusan ng Dios, pagbulayan natin ito at alalahanin gaya nang ginawa ni David.

Ang pagbubulay sa mga salita at kautusan ng Dios ay makakatulong sa atin upang matupad natin ito ng wasto, na siyang maghahatid sa atin sa kasakdalan ng paglilingkod at pananampalataya na siya namang hinihingi Niyang makita sa bawat isa sa atin. Jos 1:8  Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibigkundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka’t kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.

Kung ang laging laman ng ating mga puso, kaisipan at kalooban ay ang ating Dios na Ama, at ang Kaniyang mga kautusan, kung magkagayon inaari natin Siyang tunay  na kayamanan sa ating mga buhay.  “Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.” (Mateo 6:21)

Kailan naging laman ng ating mga kalooban at isipan ang ating mga magulang? Madalas po ba o madalas natin silang makalimutan? Kapag nakalimutan natin sila, mas malamang na makalimutan natin ang kanilang mga turo at bilin sa atin. Gayundin ang mga anak ng Dios, sa sandaling maiwaglit natin ang Dios, makakalimutan natin ang Kaniyang mga kautusan, at kapag nangyari ito, magagawa natin ang mga bagay na hindi Niya gusto. Ngunit, kapag ang Dios na ating Ama ang laging laman ng ating mga puso at kaisipan, may puwang pa kaya ang pagkakasala? Kung ganito, lalong ilalapit tayo nito sa Dios at ang relasyon natin sa Kaniya bilang Ama at Dios ay lalong titibay at lalago.

Bukod sa mga ito, mayroon pa bang itinuturong paraan upang lalong mapabuti ang ating relasyon sa Dios?

Isa sa mga kaparaanan na maari nating mapalago ang ating relasyon sa Dios ay sa pamamagitan ng pag-aayuno.

Ayon sa Fausset’s Bible Dictionary, ang salitang (tsum) ay hindi makikita sa Pentateuco. Sa mga kautusan ni Moises, bagaman inihayag sa kanila ang mga pagkaing maaari at hindi maaaring kainin, hindi tuwirang iniutos sa kanila ang pag-aayuno. Kada taon, ay ipinagdiriwang nila ang kapistahan ng Pagtubos o atonement, ito ay sa ika-10 araw ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay inutusang “padalamhatiin ang kanilang kaluluwa” (Lev. 16:29-31; Lev. 23:27; Numbers 30:13). Sa Bagong Tipan ang itinawag sa araw ng Pagtubos na ito ay “pag-aayuno.” (Acts 27:9)

Mayroong pagkakataon na si Hesus ay tinanong kung bakit ang Kaniyang mga alagad ay hindi nagsisipag-ayuno. Sinabi ni Hesus, na darating ang mga araw na sila ay magsisipag-ayuno. Mat 9:14  Nang magkagayo’y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa’t hindi nangagaayuno ang mga alagad mo? Mat 9:15  At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa’t darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo’y mangagaayuno sila. Ang mga araw na ito ay dumating na, sa katunayan ang mga Apostol ay nagsipag-ayuno sa Gawa 13:2 - Act 13:2  At nang sila’y nagsisipaglingkod sa Panginoon, at nangagaayuno, ay sinabi ng Espiritu Santo, Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila. Nag-ayuno sila sapagkat ibig nilang tumalaga sa tungkuling kanilang gaganapin sa harap ng Dios – ang kanilang ministeryo. Ito ang kanilang natutunang halimbawa kay Hesus nang Siya ay magsagawa ng pananalangin at pag-aayuno bago lumunsad sa Kaniyang ministeryo. (Lukas 4)

Ang pag-aayuno ay isang paraan ng pakikipag-ugnay at pagpapalago ng relasyon sa Dios. Kadalasan ang pag-aayuno ay nilalakipan ng pananalangin. Ang isang halimbawa ay ang Propetisa na si Ana. Sa natitirang mga taon ng kaniyang buhay ay ginugol niya sa mga panalangin, pagsamba at pag-aayuno. Sa gayon, ay lumago ang pakikitungo ni Ana sa Dios. Luk 2:36  At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya’y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan, Luk 2:37  At siya’y bao nang walongpu’t apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.

Sa pamamagitan ng pag-aayuno, dinidisiplina o pinipigil natin ang ating mga sarili hindi lamang sa hindi pagkain at pag-inom kundi maging sa mga bagay na ukol sa sanlibutang ito gaya ng mga kalayawan. Ito din ang tamang pagkakataon upang maituon natin nang lubos ang ating mga sarili sa tunay na Tinapay ng Buhay, walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Hindi lamang ito paraan ng pagbabawas ng timbang, kundi isang gawaing espirituwal na nagtuturo sa atin ng pagpipigil sa hindi pagkain at pag-inom, samantalang ibayong pagsisikap ang ipinakikita natin sa pagtutuon sa pananapalangin, pagbubulay-bulay, pag-aaral at pagsasaliksik ng mga katuwiran ng ating Dios na Ama. (Exodus 34:28; Ezra 10:6; Esther 4:16; Acts 9:9).

Sa pag-aayuno, natututo din tayo na lubos nating maibaba ang ating mga sarili at ito ang pagkakataon upang makapagsiyasat tayo ng lubos at makilala kung gaano tayo nagkasala sa harap ng Dios. Psa 35:13  Nguni’t tungkol sa akin, nang sila’y may sakit, ang aking suot ay magaspang na kayo: aking pinagdalamhati ang aking kaluluwa ng pagaayuno; at ang aking dalangin ay nagbabalik sa aking sariling sinapupunan.

Ang pag-aayuno ay isang uri ng pagsamba sa Dios, inilalapit nito ang ating mga sarili sa Dios at gayundin naman ang Dios sa atin, sapagkat sa pamamagitan nga nito ay ibinababa natin ang ating mga sarili sa Kaniya, samantalang lumalago ang ating mga pananampalataya. Ito din ay may kapangyarihan upang hingin ang tulong, lingap o anumang kahilingan sa Dios, sapagkat may mga panalanging dinidinig, lalo na kung nilalakipan ng pag-aayuno. Isa sa mga halimbawa ay nang ang mga alagad ni Hesus ay hindi magawang magpalayas ng demonyo, sinabi Niya, “Datapuwa’t ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.” (Matthew 17:14-21).

Malaki ang nagagawa ng matuwid na pag-aayuno sa Dios. Samantalang, karaniwan tayong umaasa sa pananalangin, at pagbubulay-bulay sa araw-araw, kung pagka-minsan ay kailangan nating magsagawa ng pag-aayuno. Maraming dahilan kung bakit kailangan natin isagawa ito gaya ng personal na suliranin, mga kasalanang mahirap alisin, pagharap sa isang malaking pagpapasiya, problema sa iglesia, katakutan sa mga naka-ambang panganib, pangangailangang baguhin ang sariling ugali o nang iba at paghahayag ng pagpapasalamat sa Dios.

Subalit, hindi natin dapat tingnan na ang pag-aayuno ay isang bagay na maari nating gawin upang pilitin natin ang Dios sa gusto nating kamtin. (Isaiah 58:3). Nais ng Dios na idalangin natin sa Kaniya ang ating mga suliranin, subalit hindi nangangahulugang dapat na nating idikta sa Kaniya ang mga solusyon o katugunan. Ang pag-uugali natin ay kailangang gaya nang iniwan Niyang halimbawa, nang manalangin Siya ay Kaniyang sinabi, “gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.” (Lukas 22:42)

Upang hingin ang tulong at panganganlong ng Dios, Si Ezra ay nagtakda ng pag-aayuno sa lahat ng mga nagbabalik na lumikas sa Judah. (Ezra 8:21-23). Si Esther naman ay nagtakda din ng pag-aayuno sa lahat ng mga Hudyo sa Shushan upang sila ay malingid sa naka-ambang pagpatay sa kanila. (Esther 4:16).Ang mga talata sa Isaiah 58:1-12 ay nagpapakita ng iba’t ibang kaugalian na nagagawa sa panahon ng pag-aayuno. Dapat pag-ingatan ang sarili sa panahong isinasagawa ito, sapagkat hindi lamang ito karaniwang rituwal kundi isang maselang gampanin na kusang paghahandog ng ating mga sarili na magsagawa ng mga sakripisyo sa harap ng Dios, sa iba’t ibang kaparaanan, hindi lamang patungkol sa ating mga sarili, kundi patungkol na din sa iba.

Bukod sa pag-aayuno, may paraan pa bang itinuturo upang lalo tayong mapalapit sa Dios na ating Ama?

Ang ibigin ang Dios nang buong puso, pag-iisip at kaluluwa ay isa sa pinakadakilang kautusan na maaari nating magawa. Ang ikalawang katulad nito ay ang ibigin ang ating mga kapuwa na gaya nang ating mga sarili. (Matthew 22:37-38). Subalit paano natin magagawang ibigin ang Dios, gayong hindi natin Siya nakikita? Sinabi ni Apostol Juan, “1Jn 4:20  Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? 1Jn 4:21  At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.”Samakatuwid, kung ibig nating ibigin ang ating Dios na Ama, ipadama natin ito sa ating kapuwa. Dahil, anuman ang ginagawa natin sa ating kapuwa, ginagawa din natin ito sa Dios.

Ito ang dahilan kung bakit natin kailangan ang fellowship in the church of God. Ang fellowship o pakikisama sa iglesia ay isang paraan upang matupad natin ang kautusang ibigin ang kapuwa na gaya nang ating mga sarili. Dito natin magagawa ang pagmamalasakitan at pagdadalahan ng pasan sa isa’t isa. Gal 6:2  Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo. Ang bawat isang kapatid sa loob ng iglesia ay kailangang lumago na magkakasama sa pagkakaisa upang marating ang kasakdalang hinahanap ng Dios. Ang fellowship o pagsasama-sama ay ang pagkakaisa ng mga kapatid sa pananampalataya, sa kaalaman sa Dios upang sa lahat ng mga bagay ay lumago tayo sa Kaniya.

Bagaman ang mga naanib sa iglesia ay mula sa iba’t ibang dako, nagiging isa at nabubuklod kay Kristo sa pagkakaisa ang lahat dahil sa pagsasama-sama. Hindi ito magagawa kung nag-iisa. Kailangan natin ang kapatid, ang bawat isa upang matupad natin ang kautusang ibigin ang ating mga kapuwa na gaya nang ating sarili. Nagkakaisa tayo at nabubuklod tayo ng Kaniyang mga doktrina at kautusan gaya nang mga unang Kristiyano. 1Co 1:9  Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin. 1Co 1:10  Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

Isa pang pakinabang ng pagsasama-sama sa iglesia ay yaong maturuan tayong malagpasan at mapagtagumpayan ang ating kani-kaniyang mga kahinaan at mapa-unlad ang ating mga karakter bilang mga Kristiyano. Paano natin maipapakita ang ating kahabagan, kababaan, kabutihan, pagpapahinuhod, pagtitiis at pagdadalahan sa isa’t isa, lalong lalo na ang pagpapatawad kung nag-iisa tao? Kailangan nating makisama sa mga kapatid. Kaya ang fellowship ay paraan upang sa positibong kaparaanan ay makipag-ugnayan tayo sa ating mga kapatiran. Col 3:12  Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod: Col 3:13  Mangagtiisan kayo sa isa’t isa, at mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin:

Lahat ng mga tinawag sa iglesia ay tinawag sa pag-ibig upang maglingkod hindi lamang sa Dios kundi maging sa kapuwa lalo na sa kasambahay sa pananampalataya at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, ang pagtawag na ito ay ating natutugunan. Rom 12:11  Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon; Rom 12:12  Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin; Rom 12:13  Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy. Nasa puso at kalooban dapat ng isang kapatid ang pagdamay sa kaniyang kapananampalataya, bilang pagpapadama ng pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi lamang sa pamamagitan ng dila o salita, pinatutunayan ito sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.

Kailangan nating ipakita ang pagdadamayan bilang tanda ng pag-ibig natin sa isa’t isa. At hindi natin ito magagawa kung hiwalay tayo sa ating mga kapatid. Kailangan natin sila upang sama-samang lumago sa pakikipag-ugnayan hindi lamang sa isa’t isa kundi higit sa lahat ay sa Dios. Rom 12:14  Pagpalain ninyo ang mga sa inyo’y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain. Rom 12:15  Makigalak kayo sa nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak. Rom 12:16  Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka. Rom 12:17  Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao. Rom 12:18  Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao. Rom 12:19  Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka’t nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.

Inilarawan ng Biblia na ang Iglesia ng Dios ay binubuo ng mga mananampalatayang masikap at nahahanda sa paggawa ng mabuti bilang pagtugon sapag-ibig sa Dios at sa kapuwa. Bawat isa na naanib ay nakikiisa at nakikiugnay upang marating ang kaisahan ng pananampalataya. Nais ng Dios na makita na ang Kaniyang mga Anak ay nagkakaisa, gaya nang mga magulang sa kanilang mga anak, sapagkat ang iglesia ay mayroong mithiin at pinagkalooban ng tungkulin – at bawat isa ay sama-samang gagawa upang maisakatuparan ang tungkuling ito. Bawat isa ay magiging mga manggagawa sa bahay ng Dios, gaya nang mga unang Kristiyano na nagkakaisa, Act 2:44  At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan; Sinabi ni Hesus na ang pangunahing palatandaan ng Kaniyang mga lingkod, ng Kaniyang mga anak ay ang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:35) “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”

Sa Biblia, ang pag-ibig ay paggawa ng paglilingkod na hindi makasarili at hindi lamang kung anumang bagay na nararamdaman o emosyon. Paano magagawa ng mga alagad ng Dios na paglingkuran ang isa’t isa kung hindi sila magkakakilala at hindi sila magkakasama? Kaya naman, sinabi ni Apostol Pablo na mahalaga ang pagkakatipon sa Dios, sapagkat dito ay nagkakasama-sama ang mga kapatid. “Heb 10:25  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.” Hindi lamang ito pagkakataon upang mag-aralan sa isa’t isa kundi pagkakataon din naman upang maipadama ang pag-ibig sa isa’t isa.

Ang sinundan nitong talata ay nagbibigay diin sa pangangailangan na mangagtinginan, at maudyukan ang bawat isa sa pag-ibig at mabubuting gawa. Heb 10:24  At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; Kaya sa pamamagitan ng pagsasama-sama, ang mga mananampalataya ay mayroong pagkakataon upang palakasin ng bawat isa ang kaniyang kapatid, lalo na ang mga mahihina sa pananampalataya, tumulong at damayan ang mga nakakadama ng pangungulila at suliranin sa buhay. Alam ng Dios na ating Ama, na napakahirap magtagumpay na nag-iisa; kailangan natin ang isa’t isa, tayo, bilang mga nagtataglay ng parehong pananampalataya.

Bawat kaanib sa iglesia ay batid na ang kanilang pangunahing tungkulin ay sambahin at paglingkuran ang Dios na kanilang Ama at Tagapagligtas, ito ay sa pamamagitan ng pag-alam ng Kaniyang kalooban at pagsasabuhay nito. Kaya nga ang pagsamba ay hindi lamang sa mga pagkakatipon naisasagawa, kundi sa lahat ng kaparaanan ng ating mga buhay. Inilarawan ni Apostol Pablo, na ang iglesia ay “suhay at haligi ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Ang iglesia ang pangunahing pinagmumulan ng mga aral at katuruan ng Dios, ngunit ang isa pa sa pangunahing layunin ng iglesia ay ang pagkakaloob natin ng ating mga sarili sa isa’t isa.

Pansinin natin ang mahalagang palatandaan na ito ng mga lingkod ng Dios:   1Jn 3:14  Nalalaman nating tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka’t tayo’y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan. 1Jn 3:16  Dito’y nakikilala natin ang pagibig, sapagka’t kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.

Isa sa mga paraan ng “pagbibigay ng ating buhay” ay ang pagbibigay ng ating mga panahon sa ating mga kapatid. Bawat isang kapatid o kaanib ay dapat gayahin ang mga halimbawa ni Hesus, bagaman malayo pa tayo sa ngayon sa Kaniyang katangiang ipinakita. Subalit, alam nating ang bawat isa ay nagsusumikap at nagpapatuloy na maabot ang katangian at pananampalatayang hinahanap Niyang makita sa atin. Bawat isa ay nagsisikap na “mabago” kahit unti-unti o dahan-dahan lamang upang maiakma ang sarili sa tunay na larawan o imahe ni Hesus. ((Romans 12:2; 8:29).

Maaaring ang bawat isa ay mayroong kani-kaniyang antas ng pagbabago patungo sa pag-unlad ng pananampalataya, at sa bawat pagkakataon ay bumabangon ang mga suliranin at pagsubok. Subalit alam nating inaasahan ng Dios na makapagpapatuloy tayo sa pag-iibigan, pagpapatawaran at pagpapatibay sa isa’t isa.

Sa paggawa ng mga bagay na ito, lalong lalo na ang pag-uukol ng pag-ibig at malasakit sa bawat kapatid, madadama natin na ang relasyon natin sa isa’t isa ay lumalago. Hindi lamang iyan, maging ang pakikipag-ugnay natin sa Dios ay lumalago din naman. Lalo tayong nalalapit sa Dios. Bawat isa sa atin ay Kaniyang anak, lalo na kung nasa atin ang pag-ibig sa isa’t isa, na lumalago sa pananampalataya, na sa bawat araw ay umuunlad hanggang sa maabot natin ang sapat na pamantayan ng Dios hanggang sa Kaniyang muling pagpapakita at pagtatamo ng buhay na walang hanggan.

-end-

 

One Response to Ang Pagpapalago ng Relasyon sa Dios

  1. Higit sa unahin natin ang Dios sa ating buhay bago ang lahat ng bagay, pag-inuna natin ang Dios mas madali tayong lumago sa ating espirituwal na buhay…Purihin ang Dios Amen…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s