Ang Paglago ng Pananampalataya

Hindi basehan ang tagal ng paglilingkod para masabing ang isang Kristiyano ay naabot na ang PAGLAGO ng PANANAMPALATAYA. Ang paglago ay isang uri ng pagbabagong nagaganap sa espirituwal, mula sa kalagayang pagiging sanggol patungo sa pagiging matanda sa pananampalataya. 

Hindi nagaganap ang pagbabago sa loob lamang ng maikling panahon. Maaring bumilang ito ng mahabang panahon, depende sa kakayahan, dedikasyon at pagganap ng isang Kristiyano. Hindi ba’t nagawa ni Apostol Pedro na ikaila si HESUS nang tatlong beses? Ito ay bunga ng kakulangan ng pananampalataya. Subalit nang ang kaniyang pananampalataya ay lumago at lumaki, maging ang kaniyang buhay ay inialay niya alang-alang sa pananampalataya.

Ang nagawa niyang pag-aalay ng buhay ay nangangahulugan na nagawa niyang itanggi ang kaniyang sarili, alang-alang sa bagay na kaniyang sinampalatayanan, ang pananampalataya kay HESUS. Ito na marahil ang pinakamataas na antas ng paglago ng pananampataya na maaaring matamo o marating ng isang Kristiyano.

Marami sa atin ang katulad ni Pedro. Sa pasimula ay wala pang paninindigan, walang prinsipyo at hindi makatayo ang pananampalataya, kaya madali tayong nasasaktan, nagdaramdam, natitisod at nakakalimot. Subalit, sa paglipas ng mga panahon, habang ang mga Salita ng Dios ay patuloy nating dinidinig, at nagkakaroon ito ng bisa at kapangyarihan sa ating buhay, ibig sabihin ay tinutupad natin ang mga nadidinig nating Salita ng Dios, ito ang nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magkaroon ng pagbabago sa ating mga pananampalataya.

Dati ay gaya tayo ng mga bata, na madaling sumpungin, madaling magalit at ang laging nakikita natin ay ang ating mga sarili. Kadalasan ay nasusumpungan tayong kulang sa pananampalataya, kulang sa tiwala, paninibugho, kahalayan at iba pang mga gawa ng laman. (Galacia 5:19-20) At bahagya lamang nating maipakita na mayroon na tayong bunga ng Espiritu (Galacia 5:22).

Kung minsan, sa pagsisiyasat natin, maaaring nasasabi nating, “Ano na ba ang nagawa natin at narating sa ilang mga taong lumipas? Tila patuloy pa din tayong nabubuhay sa laman, sa halip na magpakasakdal tayo sa Espiritu.”

Sa isang banda, ang pagkakaroon natin ng kusa na magtanong sa ating mga sarili ng ganitong mga bagay ay palatandaan ng kababaan at paglago ng pananampalataya. Sapagkat, ang makita natin ang ating mga sarili na tinatanggap at inaamin ang ating mga kakulangan, ay isang uri ng paglago ng antas ng pananampalataya.

Kung nakikita natin ang ating mga sarili sa ganitong kaisipan, kung magkagayon ay nasa tamang landas tayo na tinatahak. Sapagkat walang sinuman ang dapat na nasisiyahan at nakukuntento sa antas at kalagayan ng ating paglilingkod at pananampalataya. Dapat ay lumalago ang antas nito at hindi bumababa ang grado. Dito tayo tinawag ng Dios, upang magbunga ng bunga ng Espiritu.

Sa kabilang banda, delikado kapag ang tingin ng sinuman ay narating na niya ang pinakamataas na antas ng paglilingkod at pananampalataya. Walang sinuman sa atin ang masasabing narating na ang sukdulan, kung ang sukatan ni HESUS ang pagbabatayan.

Paano natin malalaman na Lumalago ang ating mga Pananampalataya?

Nilikha tayo ayon sa larawan ng Dios at tinawag tayo ng Dios sa paglilingkod sa Iglesia ng Dios sa paggawa ng kabanalan, pagtupad sa kaniyang mga Utos at Kalooban. Tinawag tayo sa kasakdalan, ng Dios na ating Ama, na sakdal.

Nang una tayong tawagin, sanggol ang kalagayan natin pagdating sa pananampalataya. Sanggol, sapagkat wala pa tayong sapat na lakas, paninidigan at pananampalataya. Habang tinatanggap natin ang katuwiran, salita ng Dios (gatas), unti-unting nagkakaroon ng pagbabago sa atin.

Kapag unti-unti nating naabot ang karakter o katangian ng Dios sa pag-uukol ng pag-ibig, doon ay masasabi nating nagkakaroon na ng paglago sa ating paglilingkod at pananampalataya.

Dati tayong makasarili, at sarili lamang natin ang laging sentro ng ating pansin. Wala tayong paki-alam sa iba (ugali ng bata). Kapag tinaglay natin ang pag-ibig ng Dios, unti-unti ay naipapakita natin na hindi na lamang sarili natin ang mahalaga sa atin.

Ang pag-ibig ng Dios, na Kaniyang ipinakita ay pag-ibig na sakdal, pag-ibig na hindi makasarili at pag-ibig na handang magsakripisyo. Ito ang pinakamataas na uri ng pag-ibig. Nahayag ito nang Siya (Ama), ay magkatawang tao sa pamamagitan ni Hesus. Ipinamalas Niya ang pag-ibig na dalisay.

Kung magtataglay tayo ng ganitong pag-ibig, at magagawa nating tularan ang Kaniyang ginawang pagpapakababa, kung magkagayon ay nagkaroon na ng pagbabago sa ating mga pananampalataya.

Sumulat si Pablo sa mga taga-Efeso na sinasabi, Kayo nga’y magsitulad sa Dios na gaya ng mga anak na minamahal; at magsilakad kayo sa pag-ibig, gaya rin naman ng pag-ibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili…” (Efeso 5:1-2)

Walang masama kung tutularan ang katangian ng Dios, hindi naman nangangahulugan na paghahangad ito na maging dios.

Sinabi ni Apostol Juan, “Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagkat ang Dios ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang magtaglay ng ganitong pag-ibig ng Dios ay nangangahulugan ng pagkakaroon at pagtataglay ng malaking puso na handang tumugon sa tawag ng pag-ibig. Ang Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ang nagtutulak sa atin at nagbibigay ng lakas upang makapagkaloob ng malaking pag-ibig.

Kaya, kung mas malaki ang kaloob ng Espiritu Santo na nasa atin, mas malaki din ang maitutugon nating pag-ibig sa kaparaanan ng Dios. Sumulat si Pablo na sinasabi, “sapagkat ang pag-ibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.” (Roma 5:5)

Taglay ng Iglesia ng Dios ang aral, katuruan o doktrina na ang bawat isa ay dapat na mag-ukol ng pag-ibig sa kapuwa, pag-ibig na hindi pakunwari, tunay na pag-ibig gaya nang sa Dios, hindi sa pamamagitan ng salita lamang kundi sa pamamagitan ng gawa at katotohanan. 

Sinabi ni Hesus, ” Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: na kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa, na kung paanong inibig ko kayo ay mangag-ibigan naman kayo sa isa’t isa. Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking tunay na mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13: 34-35)

Kung ang mga Alagad ba ay hindi hayag na ipinakita ang pag-iibigan sa isa’t isa ay makikilala ba sila bilang mga tunay na alagad ni Hesus?

Kung paano hayag na ipinakita ng mga Apostol ang pag-ibig sa isa’t isa sa harapan ng maraming mga tao ay hayag na palatandaang sila nga ang tunay na mga tagasunod ni Hesus (Kristiyano). Ang kanilang relasyon, pakikitungo sa isa’t isa ay hayag sa lahat na sila ay hindi naging makasarili, naging mapagkaloob o mapagbigay, mapagpatawad at nagtutulungan sa isa’t isa.

Oo’t mayroon silang mga hindi naging pagkakaunawaan sa isa’t isa, subalit pagkatapos ng mga pananalangin at ilang pagkakataong magkakasama, ay nagagawa nilang ayusin ang mga gusot patungo sa pagkakaisa (Gawa 15).

Ang pag-ibig, gaya ng pananampalataya, kung walang gawa ay patay. Kung sinasabi nating tayo ay may pag-ibig pero hindi natin kayang ipakita, wala tayong karapatan na angkinin ito.

Ang tunay na Kristiyano, umiibig sa kaniyang kapatid. Kung paano ito ipinakikita ay maaaring maging depende sa pangangailangan at pagkakataon. Ang kasalungat ng pag-ibig ay pagkamuhi (hate). Ang tunay na Kristiyano ay hindi marunong mamuhi sa kaniyang kapuwa sa kahit anumang kadahilanan. Kung tayo ay namumuhi, simbolo ito na hindi lumalago ang ating mga pananampalataya at paglilingkod sa Dios.

Hindi nangangahulugang ang mga matagal nang tumanggap ng Bautismo, dumadalo ng regular na pagsamba, nagtaglay ng kaalaman sa mga Doktrina o Aral ng Dios ay sapat nang katangian upang masabing ang isang Kristiyano ay maunlad na sa Pananampalataya.

Hindi din nangangahulugan na kung ang isang Kristiyano ay nagtataglay ng tungkulin, halimbawa ay Diakono, Diakonesa, Guro, Tagapangaral, Ministro o Obispo man ay naabot na ang sukdulan ng Paglago ng Pananampalataya.

Ang paglago ng pananampalataya ay nasusukat sa katangian ng isang tunay na nagtataglay ng pag-ibig, na gaya nang pag-ibig ng Dios.

At ang paglago ng pananampalataya ay dapat “consistent” o nagpapatuloy, na napapanatili ang pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok o ng mga kaparusahang tinatanggap mula sa Dios.

Natunghayan natin sa unang bahagi na nasa tamang direksiyon tayo kung natutunan nating tularan ang pag-ibig na tinaglay at ipinagkaloob ng Dios sa atin.

At kung mayroon mang isa sa halimbawang dapat nating bigyang pansin ay ang karanasan ni Apostol Pablo, na naglalarawan ng unti-unting pagbabago at pag-unlad ng pananampalataya. Ito ang naging pangunahing binigyang pansin ng mga pangangaral ni Pablo sa mga kapatid sa Iglesia, ang paglago ng pananampalataya at paglilingkod sa Dios.

Sa ilalim ng kaniyang naging pamamahala at sa kaniyang sariling karanasan ay sinulat ni Pablo, “nang ako ay bata pa, nagsasalita ako na gaya nang bata, nag-iisip ako na gaya nang bata, nangangatwiran na gaya ng bata. Nang ako ay tumanda na, iniwan ko na ang pagkabata sa aking likuran.” (1 Corinto 13:11)

Ang karanasan na ito ni Pablo ay nagtuturo ng ganap na paghahalintulad upang maunawaan natin ang konsepto ng pag-unlad. Ang pag-unlad ay nangangahulugan ng positibong pagbabago… magandang pagbabago.

Ang pagbabago ay mayroong prosesong sinusundan upang makamit ang hinahangad na mithiin. Bawat isa sa atin ay nagdaan sa kalagayang bata, na palibhasa bata ay sarili lamang ang iniisip natin at wala tayong pakialam sa iba.

Ngunit, nang tayo ay lumaki at tumanda na, nagkaroon tayo ng kamalayan sa paligid natin at doon ay naunawaan natin na ang mga ibang tao ay gaya din natin na mayroong kani-kaniyang pangangailangan, at kagustuhan. Doon ay namulat tayo, na hindi pala lahat ng laruan ay atin, ang iba ay pagmamay-ari ng ibang bata. Habang lumalaki, unti-unti ay natututunan natin na maging mulat sa kamalayang may damdamin din ang ibang tao at hindi lamang puro patungkol sa sarili ang ating iniisip.

May mga nagsasabing sila ay Kristiyano subalit nag-aasal bata pagdating sa espirituwal na aspeto ng kanilang paglilingkod. At gaya ng mga bata, kailangan pa nilang kumuha ng pansin para lamang makuha ang kanilang mga kagustuhan.

Marahil ay makakasumpong tayo ng mga ganito, na kahit matagal nang naglilingkod sa Dios ay nanatiling bata at walang pagbabago sa paglilingkod at paninindigan. Ang iba ay gaya pa din ng mga alon na madaling tangayin ng hangin.

Masasabi nating walang naging pagbabago ang mga ganitong Kristiyano. At kung nakikita natin sa ating mga sarili ang ganitong suliranin, mula pa nang tayo ay nabautismuhan, ito ay bagay na kailangan nating pagtuunan ng pansin.

Paano natin malalaman na walang pagbabagong nagaganap sa atin at sa ibang mga Kristiyano?

Maraming mga palatandaan na makukumpirma ang kawalan ng pagbabagong esprituwal.

Kung hanggang ngayon ay hindi natin naipapakita ang pag-ibig at malasakit sa iba, at kung hanggang ngayon ay may problema tayo sa pagpipigil, lalo na sa tukso at sa ating mga emosyon, kung pakiramdam natin ay mahina pa din tayo at walang kapangyarihan pagdating sa espirituwal na aspeto ng paglilingkod, at kung sa sarili lamang tayo laging naka-sentro at hindi sa ibang kapatid o kapuwa, at kung maraming pagkakataon na tila nagagawa nating hindi makipag-usap sa Dios sa pamamagitan ng panalangin, at kung nagagawa nating ibagsak ang iba para sa ating sariling kapakanan (para gumanda ang imahe natin), at kung ang galit, selos at pagkamuhi ay bakas pa din sa ating mga pagkatao, at kung ang buhay natin ay nakakiling ng husto sa mga materyal at pang-laman sa halip na sa espiritu, kung magkagayon, nanatili tayong bata at walang pagbabago.

Sinabi ni Apostol Pablo, pagkatapos niyang iwan ang pagkabata, ipinaliwanag niya na “…ang pag-ibig ay hindi hinahanap ang sarili.” (1 Corinto 13:4).

Kaya kung pag-aaralan natin, ang direksiyon ng pagbabagong kailangang makita sa atin ay puro papalabas ng ating mga sarili at hindi papasok. Ang tunay na pag-ibig ay hindi makasarili, Ang hindi tunay ay hinahanap ang sarili.

Karagdagan dito, ipinaliwanag ni Pablo na kahit tayo ay nakapagsasalita ng mga wika ng mga anghel, nakapanghuhula, at nakaka-alam ng mga hiwaga, at kaya nating magpalipat ng mga bundok, kung wala naman tayong pag-ibig at hindi natin maipakita, wala itong kabuluhan.

Nararapat, sapagkat ang pag-ibig na gaya nang sa Dios ay ang unang bunga ng Espiritu, na maipakita natin at maipahayag ang ganitong uri ng pag-ibig. (Galacia 5:22; 1 Corinto 14: 1)

Nang ilarawan ni Pablo sa mga taga-Corinto ang mga pamamaraan upang maipamalas ang tunay na pag-ibig, inihahayag niya ang ganap na pagbabago at pagsulong ng pananampalataya.

Ang tunay na nagbabago sa pananampalataya ay makikilala kung tinaglay ang pag-ibig, pagpapahinuhod, may mabuting kalooban, kababaan, kaamuan at pagpipigil.

Ang mga tunay na nagtaglay ng pagbabago at naitaas na ang antas ng kanilang pananampalataya ay hindi na masyadong interesado sa pagtingin sa pagkakamali ng iba. (1 Corinto 13:5) Ang mga ito ay nagagalak lagi sa pagtuklas ng katotohanan, upang ito ay kanilang masundan, at mailayo ang kanilang mga sarili sa maraming mga kasamaan.


6 thoughts on “Ang Paglago ng Pananampalataya”

  1. Good Day!
    naway pagpalain po kayo ng ating mahal na dios sa patuloy na pagbbigay ninyo ng aral at kaalaman, lalo sa gaya namin d2 sa bansang arabia na bawal ang Biblia at simbahan, meron pong gawain dito na puro secrito at minsan d kame nakakadalo dhil sa malayo..kaya etong minsahe at Bible study na lang kame nagbabasa gaya ng inyong mensahe dito..
    maraming salamat naway pagpalain po kayo ng mahal na panginoon..

    • Pagpalain din po kayo ng Dakilang Dios sa inyong ginagawang paglilingkod at pagsasaliksik sa Kaniyang mga Banal na Katuwiran…

      • darius dave said:

        Maraming salamat po…malaking tulong po sa amin…ang writings nyo po…lalo na po ngayong year of faith…nagamit ko po sa apostolate…pagpalain po kau…

  2. darius dave said:

    to the writer: nabasa ko na po lahat….myron pa po ba?….salamat…po

  3. ganda naman, na touch ako…sana madami pa kayong maibahagi… god bless..

  4. Luchille C. Miranda said:

    amen po sa salita ng Dyos, hindi lahat ng maalam sa salita ng Dyos ay matured na, maaring dipa lahat nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay kapag di mo pa naranasan ito wala kang pagkamatured at kung ikaw ay nakranas sa matinding pghihirap sa buhay kahit matandang cristyano na ay bumabagsak pagdating sa hirap ng buhay lalo na pag padami ng padami ang nararanasan at di mo tuluy alam ku pano mo ngayon malalampasn, kung wala kang paninindigan sa pagtitiwala sa Dyos sorry dika tatagal babagsak ka. kaya tama lang na lagi kang handa sa lahat ng bagay at naway laging kasama natin ang Dyos sa lahat ng bagay anuman ito para di tayo mapalayo at di tayo matuon sa mga bagay na mahirap unawain dahil kung puspos ka sa espiritu ng Dyos lahat kaya mong dalhin at intindihin sa tulong ng pag-ibig ni Jesus para satin.kayanga buti nalang may ginagamit ang Dyos para ihayag ang salita na talagang tutoong nangyayari sating buhay. naway pagpalain po kayo sa mga mensahe nyo at patuluy po ang paggabay ng salita ng Dyos sa inyo. para maishare po ninyo sa lahat na maging pagpapala sa buhay espiritwal at pagkilala sa napakakapangyarihan ng salita ng Dyos. salamat po and God Bless po.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers