Ang Pagpapaimbabaw

Hindi natin gusto na ang ipakita sa atin ng ating kapuwa ay hindi totoo o pagpapanggap lamang.

Hangga’t maaari, ibig nating maging totoo ang ipinakikita sa atin.

Ang tanong dito, totoo din kaya ang ipinakikita natin? Ang pagpapaimbabaw ay isa sa mga masasamang katangian na tinuligsa ng ating Panginoong Hesus na Kaniyang nakita sa mga Saserdote, Eskriba at mga Fariseo.

Sila na nangangasiwa sa Templo at nakaka-alam ng kautusan ng Dios ay sila pa ang kinakikitaan ng pagpapaimbabaw sapagkat hindi nila ginaganap ang mga kautusan ng ating Panginoong Dios. Nagpapakita lamang sila ng kabutihan sa harap ng mga tao, na gumaganap lamang ng kautusan sa paningin ng kapuwa, ngunit ang laman ng kanilang mga kalooban ay tunay na malayo sa DIOS.

Pansinin sa talatang ito, Mat 23:28  Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan, sa paningin lamang ng mga tao matuwid ang mga ito, ngunit palibhasa nababasa at nalalaman ni Hesus ang laman ng kanilang mga puso ay Kaniyang nakikita na puno sila ng pagpapaimbabaw (hypocrisy).

Ang pagpapaimbabaw ay palatandaan ng kawalan ng tunay na pag-ibig. Ang may tunay na pag-ibig ayon sa Biblia ay hindi nagpapakunwari, hindi nagpapaimbabaw, Rom 12:9  Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.At ang karunungang mula sa itaas o sa Dios ay taglay ang katangian na hindi paimbabaw o pakitang tao.

Jas 3:17  Nguni’t ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una’y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.

Naniniwala tayo na ang tunay na paglilingkod sa Dios ay dapat isagawa nang mula sa puso, na hindi titignan ang kapuwa-tao, na ang paggawa o pagsunod sa kautusan ng Dios ay nakabase sa tunay na kalooban ng Dios at hindi mula sa ating sariling mga kalooban. Dapat ito ay mula sa pusong sumasampalataya. 1Ti 1:5  Nguni’t ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw:

Paano ba makikilala ang paglilingkod na paimbabaw?

Kapag ang hangad lamang ay ipakita sa mga tao ang paglilingkod, pananalangin, pag-awit at pag-aabuloy, at wala sa kaibuturan ng puso ang ginagawang paglilingkod, ang ganito ay paimbabaw. Eph 6:6  Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;

Kapag ang hangad lamang ay mabigyang kapurihan ang sarili at hindi ang kapurihan ng Dios, ang ganito ay paimbabaw. 2Co 8:21  Sapagka’t iniisip namin ang mga bagay na kapuripuri, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi naman sa paningin ng mga tao.

Kapag ang tingin sa sarili ay marami nang nagagawang kabutihan, marami nang naiambag sa paglilingkod (materyal man o espirituwal) at nag-aakalang matibay na naglilingkod sa Dios, na wala nang masumpungang pagpapakababa, ang ganito ay paimbabaw sa Dios.

Kapag ang dinadakila ng tao ay ang kaniyang sarili at hindi ang Dios, ito’y tuwirang pagpapaimbabaw. Luk 16:15  At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa’t nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka’t ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios.

Ipinapayo ng Biblia na ang tunay na mga lingkod ng Dios ay dapat mula sa katapatan ng pusong sumasampalataya ang maging saligan ng kanilang paglilingkod at hindi ang paglilingkod sa paningin lamang ng mga tao. Col 3:22  Mga alipin, magsitalima kayo sa lahat ng mga bagay sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon: hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon:

Ang pagpapaimbabaw sa panahong ito

Maraming klase ng pagpapakunwari sa kasalukuyan. Ang iba ay ginagawa ito sa pansariling pakinabang. Ang iba ay hindi naman namamalayan na paimbabaw na pala ang kanilang ginagawa.

Ang iba naman, tinutuligsa ang ibang pananampalataya sa pag-aakalang sila ang katotohanan – ang tawag dito ay religious arrogance o spiritual superiority. Ang mga matatagal nang naglilingkod sa Dios at nagpapakilalang mga Kristiyano diumano ang karaniwang kinakikitaan ng ganitong pagpapaimbabaw. Kalimitan sa mga ito ay agad na humahatol sa kanilang kapuwa. Kapag nakakita lamang ng mali o hindi maganda sa kapuwa ay agad na sinasabihang – “sa demonyo” o hindi sa Dios.

Ang mga tunay na lingkod o mga anak ng Dios ay hindi ganito kadaling humatol sa kapuwa. Lahat ng mga tao ay binibigyan ng DIOS ng pagkakataon na magbago at manumbalik sa Kaniya. Ang mga tunay na lingkod ng Dios na binigyan ng karunungang buhat sa itaas ay hindi mapagpakunwari, dahil alam nilang ang DIOS ay nalalaman ang laman ng kanilang mga puso at nalalaman ang lahat ng kanilang mga gawa, maging ito man ay mabuti o masama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers