Ang Paghahanda o Pagtatalaga ay Kailangan

Mahalaga ang maging handa sa maraming mga bagay. Dumating man ang hindi inaasahang bagay, kapag tayo ay handa, kaya nating harapin ang lahat ng mga ito. Ang pagiging handa ay hindi makikita sa lahat ng mga tao, makikita lamang ito sa mga natuto bunga ng mga karanasang kanilang napagdaanan na sa buhay.

Subalit sa mga nag-aaral ng mga Salita ng Dios, hindi maiiwasan na hindi mapag-aralan ang tungkol sa paghahanda o pagtatalaga. Maraming mga bagay ang kailangang paghandaan ng mga lingkod ng Dios at ito ang magiging laman ng ating pagtalakay.

Bago tayo dumako sa paghahanda o pagtatalaga ng mga lingkod ng Dios, alamin muna natin ang katangian ng mga kautusan ng Dios at ng mga sumusunod dito.

Ayon sa Biblia, lahat ng mga utos ng Dios ay katuwiran (Awit 119:172). Ang mga ito ay hindi mabibigat. Nagiging mabigat lamang ang utos ng Dios sapagkat may mga bagay na ayaw nating bitawan sa ating mga buhay. 1Jn 5:3 Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.

Kaya mahalaga na maunawaan natin ang kalooban ng Dios. Ito ang unang hakbang kung nais ng isang tao na paglingkuran ang Dios. Eph 5:17  Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

Nahihirapan lamang umunawa ang ilan sapagkat nagkukulang sila sa tiyaga sa pag-unawa sa kalooban ng Dios. Ngunit sa katotohanan, malilinaw ang mga ito sa mga nakakaunawa. Pro 8:8-9  Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila. Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

Mapalad ang mga taong nakakasumpong ng unawa sa kalooban ng Dios, sapagkat nagkakaroon ng liwanag at tanglaw sa kanilang buhay. Mapalad lalo ang mga taong sa kanila’y nag-uugat ang mga salita ng Dios, sapagkat sila ay nagiging matibay sa pag-asa at pananampalataya sa Dios. Col 2:7  Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat.

At kapag ganito ang katangian ng isang nagtataglay ng pag-asa at tiwala sa Maykapal, ang nagiging katangian niya ay gaya ng punung-kahoy, Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon. Sapagka’t siya’y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga. (Jer. 17:7-8)

Bukod sa pagiging matibay sa pag-asa at pananampalataya, ano pa ang inaasahan ng Dios na makita sa mga lingkod na nakakaunawa ng Kaniyang katuwiran?

Kung mayroon mang dapat na kakitaan ng malaking pagbabago sa kanilang buhay, ito ay walang iba kundi ang mga lingkod na natuto ng unawa sa pamamagitan ng mga Katuwiran ng Dios. Inaasahan na sila ay tatalikod sa kanilang mga dating masamang pamumuhay, sila ay magpapakalinis at magpapakasakdal ng kanilang mga lakad sapagkat alam nilang ito ang inaasahan ng Dios na makita sa kanila. Dan 12:9-10  At sinabi niya, Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagka’t ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay; nguni’t ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama na makakaunawa; nguni’t silang pantas ay mangakakaunawa.

At gaya ng pahayag ng Biblia, Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan. (Kawikaan 16:6)

Bukod sa pagkatakot at paghiwalay sa kasamaan, inaasahan din ng Dios na ang mga lingkod Niya ay nahahanda sa tuwina sa pag-uukol ng pag-ibig sa lahat, lalo na sa kapatid sa pananampalataya. 1Pe 1:22  Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa’t isa:

At sinumang maging lingkod ng Dios ay inaalisan ng katuwiran sa kanilang mga sarili. Hindi na ang kanilang kalooban ang masusunod kundi ang kalooban na ng Dios ang dapat na mamayani. Php 3:9  At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:

Ngunit isa sa inaasahan ng Dios sa mga lingkod Niya ay ang kasipagan at pagtatalagang lubos sa pagganap ng katungkulan. 1Ti 4:15  Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.

Subalit bakit kailangang nakatalagang lubos ang Kaniyang mga lingkod? Ano ang mga bagay na kailangan pang pagtalagahan o paghandaan?

Mahalaga ang paghahanda o pagtatalaga sa maraming aspeto ng ating buhay. Sa panig ng espirituwal kailangan din nating maging handa sa anumang bagay na posibleng dumating lalo pa nga ang mga bagay na alam nating tiyak na dadating sa ating mga buhay.

Kasama sa mga bagay na alam nating tiyak na dadating ay ang ating mga kamatayan. Hindi man ganap na ipinaalam sa atin ang kapanahunan NITO, mahalaga naman na mapaghandaan ito. Sa anong dahilan? Una, sapagkat hindi natin alam ang mangyayari sa araw ng bukas. (Jas 4:14-15  Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi. Sapagka’t ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.) Kaya hindi natin marapat na ipaghambog ang araw ng bukas, walang nakakatiyak kung ano ang mangyayari dito.  Pro 27:1  Huwag mong ipaghambog ang kinabukasan; Sapagka’t hindi mo nalalaman kung ano ang ilalabas ng ibang araw.

Bukod tanging ang Dios lamang ang nakaka-alam ng mangyayari sa araw ng bukas, at lahat ng mga bagay ay nakasalalay sa Kaniyang kalooban at kagustuhan. Siya ang nagtatakda ng lahat, nagdudugtong ng ating buhay at nagpapanatili nito. Kaya’t nasa Kaniyang  mga kamay ang lahat ng pagpapasiya.

Bukod dito, ano pa ang isa dapat nating paghandaan at pagtalagahang lubos? 

Isa pa sa mga bagay na kailangan nating paghandaan ay ang dakilang araw ng Panginoon na sinasabi ng Biblia. Ito ang araw ng paghihiganti ng Dios laban sa mga nagsigawa ng kasamaan. Zep 1:14  Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga’y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim… Zep 1:18 Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka’t wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain. 

Ano pa ang paliwanag ng Biblia tungkol sa araw na ito?

Isa 13:9-11  Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon. Sapagka’t ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag. At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.

Ngunit, lahat ba ng tao ay makakasama sa dakilang araw ng kagalitang ito?

Hindi lahat ay magiging bahagi ng kagalitang ito ng Dios. Hindi dapat mangamba ang mayroong mga takot at gumaganap ng Kaniyang mga utos, sapagkat mayroong mga sadyang ililigtas sa kaarawan ng mabangis na galit na ito ng Dios. Isa 51:6  Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka’t ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni’t ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.

Sa paanong paraan tayo dapat maghanda o tumalaga upang maligtas sa galit ng Panginoon?

Batid nating masasama ang mga araw, bawat araw na ipinagkakaloob sa atin ay walang katiyakan, at dahil dito, kailangan nating samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Dios. Bawat araw ay pagkakataong gumawa ng matuwid sa Kaniyang paningin. Bawat araw ay dapat nating samantalahin.

Anu-anong mga bagay ang dapat nating samantalahin?

Lahat ng mga bagay na may kinalaman sa paglilingkod sa Dios at natitiyak nating makakalikha ng kabanalan ay dapat nating pag-ukulan ng ibayong pansin at pagpapahalaga.

Mahalaga na makita tayo ng Dios na nagpupuyat sa bawat panahon gaya nang pahayag ng Panginoong Hesus. Luk 21:36  Datapuwa’t mangagpuyat kayo sa bawa’t panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao. Ang pagpupuyat ay pagiging mapagmasid at mapagpigil sa ating mga sangkap na maaaring magdala sa atin sa kasalanan.

Pansinin natin na mahalagang sangkap ng paghahanda ang panalangin. Ang panalangin ay tuwirang pakikipag-ugnay sa Dios. Ang relasyon o ugnayan natin sa Dios ay dapat na maging maunlad o lalo natin itong mapatatag. 1Pe 4:7 Nguni’t ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na: kayo nga’y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin:

Kaya naman, napakahalaga ang pamalagiang pakikipag-ugnay sa Dios, hindi lamang sa pamamagitan ng panalangin kundi sa pamamagitan ng pakikinig ng Kaniyang mga salita na masusumpungan naman natin sa bawat pagkakatipon o pagsamba na ating dinadaluhan. Kung ang panalangin ay paghahatid ng ating mga hibik at daing, kalakip ang pagpupuri at pagpapasalamat, ang pagdalo upang makinig sa mga Salita ng Dios ay kaparaanan naman ng Dios upang Siya naman ang mangusap sa atin at ihatid ang Kaniyang mga Bilin, Babala at Inspirasyon samantalang naghahanda o nagtatalaga tayo. Heb 10:25  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

Bukod dito, anumang mabuti sa paningin ng Dios, kapag nasa kapangyarihan ng ating mga kamay na ito ay gawin, ay inaasahang hindi natin ipagkakait. Huwag nating ikait ang kabutihan kahit kaninuman sapagkat ito ay hinahanap ng Dios na makita sa atin. (Kawikaan 3: 27)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 60 other followers